Friday, January 31, 2014

LIWANAG NA HANAP; KALIGTASANG GANAP


Pag-aalay ng Sanggol sa Templo
Pebrero 2, 2014

LIWANAG NA HANAP; KALIGTASANG GANAP

Candelaria ang tawag sa pista natin ngayon. May kinalaman ito sa mga kandila, na kakaunti na lamang ang gumagagawa, nakakaunawa, at nagdadala. Pero, ano ba ang mayroon sa kandila na kailangan ipabasbas sa araw na ito?

Sa totoo lang, hindi naman talaga kandila ang pinag-uusapan dito, eh, kundi kung ano ang isinasagisag ng kandila. At ito ay walang iba kundi ang LIWANAG!

Pero, isa isahin natin… Magsimula tayo sa mga pagbasa. Sa unang pagbasa, ang ating bida ay isang malabong propeta na kakaunti naman ang sinulat o sinabi. Pero kahit malabo siya, mayroon siyang sinabing malinaw pa sa sikat ng araw. At ito ang malinaw niyang sinabi: “At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo.”

Higit na lumiwanag ito sa kwento ni Lucas. Nang dalhin at ialay ang sanggol sa templo, bilang pagtupad sa sinasabi sa kautusan, medyo nasapawan sa eksena ang mga magulang na si Maria at Jose. Pumapel ang isang hindi inaasahang tao. Mayroon palang isang matandang walang ginawa kundi magpaali-aligid sa templo upang maghintay.

Naghahanap siya ng liwanag. Naghihintay siya ng katuparan at kaganapan ng kanyang pananampalataya. Naging propeta siyang tulad ni Malaquias. At nang nakita niya ang hinahanap, tumayo siya at ginawa ang isang bagay na wala sa script, ika nga. Kinuha niya ang sanggol at kinalong … nagpuri sa Diyos at namaalam nang bigla dahil aniya, ay “nakita na ng aking mata ang iyong pagliligtas.”

Ang dami ngayon na naghahanap sa kawalan. Ang dami ngayon ng nadadala ng kasinungalingan. Hanggang ngayon, halimbawa, wala pang may alam kung saan napunta ang pera ng bayan. Liban sa sabihing pinagparte partehan ng mga NGO, ay hindi natin alam kung sino talaga ang nanagana rito. Pero alam natin kung gaano kalaki ang halaga ng dambuhala at maraming mga bahay ng mga “honorable senators at congressmen.”

May pasintabi tayo kay Isaias, pero ang sinabi niya noon ay totoo pa rin … naglalakad pa rin tayo sa landas ng kadiliman, at naghihintay pa rin tayong sumikat ang liwanag sa karimlan.

Pero ngayon, Pista ng Candelaria, ay malinaw ang sagot ng mga pagbasa. Paano niya ba ginawa ito?

Ang sabi ng sulat sa mga Hebreo ay ito … Naging tulad natin siya sa lahat ng bagay.  “Naging tao rin si Jesus tulad nila – may laman at dugo.” Pero, sa likod ng kanyang kapayakan at kasimplehan ay nabanaag ang liwanag na ating hinihintay – ang liwanag ng kaligtasan.

Mahirap makita ang liwanag kung lahat ay nauunahan ng panlilinlang, pandaraya, at kasinungalingan. Pero ang ating pagiging makasalanan ay hindi kailanman magwawagi sa lakas ng katotohanang mula sa Diyos, sa harap ng kapangyarihan ng katotohanan galing sa Diyos.

Pero kailangan natin maging tulad ni Malaquias. Mapagmatyag. Mapagsuri. Bukas ang puso sa inspirasyon o bulong mula sa itaas. Kailangan natin matulad kay Simeon … naghihintay … nagmamasid … naghahanap nang masinsin … at sa sandaling makita ay handang kumilos, handang gumawa, handang pumapel ika nga, para sa ikabubuti ng lahat …

Kinarga niya ang sanggol. Kinalong at itinaas habang tumataas rin ang kanyang panalangin at papuri sa Diyos na nagkaloob ng liwanag: “Kunin mo na Pangioon ang iyong abang alipin, ayon sa iyong pangako, yamang nakita ng ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa.”

