Monday, January 6, 2014

ALINGASNGAS LANG BA?


Pagbibinyag sa Panginoon (A)
Enero 12, 2014

ALINGASNGAS LANG BA?

Puno ngayon ng alingasngas ang maraming usapin. May bulung-bulungan hinggil sa huling mga pahayag diumano ng Santo Papa. May alingasngas at ingay tungkol sa kung sino nga ba ang napupusuang tatayong unang kandidato sa halalan sa darating na 2016.

May mga taong wala mang alingasngas ay may alam, may pinanghahawakan, at may panuntunang sinusundan.  Kung ang pag-uusapan ay kaalaman, walang lalampas sa mga eskriba at Pariseo noong panahon ni Kristo. Ang mga eskriba ay mga tagasulat, taga kopya, taga limbag. Wala pa noong mga printer, mga kompyuter, at mga tablet. Kung marunong kang magsulat ay lamang ka, hindi lamang sa paligo, kundi sa kaalaman.

Kung meron mang taong nakababatid kung saan isinilang ang Panginoon, ang mga iyon ay walang iba kundi ang mga eskriba. Alam nila ang kabuuan ng batas at ng panulat ng mga propeta. Bakit hindi, ay sila ang naglilimbag sa mga parchment o balat ng hayop. Sila lamang ang marunong magbasa at magsulat.

Pero hindi ba kayo nagtataka? Hindi mga pariseo at eskriba na maraming alam ang tumayo, naglakbay, at naghanap sa baong silang na pangakong sanggol. Tanging mga mago lamang, na nakarinig lamang ng isang alingasngas ang siyang pumulas at naglakbay, at nagsikap upang makita ang sanggol na bagong silang.

Alingasngas lamang ang kanilang batayan.

Kung minsan, mas mabuti yata ang walang masyadong kaalaman. Noong isang Linggo, sinabi nating ang kaalaman, na hindi galing sa makalangit na karunungan, ay walang  kahihinatnan. Hindi sapat ang maging maalam. Mas mahalaga ang maging marunong, mapanuri, mapagsiyasat, mapag-kilatis, at saka lamang magpapasya.

Pero kapag ang taong may wastong karunungan ay nagpasya, hindi siya titigil hangga’t hindi natatapos at natutupad ang pinagpasyahan.

Natural lamang na isipin na ang maalam o may alam ang siyang dapat unang kumilos, di ba? Pero ang kwento sa ebanghelyo ay hindi ganito. Walang ginawa ang maalam. At sino ang naghanap? Ang mga mago na tanging alingasngas lamang ang batayan.

Samakatuwid, alingasngas baga ang mahalaga? Hindi. Ang mahalaga ay ang pagkilos, paggawa, pagtupad at pagsasakatuparan ng kung ano mang pinagpasyahan. Kay raming taong walang ginawa kundi mag-isip, magmuni-muni, gumawa ng plano, mag-analisa, magsuri, pero walang nararating liban sa paralisis ng walang katapusang analisis.

Nais kong isipin na hindi ganito ang nangyari sa ipinagdiriwang natin ngayon. Matapos magsuri at magkilatis si Isaias, naging megapon siya ng Diyos nang siya ay nagbitiw ng hula: “ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.” Nang makita ni Isaias ang katotohanan, ipinasya niyang ipangaral at ipahayag ang totoo.

Ganoon din sa wari ko ang ginawa ni Pedro. Nang makilala niya ang Diyos, siya man ay nagwika at nangaral o nagpahayag: “Ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang hinirang.” Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Pedro. Natuto na siya nang kanyang itinatwa ang Panginoon ng tatlong beses noong gabing siya ay ipagkanulo ni Hudas.

Para kay Isaias, at para kay Pedro, hindi lang alingasngas ang tungkol sa Mananakop at Mesiyas.

Pero ito ang mas matindi. Sa simula ay isa rin lamang alingasngas ang balita ni Juan Bautista. Hindi niya tahasang kilala si Kristo, pero wala siyang problemang igiit sa mga nagtanong sa kanya: “Hindi ako ang Mesiyas. Mayroong darating na mas dakila kaysa sa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.”

Nang makita niya ang Panginoon, lalung hindi siya nangiming sabihin: “Ito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Ang alingasngas ay napalitan ng matibay at tiyak na patunay at pagiging saksi.

Kailangan pa ba natin si Isaias? Oo. Kailangan pa ba natin si Pedro at ang kanyang patotoo? Oo rin. Kailangan pa rin ba natin si Juan Bautista? Oo, kailangan pa rin. Pero ang ating patotoo ay hindi na lamang sabi-sabi, ayon kay Isaias, o ayon kay Pedro o ayon kay Juan. Ang ating patotoo ay batay na ngayon sa walang kapantay na nagpatotoo kay Kristo – walang iba kundi ang Diyos na mismo: “Ito ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan!”

Magpapadala pa ba tayo sa alingasngas? Puede. Tulad ng mga mago napadala sila sa alingasngas at humayo at naghanap. Pero nang matagpuan na nila, ang kanilang paniniwala ay hindi na lamang batay sa alingasngas, kundi batay sa patotoo ng Siyang hindi maaaring malinlang at hindi makapanglilinlang.

Hala! Wag lang mapadala sa sabi-sabi … Humayo, maghanap, at manindigan sa kanyang ngalan!

No comments:

Post a Comment