Thursday, April 4, 2013

KAGALAKAN, KASULATAN, KAPAYAPAAN!


Ikalawang Linggo  ng Pagkabuhay (K)
Abril 7, 2013

KAGALAKAN, KASULATAN, KAPAYAPAAN!

Ikawalong araw ngayon mula sa Linggo ng Pagkabuhay. Oktaba ng paskuwa kung tawagin. Sa nakaraang Linggo ang bawa’t araw ay parang Linggo ng Pagkabuhay. Iyan ay sapagkat ang Paskuwa ang pinakarurok ng taon ng Simbahan, o taong liturhiko – ang sukdulan ng pananampalatayang Kristiyano na nakabatay sa muling pagkabuhay ng Panginoon.

Sa tatlong pagbasa ngayon, marami ang tinutumbok, pero may ilan na lumulutang kumbaga … malinaw at madaling makita, kumbaga.

Ang una ay ito: ang pagkabuhay ng Panginoon ay nagdulot ng matinding pagbabago sa mga disipulo. Ano-ano ang ating nakikita? Una sa lahat, ay “maraming kababalaghan ang ginawa ng mga apostol.” Pati si Pedro ay naging tulad ng Panginoong nagpagaling ng mga maysakit. Ang hiling ng marami ay ito … na kahit man lamang sana kanyang anino ay tumama sa kanila.

Sa ikalawang pagbasa, ito naman ang bunga para kay Juan … Nang makita niya ang pangitain ng Panginoong muling nabuhay, narinig niya ang utos na “isulat ang lahat ng kanyang nakita.”

Nguni’t sa ebanghelyo, bago nila makita ang Panginoong muling nabuhay, sila ay binalot ng takot at pangamba kung kaya’t nagtago sila sa taas ng bahay. Malinaw na ayon sa ebanghelyo ni Juan, nang bigyan sila ng kapayapaan ni Kristo at ipakita niya ang kanyang mga sugat sa kanila, ang lahat ay napuno ng kagalakan. Ang takot an napalitan ng tuwa, at sila ay pinagkalooban ng kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.

Iba talaga kapag naging saksi sa isang dakilang bagay!

Mayroong mga karanasang hindi lamang dapat gunitain at balik-balikan. May mga karanasang nagbibigay ng matinding pagbabago sa ating pagkatao. Ito ang pinagdaanan ng mga disipulo. Nang makita nila si Kristong muling nabuhay, ang takot ay naging kagalakan. Ang simpleng pangaral ay naging panawagan upang gumawa ng kasulatan, tulad ni Juan, at ang pangamba ay napalitan ng kapayapaan!

Subalit lahat tayo ay parang si Tomas na hindi kagya’t naniwala. Medyo makunat nang kaunti si Tomas, na ginusto pa niyang makita ang mga sugat, at mahipo ang kanyang tagiliran, tulad natin kung minsan na hindi agad nagtitiwala, hindi agad naniniwala, at pati mga pangako ng Diyos ay pinagdududahan.

Pero may magandang ginawa si Tomas na dapat nating tularan. Kahit absent siya noong unang nagpakita ang Panginoon, pinilit niyang makarating sa sunod na pagkakataon. Patuloy siyang naghanap ng totoo, at hindi nanatili sa kadiliman ng pagdududa. Nakinig siya sa mga kwento ng mga kasamahan at hindi tumalikod sa kanyang pagiging kabilang sa mga disipulo ng Panginoon.

At ito pa ang matindi … Kahit na medyo nagmatigas siya noong una at sinabing hangga’t hindi niya nakikita o nahihipo ang mga sugat ng Panginoon ay hindi siya maniniwala, nang dumating ang Panginoon at nagpakita sa kanila, hindi na niya hinanap ang mga sugat. Hindi na siya nagpumilit na hipuin pa at masdan ang mga iyon.

Nang makita na niya ang Panginoon, isang panalanging puno ng pag-ibig at pananampalataya ang namutawi sa kanyang mga labi: “Panginoon ko at Diyos ko!”

Anong pagbabago ba ang naging bunga ng muling pagkabuhay sa buhay natin? Anong panalangin ba ang puede nating bigkasin bilang saksi ng kanyang muling pagkabuhay?

Tatlo ang naging bunga sa mga disipulo: Kagalakan, kasulatan, at kapayapaan!

No comments:

Post a Comment