Thursday, April 18, 2013

PANAKA-NAKA; PATUKA-TUKA; PATUNGA-TUNGANGA!


Ika-Apat na Linggo ng Pagkabuhay (K)
LINGGO NG BUTIHING PASTOL
Abril 21, 2013

PANAKA-NAKA, PATUKA-TUKA, PATUNGA-TUNGANGA!

Mahirap ngayon ang makinig. Ang dami mong kalaban. Nandyan ang smartphone, na may mp3 player, na may maraming iba pa. Nandyan ang radyong maingay sa jeep, sa bus, at sa lahat ng restoran na pambata, pang bagets. Mahirap mag pokus. Kabi-kabila ang hila ng ingay, ng balitang ingay pa rin, kundi propaganda.

Sa mundo ng smartphone, madali ang magkaroon ng musikang nasa background, ika nga. Wala kang pinakikinggan, pero laging may musika. At kapag nagustuhan mo ang kanta, saka mo lang titingnan kung sino kumanta, at ano ang pamagat. Shuffle mode, sabi nga nila.

Ganito rin ngayon sa Misa, sa lahat ng simbahan sa buong bansa. Shuffle mode pa rin. Makinig kung kumanta si Father, at nagpakwela … nagpatawa, at inulit ang kwento na alam mo na naman – ang kwento tungkol sa telenobelang napanood ng lahat, o YouTube video na alam na rin ng lahat. Huwag makining kung ayaw mo sinasabi … tulad ng pangaral laban sa aborsyon, o pangaral laban sa same sex marriage, o mga bagay na wala na dapat pakialam ang mga pari, tulad ng premarital sex.

Ganito ang kultura ng shuffle mode … simba panaka-naka … kapag simbang gabi na simbang tabi lang naman … kapag fiesta na simbang ligaw lang naman … kapag Pasko na simbang pasyal lang naman … o kapag kasalan na simbang sosyal lang naman, para makita, para makakita o makasilay, para maging “in” sa samahan … simbang panaka-naka … kumbaga simbang patuka-tuka … o patunga-tunganga.

Ito ang simba ng mga taong ayaw makinig sa Salita ng Diyos (boring!). Ito ang simba ng mga kabataang gusto lamang sumawsaw, kumbaga – konting tuka rito, konting tuka roon – at balik sa celfon kung boring ang pari at walang palakpakan sa misa.

A ver! Tingnan nga natin ang tatlong pagbasa … ang lahat ay walang kinalaman sa panaka-naka, patuka-tuka, at patunga-tunganga!

Ang lahat ay may kinalaman sa pakikinig … nang lubos, nang tunay, at nang buong pagkatao. Ang mga Judio ay patuka-tuka lang ayon sa unang pagbasa. Nang marinig nila ang ayaw marinig, diyan naman sila nag-asal bakulaw at nagtuon ng galit sa mga Hentil. Ang mga Hentil naman ay natuwa at nagpugay sa Diyos sa kanilang narinig!

At ang matindi ay ito … ang mga daang libong mga nakaputi at nakasunod sa Kordero sapagkat nahugasan sila sa dugo ng Kordero. Sila ang nagdusa at nagtiis, dahil sa kanilang pagsunod sa kanilang narinig!

Tayo kaya, ano tayo? Nasaan tayo? Shuffle mode din kaya? Patunga-tunganga sa Misa, habang nagtetext o nag-uusap? Kasi boring si Father?

Linggo ngayong ng butihing pastol – si Jesus. May mensahe siya para sa kanyang tupa … Tayong lahat! Nguni’t may mabubuting tupa na nakikinig, at hindi panaka-naka lamang ang pakikinig. Mayroon rin namang masasamang tupa – ang mga pasaway na kumbaga ay patuka-tuka lamang … nagsisimba pero hindi … nasa may simbahan pero wala … nasa tabihan, nasa tumpukan, nasa daldalan, at nasa lugar kung saan may wi-fi, o kung saan may tinapay na libre … panaka-naka … patuka-tuka … patunga-tunganga.

Sa araw na ito, mamili sana tayo. Shuffle mode? Sige na nga … pasko naman eh… piesta naman eh! “Nakikinig sa tinig ko ang aking mga tupa; kilala ko sila at sila ay sumusunod sa akin!”

Isa lang ang gusto ko ulit-ulitin sa aking mp3 player ngayon … “Kaloob ko sa kanila ang buhay na walang hanggan, at wala isa man ang mapapahamak!” Eto pa … dagdag pa … “Papawiin Niya ang lahat ng luha sa [ating] mga mata!”

Saan ka pa? Makinig na at sumunod na! OK kung tupa niya, at hindi pato at biik ng mga palsong propeta!

No comments:

Post a Comment