Huwag nating ismolin o maliitin ang kandila. Huwag nating maliitin o siphayuin ang mistulang walang halagang bagay o tao, tulad ng matandang si Simeon. Baka sila pa ang makapaghahatid sa atin sa liwanag na tunay. Huwag tayong pakapadala nang husto sa mga nagpapanggap na kagalang-galang … sa mga nagbabalita diumano ng naganap, pero naghuhubog ng kanilang sariling katotohanan sa isipan ng balana.

Maging tulad ni Malaquias. Mapagmatyag. Mapagmasid. Mapagkilatis. At higit sa lahat, bukas ang mata, ang isipan at ang puso sa katotohanan. Maging tulad ni Simeon. Masigasig. Mapaghintay. Mapaghanap sa totoo, at gumawa nang nararapat nang masumpungan ito.

Huwag ninyong itapon o ibasura ang mga kandila ninyo. Sagisay iyan ng inyong hanap at mithiin: ang liwanag ng Panginoon. Tanging sa kanya lamang makikita at matatanggap ang kaligtasang ganap.

Thursday, January 23, 2014

IWAN, IWANAN, AT SUNDIN!

Ikatlong Linggo Taon A
Enero 26, 2014

IWAN, IWANAN, AT SUNDIN!

Balik na naman tayo kay Isaias … propeta ng liwanag sa karimlan … Hula niyang ang mga lugar tulad ng Zabulun at Neftali, na dati’y nalugmok sa kahihiyan at kadiliman, ay mabubunyag bilang tampulan ng liwanag. Hindi lang isang beses natin ito narinig bago mag-pasko at sa buong panahon ng pasko.

Natupad ang kanyang hula nang si Jesus ay lumisan sa Nazaret, at nagpunta sa Capernaum, malapit sa teritoryo ng Zabulun at Neftali. Iniwan ni Jesus and Nazaret. Nilisan niya ang lugar ng kanyang pagkabata, dahil sa isang misyong hindi niya maiwanan, yaman at atang sa kanyang balikat ng Kanyang Amang makalangit.

Nang panahong iyon, mga estudyante ang naghahanap ng susundan, naghahanap ng guro na palilibutan. Sa pagkakataong ito, hindi estudyante and naghanap. Ang Panginoon mismo ang siyang naghanap at tumawag.

Madali ang pagsunod ng tinawag. Hindi katulad ng mga batang pag ayaw sumunod sa magulang ay nagbibingi-bingihan. Mahirap sa mga bata ang iwan ang laro, ang pinakagustong gawin lagi ng bata. Mahirap rin sa mga bata ang iwanan sa iba ang mga laruang pinakamamahal. Mahirap lisanin kaninuman ang mga bagay na pinahahalagahan. At lalung mahirap sundin ang isang naghihimok na iwan ang nakagawian at iwanan ang lahat para sa kanya.

Araw ng disipulo ngayon. Dumating si Jesus, na ang hanap ay tagasunod. Nakita si Pedro at Andres. Tinawag at kagyat tumalima. Walang pasubali. Walang “teka muna.” Walang “mamaya na.” Walang atubili.

Nakita sina Santiago at Juan. Tinawag rin. Hinikayat iwan at iwanan ang lahat. Kagya’t ring sumunod. Walang tanong-tanong. Walang “puede bang sa ibang araw na lamang?”

Marami tayong dahilan. Kapag ayaw maraming dahilan; kapag gusto maraming paraan. Kapag kapartido, walang masama at labag sa batas; kapag kalaban, lahat ay illegal at labag sa batas ng bayan.

