Ika-27 Linggo ng Taon K
Oktubre 6, 2013
KABIGUAN SA KAPALALUAN; BUHAY SA KATAPATAN!
Medyo nagmamadali si Habacuc. Parang hindi siya makahintay
sa kanyang matinding panalangin: “Panginoon, hanggang kailan ako daraing sa iyo
at di mo diringgin?” Malinaw at tahasan ang sagot sa kanya ng Diyos: “ang
hambog ay mabibigo sa kanyang kapalaluan, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa
kanyang katapatan.”
Para tayong si Habacuc lahat. Nagpupuyos ang damdamin natin
ngayon sa balitang may kinalaman sa pagkagahaman ng ilang mga namumuno sa atin
kasabwa’t ang matatalinong taong ginamit ang talino sa kasamaan, at hindi sa
katapatan.
Pero hindi pagpupuyos ng damdamin laban sa ibang tao ang
tila sagot sa atin ng mga pagbasa. Sa ikalawang pagbasa, ipinakikilala sa atin
si Timoteo, isang batang-batang disipulo ni Pablo. Ano ang tagubilin ni Pablo
sa kanya? “Maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos
nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo.”
Bata pa noon si Timoteo, tulad ng bata pa rin noong araw ang
maraming tumanda na sa paglilingkod daw sa bayan. Bata rin ang marami sa aking
mga tagabasa, at bata noong araw ang kagaya kong tumanda na sa anumang
larangang pinasukan nating lahat sa lipunan.
Subali’t bata man o matanda, hindi karanasan ang pinag-uusapan
natin ngayon kundi katapatan. Kababaang-loob ang ating pakay ngayon, at hindi
kapalaluan. Pagiging mahinahon at mapagmatyag, hindi ang pagiging padahas-dahas
at pabigla-bigla.
Sa ating panahon, malakas ang hila ng pagiging marahas, ng
pagiging mapusok, ng pagiging mapaghamon. Galit ang marami. Nawala ang tiwala
sa gobyerno, lalo na sa mga mambabatas. Madali ang mapadala sa poot, sa galit,
at sa kawalan ng pasensya.
Pero ngayon, ang pagbasa ay may aral na higit pa sa pagiging
mapusok at puno ng poot. Ang turo sa atin ay kababaang-loob, kahinahunan, hindi
kahambugan at kapalaluan.
Totoo ba kaya ito? Tingnan natin batay sa aking karanasan.
Isang dating OFW sa Italya ang naglingkod ng tapat sa kanyang amo. Pinamanahan
siya ng malaking salapi. Isang tagapangalaga kamakailan ang pinamanahan rin sa
America ng malaking halaga ng kanyang among mayaman. Mayroon akong iba pang
kilala na pinagkalooban ng kahit anong bagay dahil sa katapatan sa
paglilingkod.
May katuturan ang kababaang-loob at kahinahunan. May
mararating ang pagiging tapat at katiwa-tiwala. Hindi lahat ng madaya ay
nananagana at nakaririwasa. May kasabihan tayo sa Tagalog, ang taong nagpakain
sa anak ng nakaw ay magbubunga rin iba pang magnanakaw.
Si Mother Teresa ng Calcutta ay isang halimbawa ng katapatan
at kababaang-loob. Si San Francisco de Asis, bagama’t may kaya ang magulang at
may inaasahang mana, ay nilisan ang lahat para sa isang payak na pamumuhay.
Tayo kaya ? May turo ba tayong mapupulot sa isang utusang sa
halip na umupo at makisabay sa pagkain ng amo ay patuloy na naglingkod?
At nang purihin siya sa kanyang paglilingkod, dagdag pang
kababaang-loob ang kanyang binitiwang salita: “Ako’y isang aliping walang
kabuluhan; tumupad lamang ako sa aking tungkulin.”
Ang mga hambog ay masaya ngayon lamang at dito. Ang mga
mababang-loob at tapat ay silang tunay tagapagmana ng matuwid at tunay na
kadakilaan.
No comments:
Post a Comment