Thursday, September 12, 2013

TATAYO AKO'T BABALIK, SAPAGKA'T AKO'Y NAGKASALA!


Ika-24 na Linggo ng Taon K
Setyembre 15, 2013

 TATAYO AKO'T BABALIK, SAPAGKA'T AKO'Y NAGKASALA

Matindi ngayon ang social networking sites … dami selfies, dami rin ng selfish o makasarili … dami piktyur, at marami ring inaasahang “likes” tunay man o hindi ang get-up ni Kiko o ni Kikay.

Kung selfish and Diyos, gagawin kaya niya ang ginawa niya ng gumawa ng napakalaking selfie ang mga Israelita? Nagtayo sila ng diyus-diyosan … isang diyus-diyosang tanso at asero. Hinimok niya si Moises: “hali, puntahan mo ang aking bayan, na ngayon ay hibang na hibang sa kanilang imahe” … nahawahan ng pagiging makasarili na usong-uso ngayon saanman.

Ganyan magmahal ang Diyos … Makatarungan … oo. Pero mahabagin rin. Sa huli,”hindi na itinuloy ng Panginoon ang balak na paglipol sa mga Israelita.” Ginawa niya ito kahit nagumon sa selfie ang mga taong ito.

Tulad natin … Gahaman tayo kung minsan sa selfie. Panay sarili ang atupag natin. Panay ako, kami, tayo … laban sa iba. At ang selfie ang nagiging diyus-diyusan, tulad ng ating paghahanap sa “likes” mula sa marami sa facebook. Ganon kaganid ang tao sa “likes” kung kaya’t pati sariling posts ay nilalagyan nila ng like.

Tingnan natin ang turo ni Pablo. Dati siyang gahaman rin sa pag-uusig sa mga kristiyano. Tinuligsa niya at tinugis ang mga mananampalataya at tagasunod ni Kristo. Nguni’t nagising siya sa katotohanan at ito ang kanyang sinabi: “Inusig ko siya at nilait. Sa kabila nito ay kinahabagan ako ng Diyos sapagka’t hindi ko nalalaman ang aking ginagawa.”

Kababaang-loob ito, hindi selfie. Pagpapakumbaba ito, hindi paghahanap sa sarili.

Makamandag talaga ang pagkamakasarili. Pati ang dalwang magkapatid ay natalsikan ng kamandag nito. Sabi ng bata: “Akin na ang aking mana.” “Magsasarili na ako.” Ang kuya naman ay nahabag sa sarili: “Paano naman ako?” “Ni isang bisirong kambing ay ipinagkaloob sa akin upang gawing pulutan at ipagdiwang kasama ng aking barkada!” “Paano naman ako?”

Sukdulan ng katakawan at pagkamakasarili ang narinig natin … daan-daang milyong piso ang pinaghatian ng mga mambabatas at ng magaling mag-magic na taong nakinabang sa hindi nila pera.

Lahat tayo ay kabilang sa bayang ito. Tayo ang bumoto. Tayo ang nagpaloko. Tayo ang tumanggap marahil ng suhol o nagbigay ng suhol. Tayo ang puno at dulo ng kasalanan, sapagka’t ang kasalanan ay nagmumula sa puso ng tao.

Subali’t mahabagin at maawain ang Diyos. At dito ngayon masusubukan ang ating tugon, ang ating pakikibagay at pagtalima sa halimbawa ni Pablo, at halimbawa ng Ama sa ebanghelyo. Tanging ito lamang ang magpapaangat sa atin at magbabalik ng dangal sa atin:

“Babalik ako sa Ama, sapagka’t ako ay nagkasala.”

No comments:

Post a Comment