Mahirap iwan ang komportableng pamumuhay. Mahirap iwanan ang gamit na kinahumalingan, ang mga taong nagpapataba ng puso natin.

Pero malinaw pa sa sikat ng araw, na ang mga disipulo nang tinawagan, ay kagya’t kumilos ay lumisan. Iniwan ang lahat; iniwanan ang mga kagamitan at lahat. Dalawang paglisan ang tinupad ng mga disipulo: iniwan ang pamilya, at iniwanan ang trabaho, ang makapagbibigay sa kanila ng seguridad o katiyakan sa hinaharap.

Pahiya na naman kaming mga pari dito. Hirap kaming iwan ang kinagawian. Hirap rin kaming iwanan ang mga kinasanayan. Hirap kaming lumisan upang humayo at mangaral ng mabuting balita kung saan kami kinakailangan.

Pero ito ang turo ng Linggong ito – ang diwa ng tunay na pagiging disipulo …
Ang iwan ang lahat … ang iwanan ang mga kinasanayan, at ang paglisan, tulad nang paglisan ng Panginoon sa Nazaret, upang maghatid ng liwanag sa Zabulun at Neftali, at hanggang sa dulo ng daigdig.

Handa ba tayong iwan, iwanan, at lisanin ang lahat? Hindi lang kaming mga pari ang tinatawagan dito, kundi pati mga layko … sapagka’t lahat tayo ay tinatawagan upang maghatid ng mabuting balita hanggang sa dulo ng daigdig … hanggang saw akas ng panahon.

Sacred Heart Novitiate
Lawaan, Talisay City, Cebu
January 23, 2014


Friday, January 17, 2014

BALIK-PASKO, BAGONG TAON, BALIK SA DIYOS!


Kapistahan ng Santo Nino (A)
Enero 19, 2014

BALIK-PASKO, BAGONG TAON, BALIK SA DIYOS!



Iba ang Pinoy kung magdiwang … pahabaan, at meron pang extensyon. Kulang sa atin ang labindalawang araw ng Pasko. Nagsimula ng Setyembre, nagwakas sa Binyag ng Panginoon, naputol nang isang araw sa Pista ng Nazareno ng Quiapo, at muling bumalik sa araw na ito ng Banal na Sanggol – Santo Nino. Huling hirit, ika nga!



Pati pagbasa natin ay isang balik-tanaw. Parang balik-pasko talaga: “Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman, namanaag na ang liwanag sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.” Pawang kasiyahan ang dulot … pagdiriwang… pagsasaya … Balik-Pasko na naman!



Pero alam nating bukod sa rito ay may isa pang lumipas – ang pagpasok ng bagong taon. Maraming guro ang nagpasulat ng composition tungkol sa “my new year’s resolution.” Maraming nangakong hinding hindi na papasok ng Starbucks. Pero sa kagustuhang magka-planner ay paulit-ulit pa ring nagcacafe – kahit na hindi naman café ang iniinom, pero iba kasi sa Starbucks … May inumin ka na, may pang facebook status post ka pa!



Masaya ang pasko. Masaya rin ang bagong taon. At lalung masaya kapag milyon-milyon ang namamanata sa Nazareno … kahit na halos mamatay ka makahipo lamang sa lubid at masabing namanata ka kasama ng mga artistang isang beses lang naman sa isang taon kung magpamalas ng pagiging maka-Diyos.



Masaya rin ang Pista ng Santo Nino – sa maraming dako sa Pilipinas. Naging simulain ito ng iba-ibang pagdiriwang: Sinulog, Dinagyang, Ati-atihan, at marami pang iba. Yugyugan, sayawan, hiyawan … ito ang ilan sa mga bunga ng pagdiriwang na ito. Tourist dollars ang hatid nito sa maraming lugar … puno ang mga hotel … at panay rin ang pagdagsa ng mga mandurukot at mga taong mapagsamantala.



