Friday, October 11, 2013


Ika-28 Linggo ng Taon K
Oktubre 13, 2013

PUSPOS, TAOS, LUBOS!

Biglang naging tanyag ang salitang iskolar sa Pilipinas. Lahat ng mga nanggagalaiti sa pork barrel na mambabatas ay biglang nagkaroon ng sandamakmak na pagmamalasakit sa mga iskolar. Dati, hindi sila napapansin. Dati-rati, isang tumpok lamang sila para masabing may pinaglalaanan ng pondo. Ngayon, bigla silang bida. Bigla silang nasa sentro ng usapan. Lumang sangkalan  …. Lumang tuntungan … bagong kasinungalingan!

Si Naaman ay isang banyaga .. Hindi siya gusto ng mga Judio. Bukod rito, siya ay may kurikong! May ketong! Bawal sa ganoong tao ang makihalubilo sa mga malilinis. Pero isang hiwaga na lumapit siya kay Eliseo upang humingi ng beauty tips. Kung siguro si Belo ay buhay na, ay paniguradong nagpunta siya kay Belo, hindi kay Eliseo.

Pero sa madaling salita, ay gumaling si Naaman. Walang panama si Belo kay Eliseo. Kahit wala siyang ginawa kundi payuhan si Naaman, na maglulublob sa ilog Jordan. (Kung mayaman ka, mas maganda siguro maglulublob sa bath tub tulad ni Jeane Napoles na puno ng dolyar at Euros!.)

Pero ito pa ang matindi! Bumalik si Naaman, at nagtangkang magbigay ng “bribe” “suhol” … este … pasasalamat pala. Masama ang salitang suhol. Hindi totoong may nasusuhulan sa gobyerno. Paninira lang yan ng mga hindi nabibigyan ng biyaya!

Matapos gumaling ay pilit na nagreregalo siya kay Eliseo. Iba talaga ng taong tumanggap ng isang matinding biyaya … hindi nananatiling tahimik, bagkus pilit na nagpapakita ng pasasalamat.

Pero matindi ang panahon natin ngayon. Mayroon daw tayong epidemic o malawakang sakit na ang tawag ay narcisismo – ang sobrang pagmamahal sa sarili, tulad ni Narciso na umibig sa kanyang sariling larawan sa sapa. Kay rami nito sa facebook … panay ang selfie, panay ang pose, at panay ang post ng mga kinain sa Starbucks. Marami ring ganito sa senado … wala silang ninakaw… wala silang kilala … at wala silang pinirmahan.

Para sa mga narcisista, walang masama, kasi “dapat lang.” May magbigay sa kanila ng biyaya, ang sagot nila ay “dapat lang.” May tumulong sa kanila, ang kanilang bukambibig ay “dapat lang.” May mag magandang-loob sa kanila, ang kanilang tugon ay “dapat lang.” Dapat lang na ako ay bigyan … Dapat lang na ako ay kumuha ng pera … Astig yata ako! Dapat lang na ako ay paglingkuran … Honorable yata ako! Dapat lang na ang mahihirap ay manatiling mahirap … tamad sila … ayaw magtrabaho … at kasalanan ko ba kung ako ay mayaman? Ito ang tanong ng mga narsisistang parang langaw na nakatayo sa likod ng kalabaw.
Sampung mga ketongin (akala nyo daliri, ano?) ang lumapit kay Jesus. Sampung mga ketongin ang gumaling matapos lumapit sa kanya. Kamay at paa … ulo hanggang paa ay pawang gumaling! Milagro!

Pero ito ang matinding milagro. Sampu ang tumanggap ng kalusugan. Sampu ang pinagkalooban ng biyaya. Pero tanging isa lamang ang bumalik upang magpasalamat.

Mabuti pa si Naaman na banyaga. Bumalik at nagkaloob rin ng biyaya sa nagkaloob ng biyaya … nagpasalamat.

Mahirap magpasalamat ang taong ang salita tuwina ay “dapat lang.” Mahirap magkaloob ng karampatang biyaya ang taong hindi kailanman marunong kumilala na siya ay tumanggap nang malaya at pinagkalooban nang malaya rin. Hirap ang narsisista na tumanaw ng utang na loob, tulad ng hirap ang mga korap na tumanggap ng pagkakasala sa taong bayan.

Puspos sila ng “biyaya.” Taos at tagos sa buto ang kanilang tinanggap na yaman. Ngunit kapos sila sa ginintuang kakayahang tumanaw ng pagkakamali at utang na loob.

Tayo man ay puspos ng biyaya mula sa Diyos. Namatay tayong kalalip ni Jesucristong Anak ng Diyos.” Taos sa puso at kalooban ang lahat ng tinanggap natin mula sa Kaniyang kabutihan at pagmamahal.

Pero kapos tayo sa pasasalamat. Kapos tayo sa pagkilala ng biyaya. Tulad ng siyam na hindi man lang tumagos sa kanilang damdamin na sila ay dapat ketongin at mabaho pa rin kung hindi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos.

Hindi pa tapos ang lahat. Hindi pa huli ang lahat. Kaya pa natin magpasalamat. Kaya pa natin kumilala ng tama at wasto. Tumulad sana tayo kay Naaman, sa nag-iisang bumalik kay Kristo. Taos-puso tayong magpasalamat. Puspos tayo ng biyaya at pagmamahal. Maging lubos tuwina ang ating pagnanasang maging tulad ng mga taong marunong kumilala, at kumilatis ng tama. “Ang Diyos Ama’y naghahangad lagi, tayo’y pasalamat kaisa ng Kanyang Anak.”

No comments:

Post a Comment