Friday, January 31, 2014

LIWANAG NA HANAP; KALIGTASANG GANAP


Pag-aalay ng Sanggol sa Templo
Pebrero 2, 2014

LIWANAG NA HANAP; KALIGTASANG GANAP

Candelaria ang tawag sa pista natin ngayon. May kinalaman ito sa mga kandila, na kakaunti na lamang ang gumagagawa, nakakaunawa, at nagdadala. Pero, ano ba ang mayroon sa kandila na kailangan ipabasbas sa araw na ito?

Sa totoo lang, hindi naman talaga kandila ang pinag-uusapan dito, eh, kundi kung ano ang isinasagisag ng kandila. At ito ay walang iba kundi ang LIWANAG!

Pero, isa isahin natin… Magsimula tayo sa mga pagbasa. Sa unang pagbasa, ang ating bida ay isang malabong propeta na kakaunti naman ang sinulat o sinabi. Pero kahit malabo siya, mayroon siyang sinabing malinaw pa sa sikat ng araw. At ito ang malinaw niyang sinabi: “At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo.”

Higit na lumiwanag ito sa kwento ni Lucas. Nang dalhin at ialay ang sanggol sa templo, bilang pagtupad sa sinasabi sa kautusan, medyo nasapawan sa eksena ang mga magulang na si Maria at Jose. Pumapel ang isang hindi inaasahang tao. Mayroon palang isang matandang walang ginawa kundi magpaali-aligid sa templo upang maghintay.

Naghahanap siya ng liwanag. Naghihintay siya ng katuparan at kaganapan ng kanyang pananampalataya. Naging propeta siyang tulad ni Malaquias. At nang nakita niya ang hinahanap, tumayo siya at ginawa ang isang bagay na wala sa script, ika nga. Kinuha niya ang sanggol at kinalong … nagpuri sa Diyos at namaalam nang bigla dahil aniya, ay “nakita na ng aking mata ang iyong pagliligtas.”

Ang dami ngayon na naghahanap sa kawalan. Ang dami ngayon ng nadadala ng kasinungalingan. Hanggang ngayon, halimbawa, wala pang may alam kung saan napunta ang pera ng bayan. Liban sa sabihing pinagparte partehan ng mga NGO, ay hindi natin alam kung sino talaga ang nanagana rito. Pero alam natin kung gaano kalaki ang halaga ng dambuhala at maraming mga bahay ng mga “honorable senators at congressmen.”

May pasintabi tayo kay Isaias, pero ang sinabi niya noon ay totoo pa rin … naglalakad pa rin tayo sa landas ng kadiliman, at naghihintay pa rin tayong sumikat ang liwanag sa karimlan.

Pero ngayon, Pista ng Candelaria, ay malinaw ang sagot ng mga pagbasa. Paano niya ba ginawa ito?

Ang sabi ng sulat sa mga Hebreo ay ito … Naging tulad natin siya sa lahat ng bagay.  “Naging tao rin si Jesus tulad nila – may laman at dugo.” Pero, sa likod ng kanyang kapayakan at kasimplehan ay nabanaag ang liwanag na ating hinihintay – ang liwanag ng kaligtasan.

Mahirap makita ang liwanag kung lahat ay nauunahan ng panlilinlang, pandaraya, at kasinungalingan. Pero ang ating pagiging makasalanan ay hindi kailanman magwawagi sa lakas ng katotohanang mula sa Diyos, sa harap ng kapangyarihan ng katotohanan galing sa Diyos.

Pero kailangan natin maging tulad ni Malaquias. Mapagmatyag. Mapagsuri. Bukas ang puso sa inspirasyon o bulong mula sa itaas. Kailangan natin matulad kay Simeon … naghihintay … nagmamasid … naghahanap nang masinsin … at sa sandaling makita ay handang kumilos, handang gumawa, handang pumapel ika nga, para sa ikabubuti ng lahat …

Kinarga niya ang sanggol. Kinalong at itinaas habang tumataas rin ang kanyang panalangin at papuri sa Diyos na nagkaloob ng liwanag: “Kunin mo na Pangioon ang iyong abang alipin, ayon sa iyong pangako, yamang nakita ng ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa.”

Huwag nating ismolin o maliitin ang kandila. Huwag nating maliitin o siphayuin ang mistulang walang halagang bagay o tao, tulad ng matandang si Simeon. Baka sila pa ang makapaghahatid sa atin sa liwanag na tunay. Huwag tayong pakapadala nang husto sa mga nagpapanggap na kagalang-galang … sa mga nagbabalita diumano ng naganap, pero naghuhubog ng kanilang sariling katotohanan sa isipan ng balana.

Maging tulad ni Malaquias. Mapagmatyag. Mapagmasid. Mapagkilatis. At higit sa lahat, bukas ang mata, ang isipan at ang puso sa katotohanan. Maging tulad ni Simeon. Masigasig. Mapaghintay. Mapaghanap sa totoo, at gumawa nang nararapat nang masumpungan ito.

Huwag ninyong itapon o ibasura ang mga kandila ninyo. Sagisay iyan ng inyong hanap at mithiin: ang liwanag ng Panginoon. Tanging sa kanya lamang makikita at matatanggap ang kaligtasang ganap.

No comments:

Post a Comment