Pero kelangan magbalik-isip at magmuni sumandali. Pasko, pista, pagdiriwang … pagsasaya … mas masaya ika nga sa Pilipinas! More fun in the Philippines, ang pilit na ipinahahatid sa mga banyaga, huwag ka lamang ma-riding in tandem ng mga salarin, o maloko ng mga taxi driver.



Pero ito nga ba ang kahulugan ng Santo Nino?



Malayo sa sinasaad sa mga pagbasa. Magandang balita ang dulot ng pagbasa … liwanag sa karimlan … walang hanggang kapayapaan … katarungan at katwiran … Pero sa likod nito ay mayroong trabahong naghihintay, pangakong pinanindigan, at kaligtasan isinakatuparan … ang pagsilang ng sanggol, ayon sa pangakong binitiwan ng Diyos, sa pamamagitan ng anghel, at mga magulang na tumupad sa kanilang iniatang na tungkulin!



Siguro ay dapat tayong tumingin sa bagong taon … marahil ay dapat tayong tumingin sa pagbabalik sa Diyos. Hindi sapat ang maging fanatico… Hindi sapat ang manatili sa pahipo-hipo lamang sa lubid o sa estatwa … Hindi sapat ang maging disipulo lamang ng mga artistang isang beses lamang bawa’t taon nag-iisip mamanata, makipila, at maging halos ay hibang sa pagpapadala sa agos ng karamihang wala namang pansin sa Diyos sa ibang araw, liban sa pista ng Nazareno.



Marahil ay dapat nating sundin ang ginawa ng banal na sanggol … lumago at lumaki sa biyaya at kaalaman at karunungan …



Ang buhay ay hindi lamang puro saya, sayaw at hiyaw. Ang pagiging banal ay hindi nakukuha lamang sa pagsusuot ng marangyang kasuutan minsan lamang bawa’t taon. Ang kabanalan ay ginagawa at isinasatuparan bawa’t araw … sa diwa ng kasimplehan, kapayakan at kababaang-loob … tulad ng ipinakita ng Santo Nino.



Hala bira! Hala sigaw at hala sayaw! Pero wag sana kalimutan … ang tunay na pagmamahal sa Diyos ay hindi lamang nakukuha sa sigaw. At ang tunay na paglago sa pananampalataya ay sinasamahan ng dakilang adhika, at wastong paggawa!

Monday, January 6, 2014

ALINGASNGAS LANG BA?


Pagbibinyag sa Panginoon (A)
Enero 12, 2014

ALINGASNGAS LANG BA?

Puno ngayon ng alingasngas ang maraming usapin. May bulung-bulungan hinggil sa huling mga pahayag diumano ng Santo Papa. May alingasngas at ingay tungkol sa kung sino nga ba ang napupusuang tatayong unang kandidato sa halalan sa darating na 2016.

May mga taong wala mang alingasngas ay may alam, may pinanghahawakan, at may panuntunang sinusundan.  Kung ang pag-uusapan ay kaalaman, walang lalampas sa mga eskriba at Pariseo noong panahon ni Kristo. Ang mga eskriba ay mga tagasulat, taga kopya, taga limbag. Wala pa noong mga printer, mga kompyuter, at mga tablet. Kung marunong kang magsulat ay lamang ka, hindi lamang sa paligo, kundi sa kaalaman.

Kung meron mang taong nakababatid kung saan isinilang ang Panginoon, ang mga iyon ay walang iba kundi ang mga eskriba. Alam nila ang kabuuan ng batas at ng panulat ng mga propeta. Bakit hindi, ay sila ang naglilimbag sa mga parchment o balat ng hayop. Sila lamang ang marunong magbasa at magsulat.

Pero hindi ba kayo nagtataka? Hindi mga pariseo at eskriba na maraming alam ang tumayo, naglakbay, at naghanap sa baong silang na pangakong sanggol. Tanging mga mago lamang, na nakarinig lamang ng isang alingasngas ang siyang pumulas at naglakbay, at nagsikap upang makita ang sanggol na bagong silang.

