Monday, December 31, 2012

PAGPALAIN NAWA TAYO, AYON SA DAKILANG HABAG NG DIYOS!


MARIA, INA NG DIYOS
Enero 1, 2013

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lk 2:16-21

PAGPALAIN NAWA TAYO NG DIYOS ALANG-ALANG SA KANYANG HABAG!

Puro pagpapala ang naririnig natin tuwing dumarating ang Bagong Taon. Sa paghahati ng taon, at paghihiwalay ng luma at ng bago, paniguradong barado ang texting, ang mga cellphone at kompanyang namamahala nito ay masayang-masayang magbibilang bukas sa dami ng mga text messages at gamit ng telepono. Ang facebook ay panigurado ring buhay na buhay at nag-iinit sa maiinit ring mga pagbati at pagpapala.

Halos lahat ay nagpapala… Halos lahat ay mananagana sa pagbabasbas. At halos lahat ay may inangking kakayahan sa araw na ito upang maggawad ng pagbabasbas at pagpapala sa isa’t isa.

Dapat lang … sapagka’t ang mga pagbasa ay pawang may kinalaman sa pagbabasbas.
Sa unang pagbasa, narinig natin ang maka-itlong pagpapalang iginawad ni Moises sa mga Israelita. Ang tugon natin sa unang pagbasa ay isa ring pagpapala para sa ating lahat: Pagpalain nawa tayo ng Diyos alang-alang sa kanyang dakilang habag!

Ang ikalawang pagbasa naman ay nagwiwika sa dakilang pagpapala na naging batayan ng ating pagbabasbas sa isa’t isa: “Nang dumating ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na isinilang ng isang babae, isinilang sa ilalim ng batas, upang tubusin ang mga nasa ilalim ng batas.”

Pagtubos … ito ang dakilang pagpapalang batayan ng lahat ng ating pagpapala. Walang anumang pagpapala ang maituturing na tunay na bendisyon kung hindi naganap ang dakilang pakikipamayan ng Diyos sa piling ng kanyang bayan.

Tapatin natin agad ang ating sarili. Kailangan natin ng lahat ng pagpapalang maaari  nating makamit. Magulo ang mundo … masalimuot … maraming bagay ay tila walang solusyon. Magpahanggang ngayon, wala pang linaw ang pagpaslang sa mahigit na 50 katao sa Mindanao, dahil sa politica. Hati-hati ang mga Pinoy ngayon sa isang isyu na sadyang walang linaw, walang tiyak na kaliwanagan. Dahil sa mapanlinlang na mass media, na panig lagi sa kung sino man ang inaakala nilang may hawak ng poder, marami ang lubusan natatangay, nadadala, at ang tama ay nagiging mali, at ang mali ay siyang nagiging tama.

Nguni’t ang pagbabasbas na ipinagkakaloob natin sa isa’t isa ay hindi dapat manatiling hungkag na mga pananalita lamang. Dapat ito ay magkatawang-tao tulad nang si Kristo ay nagkatawang-tao – nagkadiwa, nagka-buto at balat, ika nga. Hindi isang parang palarang makinang lamang na kumukuti-kutitap lamang kapag nilagyan ng ilaw.

Di ba’t ito ang ipinakita ng mga tao sa ebanghelyong narinig natin? Ang mga pastol, na dali-daling nagpunta sa Belen at doon nakita sa sabsaban ng hayop ang sanggol. Nagkatotoo, ika nga, ang balita ng anghel – nagkadiwa, at talagang nagdilang-anghel ang arkanghel na si Gabriel!

Pari si Maria, bagama’t hindi niya lubos naunawaan ang kanyang narinig ay sumampalataya – naniwala – tumalima – kahit mahirap ang sumunod sa hindi mo nauunawaan nang lubos.

Iisa ang tinutumbok ng lahat ng ito … ang pagpapalang pinagpapalitan natin ay dapat maging katotohanan at realidad sa buhay natin, at walang gagawa nito kundi tayo rin, sa tulong ng Diyos. Ang ating dasal ngayon ay malinaw na isang pagpapahayag ng pagtitiwala sa Diyos: “Pagpalain nawa tayo ng Diyos, alang-alang sa kanyang dakilang habag!”

Nagmadali si Maria sa pagpunta sa kanyang pinsan na si Elizabet. Nagmadali rin ang mga mago. Nagmadali rin ang mga pastol. Ang lahat ay naging abala. Sinalubong nila ang magandang balita ng anghel ng isang kabukasan ng puso, isipan, at pagkatao at ang kabukasang ito ang siyang naging daan upang magkatotoo ang lahat, at matupad ang balak ng Diyos.

Tayo na magmadali rin. Hindi sa paghahanda sa Valentine’s Day o sa susunod na Pasko, o sa anumang gusto nating gawin agad. Magmadali tayo sa pagtupad sa kaloobag ng Diyos, sa kabila ng maraming hilahil, pagsubok, at balakid.

Pagpapala sa inyo sa ngalan ng Panginoong naging taong tulad natin. Pagpalain nawa tayo ayon sa Kanyang dakilang habag!

No comments:

Post a Comment