Saturday, April 27, 2013

SA DATING BAGAY, O SA BAGONG BUHAY?

-->
Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay (Taon K)
Abril 28, 2013

SA DATING BAGAY, O SA BAGONG BUHAY?



Mahirap makita ang ganda ng bago kundi natin nakita kung ano ang luma. Hindi natin mapahahalagahan ang anumang ginawang bago kung hindi natin nakita kung ano hechura noong luma.



Pangitain ni Juan sa Pahayag ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Ano ba ang kahulugan nito para sa atin?



Una … isang pagbabalik-tanaw. Si Pablo at Barnabas as magkasamang nangaral sa Listra at Iconio, sa Pisidia, Pamfilia at Atalia. Ito ang bago. Ano naman ang luma? Di ba’t dati-rati ay isa siyang masugid na tagapag-usig? Di ba’t siya ang kilabot ng mga unang mananampalataya sapagka’t siya ay masipag na tagapagpahirap sa mga tagasunod ng Galileo?



May luma at may bago, at may kakayahan tayong magpanibago. Tulad ni Pablo. Ang lumang Pablo ay taga-usig, nguni’t nang makaranas siya ng pag-ibig at patawad ng Diyos, ay tila bumaba na para sa kanya ang pangitain ni Juan – isang bagong langit at bagong lupa!



Pangitain ni Juan … puno ng pag-asa … puno ng pag-aasam … Ito ang bagong nilulunggati niya. Ano ba ang luma? Heto … nakita niyang nagunaw at nawasak ang lungsod ng Jerusalem, noong taong 70 AD. Nakita niyang nasalaula ang kanilang lungsod na tampulan ng lahat ng kanilang pag-asa.



Puno rin ng damdamin ang turo ni Jesus. Una, nagpaalam siya … “Kaunting panahon na lamang ninyo ako makakasama.” Ikalawa, nagwika siya ng kasukdulan ng pagbabago … ang oras ng pagpapahayag ng karangalan ng Anak ng Tao. Ano ba ang luma? Heto … walang iba kundi ang pagkakanulo sa kanya ni Judas, na sa oras na ito ayon sa ebanghelyo ay lumisan.



Dumadaan tayo sa maraming kalumaan … Ano-ano ba ang mga kalumaang ito? Marami … ang inggit, ang paninira, ang pagkakawatak-watak at kawalan ng kaisahan, ang pag-iimbot, ang pagiging masiba at makasarili … Sa isang salita, kasalanan!



Ito ang mga kalumaan. Ito ang lumang tugtugin ng mga taong nalugmok sa pagkakasala.



Tigib ng pag-asa ang hatid sa atin ngayon ng Panginoon. “isang bagong langit at bagong lupa” … ito ang magaganap at mangyayari pagdating ng tamang panahon. Sa gitna ng kalumaan, sa gitna ng ating kalungkutan sapagkat napakaraming lumang kagawian at estruktura ng kasalanan ang namamayagpag sa lipunan, mag bagong darating ayon sa Panginoon. “At papahirin niya ang kanilang mga luha. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagka’t lumipas na ang dating mga bagay.”

Ayaw nyo ba nito? Mawawala ang dating mga bagay. At ano ang daan? Paano natin ito mararating?



Heto ang sabi ng Panginoon … “Mag-ibigan kayo. Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo.”



Luma ang hindi magpatawad. Luma ang hindi magmalasakit sa kapwa. Luma rin ang magpahirap sa kapwa. Lumang politika ang bilihan ng boto. Luma rin ang magpaloko sa mga tampalasan at makasarili.



Halina sa bago. Lumisan na sa dating mga bagay. Dumako na tayo sa bagong langit at bagong lupa. “Kung kayo’y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.”



Saan ka pa, kapatid? Sa dating bagay, sa bagong buhay?


No comments:

Post a Comment