Alingasngas lamang ang kanilang batayan.

Kung minsan, mas mabuti yata ang walang masyadong kaalaman. Noong isang Linggo, sinabi nating ang kaalaman, na hindi galing sa makalangit na karunungan, ay walang  kahihinatnan. Hindi sapat ang maging maalam. Mas mahalaga ang maging marunong, mapanuri, mapagsiyasat, mapag-kilatis, at saka lamang magpapasya.

Pero kapag ang taong may wastong karunungan ay nagpasya, hindi siya titigil hangga’t hindi natatapos at natutupad ang pinagpasyahan.

Natural lamang na isipin na ang maalam o may alam ang siyang dapat unang kumilos, di ba? Pero ang kwento sa ebanghelyo ay hindi ganito. Walang ginawa ang maalam. At sino ang naghanap? Ang mga mago na tanging alingasngas lamang ang batayan.

Samakatuwid, alingasngas baga ang mahalaga? Hindi. Ang mahalaga ay ang pagkilos, paggawa, pagtupad at pagsasakatuparan ng kung ano mang pinagpasyahan. Kay raming taong walang ginawa kundi mag-isip, magmuni-muni, gumawa ng plano, mag-analisa, magsuri, pero walang nararating liban sa paralisis ng walang katapusang analisis.

Nais kong isipin na hindi ganito ang nangyari sa ipinagdiriwang natin ngayon. Matapos magsuri at magkilatis si Isaias, naging megapon siya ng Diyos nang siya ay nagbitiw ng hula: “ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.” Nang makita ni Isaias ang katotohanan, ipinasya niyang ipangaral at ipahayag ang totoo.

Ganoon din sa wari ko ang ginawa ni Pedro. Nang makilala niya ang Diyos, siya man ay nagwika at nangaral o nagpahayag: “Ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang hinirang.” Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Pedro. Natuto na siya nang kanyang itinatwa ang Panginoon ng tatlong beses noong gabing siya ay ipagkanulo ni Hudas.

Para kay Isaias, at para kay Pedro, hindi lang alingasngas ang tungkol sa Mananakop at Mesiyas.

Pero ito ang mas matindi. Sa simula ay isa rin lamang alingasngas ang balita ni Juan Bautista. Hindi niya tahasang kilala si Kristo, pero wala siyang problemang igiit sa mga nagtanong sa kanya: “Hindi ako ang Mesiyas. Mayroong darating na mas dakila kaysa sa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.”

Nang makita niya ang Panginoon, lalung hindi siya nangiming sabihin: “Ito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Ang alingasngas ay napalitan ng matibay at tiyak na patunay at pagiging saksi.

Kailangan pa ba natin si Isaias? Oo. Kailangan pa ba natin si Pedro at ang kanyang patotoo? Oo rin. Kailangan pa rin ba natin si Juan Bautista? Oo, kailangan pa rin. Pero ang ating patotoo ay hindi na lamang sabi-sabi, ayon kay Isaias, o ayon kay Pedro o ayon kay Juan. Ang ating patotoo ay batay na ngayon sa walang kapantay na nagpatotoo kay Kristo – walang iba kundi ang Diyos na mismo: “Ito ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan!”

Magpapadala pa ba tayo sa alingasngas? Puede. Tulad ng mga mago napadala sila sa alingasngas at humayo at naghanap. Pero nang matagpuan na nila, ang kanilang paniniwala ay hindi na lamang batay sa alingasngas, kundi batay sa patotoo ng Siyang hindi maaaring malinlang at hindi makapanglilinlang.

Hala! Wag lang mapadala sa sabi-sabi … Humayo, maghanap, at manindigan sa kanyang ngalan!

