Ika-anim na Linggo ng Pagkabuhay Taon K
Mayo 5, 2013
Mga Pagbasa: Gw 15:1-2.22-29 / Pah 21:10-14.22-23 / Jn
14:23-29
PAG-IBIG, PAGTUPAD, PATNUBAY!
Maraming bagong usong salita ngayon sa Tagalog … pati ang
salitang “kaya” ay iba na ang kahulugan ngayon. Marami ngayon ang
napapa-praning dahil sa maraming dahilan. Noong kami ay bata pa, walang
salitang “praning.”
Sa araw na ito, ang habilin
sa atin ni Kristong muling nabuhay ay ito … hindi dapat tayo ma-praning …
walang lugar ang pagkabalisa o pag-aagam-agam sa puso ng isang nagmamahal, at
tumutupad sa mga salita niya.
Praning na praning kamakailan ang mga taga South Korea dahil
sa pagbabanta ng mga taga Nokor. Praning rin ang mga kandidatong hindi
nangunguna sa mga survey. Balisa rin ang taong hindi tiyak na may nagmamahal sa
kanya, kung hindi siya siguradong pinahahalagahan ninuman.
Ito ang paraan ayon sa Panginoon para mapawi ang pagkabalisa
… ang magmahal at tumupad sa kanyang mga salita. Di ba’t malinaw na kapag tayo
ay nagkasala ay wala tayong kapayapaan sa kalooban? Di ba’t kapag tayo ay
sumuway sa magulang o sa nakatatanda ay hindi rin tayo panatag? Walang
kapanatagan ang taong walang pananagutan, walang responsabilidad, at walang anumang
pinagmamalasakitan.
Tatlong mahahalagang paalala ang hatid ng Panginoon sa atin:
pag-ibig, pagtupad at patnubay.
Hangga’t wala tayong minamahal at pinagmamalasakitan, wala
rin tayong kapanatagan. Hindi nagdudulot ng kasiyahan ang taong pasaway at
pakawala. Masaya ang mag-inom, pero pag nalasing ay sakit ng ulo at katawan ang
dulot kinabukasan. Hindi ito nagbubunga ng tunay na kapanatagan at kaligayahan.
Hagga’t wala tayong minamahal at inaalagaan, wala tayong tunay na kagalakan ng
puso.
Pero, hindi lamang isang damdamin ang pag-ibig. Kasama nito
ang pagtupad. Ang pag-ibig sa Diyos ay hindi lamang kapag Pasko o fiesta, o
kung kailan maganda ang panahon. Ang tumutupad ng kanyang salita ang siyang
tunay na may pag-ibig. Hindi ito nakukuha sa pangako o sa mga magandang
pananalita at talumpati bago mag-eleksyon, kundi sa tunay na pagtupad sa
pangako.
Salamat na lamang at may patunay rin ang pangako ng Diyos.
Nagsugo siya ng Patnubay, ang Espiritu Santo, na magtuturo sa atin ng lahat at
maggagabay sa atin.
Sa ngayon, napa-praning pa rin ako sa maraming bagay … sa
trapiko, sa daming problema sa lipunan, sa iba-ibang pagsubok sa buhay.
Maraming problema ay walang solusyon. Maraming dapat tanggapin na lamang at
tiisin, sapagka’t wala tayong angking kapangyarihang pagbaguhin nang iglap ang
maraming bagay.
Nguni’t sa araw na ito, sapat nang mabatid natin na may
pangakong hindi napapako sa kawalan ang Panginoon – kapayapaan! Ito ang
kapayapaang hindi kayang ipagkaloob ng mundo, ng mga tao. Ito ang kapayapaang
galing sa kabatirang tayo ay nagmamahal at may pananagutan sa ating minamahal –
tumutupad sa turo ng Panginoon.
“Huwag kayong mabalisa. Huwag kayong matakot.” Kasama natin
ang Diyos. Kaakbay natin ang Espiritu Santo. Hindi tayo dapat ma-praning
kailanman. May kinabukasan ang mga sumasampalataya sa kanya!
No comments:
Post a Comment