Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay (K)
Abril 14, 2013
LAB KO ‘TO: AGAHAN SA DALAMPASIGAN!
Masaya sinuman kapag naka libre sa McDonalds, lalu na noong
isang araw sa buwan ng Marso kung kailan namigay ng libreng agahan ang
McDonald’s. (Puede ring Jollibee!).
Pero palagay ko’y hindi ka magkakandarapa upang humabol sa
namimigay ng libreng agahan habang buhay. Ang buhay ay hindi lamang libreng
pagkain, o libreng cake sa araw ng iyong birthday, (o libreng korona sa iyong
burol!).
Lalong hindi tayo magkakandarapa sa isang magandang pangaral
o pananalita lamang. Hindi … hindi tayo maghahabol sa isang ideya, kundi sa
isang taong alam nating may malasakit at pagmamahal sa atin.
Tunghayan natin sandali ang naganap sa umagang yaon sa
dalampasigan. Hindi pa sumisinag ang araw. Madilim pa at pagod na ang mga
mangingisda, sa pamumuno ni Pedro. Magdamagan silang nagsikap at nagpagal,
nguni’t walang nahuli. Dumating ang isang akala nila sa simula ay isa lamang
taong may magandang mungkahi: “Ilaglag
ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka.”
Nguni’t namangha sila sa kanilang naging huli – mahigit
isang daang mga isda, kung kaya’t hirap silang hilahin ang kanilang huli sa
pampang. Medyo ang pokus nila ay ang huli, hindi ang naging dahilan ng kanilang
huli. Tanging si Juan, ang pinakabata sa kanila ang nakakilala sa kanya: “Siya
ang Panginoon!”
At nagkagulo na sila. Si Pedro na siguro’y naalimpungatan
ang unang kumilos. Nag-ayos ng kasuotan at tumalon sa tubig patungo sa
Panginoong muling nabuhay, habang ang ibang disipulo ay abalang hinihila ang
lambat.
Kung ang akala ninyo ay kababalaghang malaki ang libreng
agahan sa pampang, at si Jesus ay nakikain sa kanila, maghintay lamang sa iba
pang mga naganap …
Naging tampulan ng atensyon si Pedro. Tanging si Pedro ang
kinausap ng Panginoon at pinadaan sa isang masusing pagtatanong nang makaitlong
beses: “Simon, anak ni Juan, minamahal mo
ba ako?” Tatlong beses ring nagpahayag si Pedro ng kanyang matimyas na
pagmamahal. At tatlong beses ring inulit ng Panginoon ang kanyang dapat gawin: “Pakanin
mo … alagaan mo ang aking mga tupa!”
Walang sinumang magtatatakbo dahil lamang tumanggap ng
libreng filet-o-fish mula sa kaninuman. Walang taong nagiging tapat sa isang
ideya, kahit na ang ideyang yaon ay may kaugnayan sa Diyos. Nguni’t ang isang
taong nakaramdam ng matinding pagmamahal sa isang tao at tumanggap rin ng isang
tungkuling ang nagmahal at minamahal mismo ang nagbigay, ay hindi puedeng
manatiling nakatunganga at walang gagawin.
Kikilos at kikilos ang taong tumanggap ng matimyas na
pagmamahal. Tatakbo at tatakbo upang tuparin ang utos at kagustuhan ng isang
taong nagpamalas ng matinding pagmamahal sa isang taong tulad ni Simon Pedro.
Hindi tayo kailanman susunod sa isang ideya, kundi sa isang
taong may pagtingin at pagpapahalaga sa atin.
Noong isang Linggo, sinabi natin na ang muling pagkabuhay ni
Kristo ay may kinalaman sa dalawang bagay: ang pagkatanggal ng mga bato sa
pintuan ng puntod. Pero hindi lamang batong panangga ang dapat tanggalin, o
bato ng pagluluksa o bato ng katamaran o kawalang-pansin. Dapat ring ang buong
buhay natin ay masa isang-tabi at mapawi ang lahat ng balakid sa tunay na
pagiging disipulo.
Si Pedro ay naging disipulong pinuno ng lahat. At ito ay
hindi nangyari dahil lamang tumanggap siya ng libreng agahan sa dalampasigan.
Siya ay isang saksi, hindi sa agahan sa pampang, kundi sa pag-ibig sa kanya ng
Panginoon, na siyang nag-atang sa kanyang balikat ng pananagutan para sa mga
tupa, at upang mangamoy tulad ng tupa, gaya ng sinabi ni Papa Francisco kamakailan.
Wag tayong masiyahan sa libreng sandwich … Wag tayong matuwa
na lamang sa pabuyang dumarating panaka-naka. Kailangan natin mag-asal Pedro,
na nag-alaga sa mga tupa ng Panginoon!
Hindi lang dapat “lab ko ‘to” ang ating sambit. Lab
ko siya! At gagawin ko ang dapat upang maging tulad ni Pedro at tulad
niya mismo sa pagmamahal sa kawan! Hindi araw-araw ay libre ang agahan sa
McDonald’s, pero araw-araw ay tinatawagan tayo upang maglingkod sa kanya bilang
mga pastol tulad niya.
May pagmamahal ka ba sa Diyos? Hali at gumawa … Pakanin,
alagaan … ang kanyang mga tupa!
No comments:
Post a Comment