Saturday, January 4, 2014

WASTONG PAGKILALA; TAMANG PAGPAPASYA


Linggo ng Epipaniya (A)
Enero 5, 2014

WASTONG PAGKILALA; TAMANG PAGPAPASYA

Wagas kung magwika ang mga paham. Madulas ang dila ng mga maaalam. Nguni’t tunay na matinik ang gawa ng matatalas at matatalino. Pero gaya nga ng kasabihan, matalino man ang matsing, ay napaglalalangan din!

Maalam si Isaias. Nakita niya ang darating na kahiwagaan: “Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon!” Maalam rin si Pablo. Mula sa dating tagapag-usig ng Simbahan, ay nakita niya ang liwanag ng katotohanan at naging apostol ni Kristo. Aniya, “dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay ipinagkatiwala niya sa akin ang tungkuling ito para sa inyong kapakinabangan … ang kanyang lihim na panukala.”

Pero merong bukod sa pagiging maalam, ay matalas rin. Tulad ni Herodes … matalim ang mata sa mga posibleng karibal. Nangamba siya dahil nabalitaang may bagong silang na sanggol sa Belen. At lalong naging diskumpiyado nang mabalitaang may mga paham na parating upang siya ay parangalan at pagpugayan.

Maalam ang mga paham. E di ba ito ibig sabihin ng paham? Pero hindi lang sila maalam at matalas … mapagmatyag at mapagsiyasat rin … Nang malamang may ibang balak ang haring inggitero, nag-iba sila ng landas. Disin sana ay naging Gestapo sila, secret police na nagbigay ng impormasyon tungkol sa most wanted child alive, better dead!

Ang lipunan natin ay pinamumugaran ng sandamakmak na maalam. Magaling silang pumeke ng pirma. Magaling silang magtago ng pera ng bayan. Madulas ang mga NGO na nakapag-iimbento ng mga proyekto. Matalas ang mga legislador na wala raw kinalaman sa pagkawaldas ng pera, pero naglalakihan ang mga bahay dito, doon, at doon pa sa malalayong bansa.

Matatalino ang mga kandidatong tatlong taon pa ay gumagawa na ng paraan upang sila ang manalo. Di ba’t ito ang dahilan kung bakit 57 katao ang minasaker sa Mindanao na hanggang ngayon ay wala pang kalutasan?

Si Isaias ay maalam. Si Pablo ay naging paham, bagama’t sa simula ay makitid ang isipan at naging taga-usig ng mga Kristiyano. Ang mga Mago ay di hamak na maalam rin. Pero may kaibahan ang maaalam lamang at ang taong mapagsiyasat, mapagmasid, marunong at may tamang pagpapasya. Hindi talino ang kailangan dito, kundi pag-ibig sa Diyos, at pagmamalasakit sa kapakanang pangkalahatan.

May hangganan ang katalinuhang makamundo. Naagnas rin si Herodes. Namatay ang mga mamamatay-taong tulad nina Idi Amin, Hitler at iba pa. At bagama’t patuloy na kinamumuhian ang Simbahan, kahit kaming mga pari ay hindi nagtagumpay ibagsak ito.

May dalang aral para sa atin ang mga Mago. Dapat maging higit sa matalino at maalam. Kailangan ng karunungang espiritwal at makalangit. Hindi sapat ang maging matalas, madulas, at matikas. Kailangan higit sa lahat ng dunong mula sa itaas.

Ito ang wastong pagkilala at tamang pagpapasya … ang malaman kung ano ang tama at dapat, at ang matutong gumawa ayon sa tama at nararapat.

Huwag tayon manatiling mga tuso na para lamang matsing. Maging maalam, marunong, mapagmasid, mapagsiyasat, at mapag-kilatis. Alamin ang tama at dapat. At gawin kung ano ang tama at dapat ayon sa wastong pagkilala at pagkilatis, sa liwanag ng tala ng paggagabay ng Diyos!