Saturday, September 7, 2013

DATING ALIPIN; NGAYO'Y KAPATID


Ika-23 Linggo Taon K
Setyembre 8, 2013

DATING ALIPIN; NGAYO’Y KAPATID!

Kahit saan, mahirap talaga ang buhay ng isang nakikipamahay. Wala kang sariling skedyul. Ang takbo ng buhay mo ay nakasalalay sa skedyul ng buhay ng may bahay. Ang buong buhay mo ay umiikot sa pakikibagay at pakikisama.

Pero mayroong mas masahol pa sa pakikipamahay. Ito ay ang pagiging alipin. Ito ang kwento ni Onesimus, isang datihang alipin ni Filemon. Pero ang magandang balitang ngayon ay nakalaan sa atin ay walang iba kundi ang pagiging malaya … ang pagiging ligtas sa anumang pagkagapos na panloob at panlabas.

Ito ang hiwaga ng pananampalataya natin. Bagama’t mahirap unawain, yayamang ayon sa unang pagbasa ay hindi natin kayang maarok ang pamamaraan ng Diyos, ito ang totoo. At ito ang pananampalatayang naghahatid sa atin upang sambitin: “Ikaw Panginoon ang aming kanlungan magpakailanman.”

Karanasan nating lahat ito. Mahirap ang matali sa anu mang bisyo. Mahirap ang magumon sa anumang masamang kaugalian. Mahirap tigilan ang pag-inom kung kinasanayan. Matagal matanggal ang droga kung kinasadlakan. Mahirap ang iwanan ang luho kung nakagawian. At lalong mahirap lisanin ang kasalanan at katiwalian kung ito ang nakikita nating kalakaran.

Hindi madali para sa isang alipin ang magsabing ayaw na niya paalipin. Hindi madali sa isang taong nakagapos ang kalagin ang kanyang pagkatali nang walang tulong sa iba. Subukan mong magpa strait jacket at magsikap kang tumakas. Kung hindi ka si Houdini, wala kang magagawa.

Sa Linggong ito, nais kong isiping ang buod ng magandang balita ay wala iba kundi ito – ang pagka-alipin ay hindi na katangian ng pagiging Kristyano. At ito ay nakamit natin hindi sa ganang sarilin nating pagsisikap, bagkus natanggap natin sa dakilang habag at biyaya ng Diyos.

Si Pablo mismo, sa ngalan ng Panginoon ang humimok kay Filemon na tanggaping muli sa kanyang pamamahay si Onesimo. Dating alipin, nais niyang bumalik sa kanyang dating pinaglingkuran. Kaya nyo ba yan?

Kayo nyo bang tanggapin ang dati mong kasambahay na ngayon ay magiging kasosyo mo na sa bahay? Kaya nyo bang ituring na tunay mong Katoto ang isang dati rati ay naninilbihan sa inyo?

Sa makataong takbo ng ating isipan ay halos imposible mangyari ito. Pero hindi makataong isipan ang paiiralin natin dito, kundi ang mentalidad at takbo ng isipan ng Diyos, tulad ng pamamanhikan ni Pablo, na nakikiusap sa ngalan ng Diyos, na siyang pinagmumulan ng tanang kalayaan.

Itong isiping maka Diyos na ito ang naghatid kay Kristo upang sambitin: “Hindi maaring maging disipulo ang isang tao hangga’t hindi niya kayang kamuhian ang kanyang ama, ina, asawa, at anak, at mga kapatid.”

Hindi ganap na malaya ang isang taong alipin ng mga nakapalibot sa kanya. Hindi kayang gumanap sa tungkulin ng isang disipulo ang sinumang ni bitawan ang mga ugnayang pantao ay hindi niya magawa. Walang alipin ang kayang pumalaot, pumailanlang o maglayag upang gawin ang gawaing maka-Diyos.

Sari-saring mga pagka-alipin ang bumabalot sa buhay natin. Nandyan ang katiwalian. Nandyan rin ang kasinungalingan, at karamutan at kasibaan. Kay raming taong handang ipagpalit ang dangal para sa yamang nabubulok at naaagnas, tulad ng nakita natin sa Pork barrel scam.

Pero malinaw ang turo sa atin ngayon. Tinatawagan tayo hindi sa pagka-alipin, kundi sa tunay at wagas na kalayaan. Ito ang totoo tungkol sa ating lahat: Tayo noon ay alipin, nguni’t ngayon ay itinuturing na mga kapatid kay Kristo.

Kaya ba natin ito? Kaya Natin ito, pero hindi ang tipong pinagsasama ang itim at puti. Kaya natin ito, kung ang itim ay tawaging itim, at ang puti ay tawaging puti. Hiwalay kung hiwalay, sabi nga nila. Walang grey. Walang alanganin. Ang tama ay tama, at ang mali ay mali. Pagkat tayo’y dating alipin na ngayon ay pawang mga kapatid kay Kristo Jesus.

No comments:

Post a Comment