Pasko ng Pagsilang (K)
Disyembre 25, 2012
Minsan, sa ating buhay, may nagaganap na hindi natin
binalak, at lalung hindi natin inaasahan. Minsan rin, itong mga hindi binalak
ang siyang tumitimo sa ating gunita, at napupunla at yumayabong sa ating
alaala.
Pagod na pagod ako sa mga nakaraang araw … konting tulog,
maraming pinagkakaabalahan, kasama na ang mga padalang pera ng mga kaibigan
mula sa ibang lugar, bilang tulong nila sa mga nasalanta ng bagyo. Hindi biro
ang maghintay, at kung minsan ay maghintay sa wala, sapagka’t ang mga
kompanyang naglilipat ng pera ay hindi lahat maaasahan.
Pagod rin ang mundo. Puro trapik saan mang dako ng kapuluan.
Ang daming naghambalang sa kalye. Ang dami ring mga batang nagkakaroling, o
sapilitang nagpupunas ng iyong salamin na lalung dumudumi pagkatapos. Maraming
nanghihingi ng tulong. Maraming suliranin at kakaunit ang kakayahan ninumang
sagutin ang lahat sa isang iglap.
Ito ang laman ng aking puso at kaisipan nang nakatanggap ako
ng tawag mula sa isang dating estudyante. May sakit na malubha ang kanilang
kaklase – nag-aagaw-buhay.
Hindi ako nag-atubili sa kabila ng kakulangan ng tulog.
Hindi ko alam kung bakit. Ngayon alam ko na. Hayaan ninyong ikwento ko.
Si Renan ay taga Sulat, Eastern Samar. Nang siya ay
binatilyo ay nakilala niya ang mga Salesyano sa Borongan. Doon siya pumasok sa
Training Center, at nakitira at tumulong sa mga pari. Di naglaon ay nagkaroon
siya ng kagustuhang maging pari rin at kaya pumasok sa seminaryo.
Subali’t sa isang punto ay nagtatalo sa puso niya ang
magpatuloy o ang tumulong sa kanyang pamilya at papag-aralin ang mga kapatid.
Sa madaling salita, mabigat man sa kalooban ay lumabas siya.
Sa kanyang paglabas maraming alok na trabaho, pero ang
kinuha niya sa simula ay yaong trabahong maaari siyang makatulong sa mga
naghahanap rin ng trabaho. Naging call center agent at narating niya ang
pagiging team leader. Nakapagpagawa siya ng bahay para sa kanyang magulang.
Napag-aral ang isang kapatid at napagpatapos. Marami pa siyang adhikain at mga
balak. At isinubsob niya ang sarili sa trabahong walang kapaguran, walang
paghahanap sa sarili, kundi kapakanan ng pamilya.
Noong isang Linggo, natumba na lamang siya at nagkaroon ng
sakit na misteryoso. Isang Linggo siyang hindi nakakakilala, nasa semi comatose
na kalagayan. Noong Sabado, tinawagan ako ng kanyang kaibigan.
Pumasok ako sa hospital na mahirap pa sa kanya – walang
gana, walang pag-asa, at nalulungkot sa maraming bagay na nagaganap sa mundo.
Nang makita ko ang kanyang anyo, hindi ko halos matapos ang aking mga dasal.
Nagimbal ako sa kanyang katayuan.
Nguni’t hindi ito ang punto ng pagninilay na ito … Nang
aking pinatungan ng kamay ang kanyang ulo, dama kong nagpadama siya na
nalalaman niya ang nagaganap. Ang mga matang dating umiikot at tila walang
nakikita ay nagkaroon ng pokus, kahit paano. Nang matapos ang pagpapahid ng
langis, nakita kong gustong-gusto niyang magwika, kahit wala ni gaputok ang
lumalabas sa kanyang bibig. Ang dami niyang gustong sabihin. Nagpuputok ang
kanyang damdamin. Alam kong nakilala niya kami. At nang mabigyan ko siya ng
absolusyon, ay unti-unting humupa ang kanyang kalagayan.
Nais ko sanang ibahagi ang milagrong naganap sa ospital. Sa
sandaling humupa ang kanyang damdamin, matapos maipadama na nakilala niya at
nauwaan ang nagaganap sa kanya, isang matamis na ngiti ang ipinakita niya sa
amin. Hindi na kailangan ng salita. Hindi na kailangan pang magwika. Dama ko.
Alam ko. Nakita ko.
At nakita kong talaga ang isang milagrong hindi para sa
kanya kundi para sa akin – isang taong medyo kulang na ang tiwala sa maraming
bagay, napagod at naparam ng napakaraming suliraning sobra kong inaako at
pinangangatawanan – ang kakulangan ng pag-asa at tiwala na gaganda pa ang takbo
ng maraming bagay sa mundo.
Sa bisperas na ito ng pasko, dahil sa ipinamalas sa akin ng
isang taong walang inisip kundi ang kapakanan ng kanyang pamilya, na
pinaglaanan ng lahat na kanyang makakaya, na ibinuhos ang buhay para sa kanyang
pangarap na merong natupad at hindi, nakita ko ang ngiti ng Diyos sa isang
kaluluwang tulad ko na pinanawan na yata ng lubos na pagtitiwala sa Diyos na
nagmamahal pa rin sa kanyang bayan.
Nabatid ni Renan marahil na nasa huling estado na siya ng kanyang
paglalakbaya. Iiwan niya na ang mga pangarap na nais niya sanang magawa.
Nguni’t sa loob ng 15 minutong pagpupuyos niya sa simula, na napalitan ng
kapayapaan, at nagwakas sa isang ngiti ng pagtanggap at pagpapasa Diyos, nakita
ko ang kahulugan ng pasko, ng tunay na diwa ng ginugunita natin sa araw na ito:
Isang
sanggol ang isinilang para sa atin; isang anak ang ipinagkaloob sa atin.” (Isaias)
“Ipinagkaloob
ni Jesucristo ang kanyang sarili sa atin.” (Pablo)
“Isang
manliligtas ang isinilang para sa inyo. Siya si Kristong Panginoon”
(Lucas)
Ngunit
sa mga tumanggap sa kanya, sila ay pinagkalooban ng kapangyarihang maging anak
ng Diyos.” (Juan)
Nagpapasalamat ako sa Diyos na tumawag sa akin upang makapiling
ang isang nagturo sa akin. Pumasok ako sa ospital na dukha, nanlulumo sa kawang
tiwala at kawalang pag-asa. Isang nag-aagaw buhay na binata ang nagpaaala sa
akin na hindi pa huli ang lahat, at hindi pa pumanaw ang pag-asa. May katuturan
pa rin ang kawalan, kahirapan, karukhaan sa taong marunong tumanggap, marunong
kumilala, at marunong magpasalamat, kahit sa gitna ng isang matinding pagsubok –
ang kahuli – huluihang pagsubok sa oras ng kamatayan.
Salamat Renan, sa iyong napakalaking regalo sa akin sa araw
ng Pasko. Nawa’y tanggapin ka ng Diyos sa langit na tunay nating bayan, kung
saan wala nang luha, wala nang pasakit, at wala nang pagpupunyagi.
Ang lahat ng ito ay ipinagkaloob ng Diyos, at tinanggap
natin nang maging tao ang Kanyang bugtong na Anak na si Jesus! Papuri sa Diyos
sa kaitaasan!
No comments:
Post a Comment