Friday, March 29, 2013

MAY GUWANG, PERO WALANG PUWANG!


Pasko ng Pagkabuhay (K)
Marso 31, 2013

GUWANG, PERO WALANG PUWANG

Walang laman ang puntod. Guwang … walang nakalibing. Bago pa man sumikat ang araw, ay naglaho na ang kanilang hanap. Papahiran pa naman sana ng mga kababaihan ang bangkay, ayon sa kanilang kagawian.

May kulang baga at nawala na ang kanilang pakay? May puwang kaya at hindi naganap ang kanilang inaasam? Dapat kayang ibaon na na puntod ng pagkalimot ang nabaon noong isang araw, nguni’t naglaho at lumisan sa kanyang pagkalibing?

Kung guwang ang libingan, may puwang pa kaya sa ating mga pag-asa? … sa ating mga pangarap? … sa ating mga pinakaaasam?

Marami ngayon ang nakararanas ng iba-ibang uri ng kamatayan at pagkagupiling sa mga bagay na malayo sa buhay. Nandyan ang mga kabataang nagumon sa droga … mga binata’t dalagang pinanawan na ng pag-asang sila ay makababangon pa sa maraming mga suliranin … mga kabataang lumaking walang nakilalang ama o ina … mga batang murang-mura ang isipan ay nalukuban na ng lahat ng uri ng bisyong hindi kailanman dapat ipamata at ipamulat sa mga batang paslit … mga batang sa halip na mag-aral ay naghahanap ng basura upang ipagtawid-buhay … mga batang padre o made de familia na dapat lumisan sa malalayong lugar upang makapaghanap ng trabaho ay papag-aralin ang kanilang mga anak na nangungulila sa sarili nilang bayan …

Mahaba ang listahan natin. Sa ating kapaligiran, kay raming mga taong buhay pa ay nagmimistula nang patay dahil sa maraming mga iba-ibang pamamaraan ng pagkitil sa diwa ng buhay pantao.

Sa araw na ito, malaking kabalintunaan ang ipinagdiriwang natin. Narito siyang sinalubong noong isang Linggo nang buong kagalakan sa kanyang pagpasok sa Jerusalem. Narito siyang itinanghal bilang tugon sa lahat ng kanilang mga adhikain at panagimpan. Nguni’t narito siya’t noong isang araw ay pinaratangan, dinakip, hinagupit, pinahirapan, pinagpasan ng krus at ipinako sa pinaka masahol na paraan ng pagkitil ng buhay bilang parusa sa isang pinakamasahol na salarin. Narito siyang matapos itanghal bilang Anak ni David, ay inatangan ng paratang na hindi kailanman niya inisip man o binalak.

Malaking guwang ang naiwan ng yumao. Malaking dagok sa pangarap ng mga disipulo. At eto nga’t dalawa sa kanila ay pauwi na ng Emaus, nakatungo, at puno ng kalungkutan at at pag-aagam-agam o panghihinayang.

Nguni’t guwang nga bang tunay ang puntod? Sumandali nating isipin. Nang makita ni Pedro at ng mas batang disipulo ang puntod na guwang, hindi kailanman nila inisip na may puwang sa kanilang pananampalataya. Nagtakbuhan sila upang ipamalita, hindi ang walang lamang libingan kundi ang napagtanto nilang tunay na kahulugan ng guwang na puntod. Naisip nila at nagunita at nauwaan ang kanyang sinabi: “Ang Anak ng Tao ay dapat magdaan sa pahirap at pagkamatay … nguni’t sa ikatlong araw ay mabubuhay na mag-uli.”

Guwang ang puntod! Salamat sa Diyos! Samakatuwid kung guwang at walang laman, totoo ngang ayon sa kanyang sinabi ay muli siyang nabuhay! Ito ang sumagi sa kanilang isipan … na ang katotohanang nasa harap ng kanilang mga mata ay mayroong mas malalim na katotohanan … ayon sa kanyang mga wika, ayon sa kanyang pangaral, na noon ay hindi nila lubos na naunawaan.

May guwang, oo … nguni’t walang puwang sa kanilang pananampalataya at pag-asa, tulad nang pati mga nakakulong na kabataan sa Casa del Marmo prison sa Roma ay biglang sinagian ng bagong pag-asa sa pagbisita sa kanila ni Papa Francisco noong nakaraang Jueves.

Tayo man ay di miminsang nawalan ng pag-asa at pagtitiwala. Mayroon ring bahagi sa buhay ko bilang pari na ako ay nanghinawa, nagsawa sa paggawa ng mabuti sapagka’t sa aking pakiwari ay hindi nasusuklian nang nararapat. May mga pagkakataong sinasagian rin kami ng kawalan ng pag-asa, na para bagang lahat ng ginagawa namin ay bukod sa pinagdududahan na, ay hindi pa pinahahalagagahan. Di miminsang sa dami ng kabutihang nagawa mo, ay ikaw pa ang masama, at halos patayin ka sa masasamang salita ng mga taong hindi bilib sa iyo.

Araw ngayon ng mga namatay na sa mata ng madla … mga taong nawalan na ng pag-asa, tulad ng mga taong dahil sa kasalanan ay tila nakapiit sa kulungan, mga taong hindi malaman kung ano ang dapat gawin upang makapagsimula nang wasto at magbalik-loob sa Panginoon.

Nakita ko ito nang harapan sa nakaraang mga araw … mga taong mahigit sa 25 hanggang 30 taong hindi nangungumpisal ngunit sa araw ng Biyernes Santo ay biglang nakaramdam ng panawagan ng pagbabago at panibagong buhay. At ang ilan dito ay sapagka’t namangha sila sa kababaang loob ni Papa Benedicto XVI at ang kababaang-loob rin ni Papa Francisco, sampu ng kanilang mga pangaral.

Malaking guwang ang iniwan sa buhay natin ng kasalanan. Malaking kawalan … malaking kakulangan. Nguni’t sa araw na ito, sa muling pagkabuhay ni Kristo, ang malinaw na turo sa atin ay walang iba kundi ito …

Bagama’t malaki ang guwang sa kanyang pagpanaw, walang anumang puwang … walang anumang kulang sa ating buhay bilang tagasunod ni Kristo. At ito ay dahil sa iisang katotohanan, ayon na rin sa kanyang pangaral: Si Kristo ay namatay. Si Kristo ay muling nabuhay. At si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon!

Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa inyong lahat!

No comments:

Post a Comment