Friday, December 7, 2012

SUMAMA NA'T MAKIBAKA!


Ikalawang Linggo ng Adbiyento (K)
Disyembre 9, 2012

Mga Pagbasa: Baruch 5:1-9 / Filipos 1:4-6, 8-11 / Lucas 3:1-6

SUMAMA NA’T MAKIBAKA!

Mahirap ang sumulat kapag ang isipan ay puno ng agam-agam at kalungkutan. Habang nakatuon ang mga daliri ko sa teclado ng kompyuter, tila walang pumasok sa isipan, yamang ang puso ay binabagabag ng maraming bagay. Halos 500 daan na ang kompirmadong nasawi dahil sa bagyong Pablo, at mahigit 250,000 pamilya ang nawalan hindi lamang ng tahanan, kundi ng lahat na kailangan upang mabuhay. Habang nagsusulat ako, balitang isa na namang malakas na lindol ang yumanig sa Japan, at nagbabantang may isa na namang tsunami ang posibleng dumating sa maraming lugar.

Mahirap ang umasa at mapanatag ang kalooban kung ganitong susun-suson ang pangambang dumarating sa buhay.

Suliranin rin marahil ni Baruch ang umasa at magtiwala. Bilang kalihim ni Jeremias, malamang na dinama rin ni Baruch ang pangambang sumagi sa puso ni Jeremias. Malamang na tulad ng kanyong bosing, tumangis rin Baruch tulad nang tumangis at nanaghoy si Jeremias, dahil sa malaking pagsubok na kanyang pinagdaanan. Tulad ni Jeremias, nakita ni Baruch sa kanyang sariling mga mata ang kapaitan ng pagkatapon sa Babilonia.

Pero anu bang uring lohika o takbo ng kaisipan ang nagbunsod kaya kay Baruch na magwika ng mga pangungusap na tigib ng pag-asa? Ano bang batayan niya at sa araw na ito ay bukambibig niya ang kagalakan at katiyakan? – “Hubarin mo,” aniya, “ang lambong ng pagluluksa at isuot mo ang walang hanggang kaningningan ng Diyos.”

Parang batong buhay na lumagpak sa aking harapan ang mga salitang ito – sapagka’t ako man, ay halos manghinawa na sa susun-susong mga pagsubok na dumadaan sa ating bayan at higit sa lahat sa mga Kristiyano, na patuloy na inuusig ng materyalismo at sekularismo.

Madali para sa akin ang madala ng panghihinawa. Madali sa akin ang panawan ng pagtitiwala. Nguni’t sa Linggong ito, ikalawang linggo ng panahon ng pagdating, hindi isipan at lohika o takbo ng pangangatwiran ang dapat pairalin. Walang lohika sa pagdurusa. Walang katuturan ang paghihirap, lalu na’t ang naghihirap ay mga inosenteng taong walang kamuang-muang at walang kinalaman sa mga panghaharabas ng mga makapangyarihan sa mga kagubatan natin at kabundukan. Nakapanlulunos makitang daan-daan ang mga patay na namatay dahil sa kaswapangan ng kanilang kapwa, dahil sa pagwawalang bahala ng mga negosyante at politicong tanging bulsa lamang nila ang iniisip ang hindi ang kapakanan ng lahat at kinabukasan ng daigdig.

Sa Linggong ito, hindi kukote, hindi talino, hindi lohika at isipan ang siyang dapat maghari, bagkus ang kagalakan, ang katiwasayan, at pag-asa at pagpapaubaya ng sarili sa Poong Maykapal.

Maging si Pablo ay kagalakan ang turo: “Ang aking mga panalangin para sa inyo ay laging puspos ng kagalakan dahil sa inyong tulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita tungko kay Kristo.” Kagalakan, hindi kalungkutan … Pagtitiwala at pag-asa, hindi panghihinawa.

Dapat natin marahil tingnan ang kung anong kalalagayan ang sinapit ni Juan Bautista.  Magulo rin ang Israel noong panahong yaon … Apat ang namumuno sa lugar na pinaghati-hati sa apat ng mga Romano, at walang kaisahan … parang Pilipinas, na wala pa ring kaisahan.

Nguni’t ito ang matindi … dito dumating si Juan Bautista, sa loob ng kaguluhang ito. Dito siya nangaral. At hindi lamang siya tumalungko at nanood sa tabing-daan. Hindi. May ginawa siya. Nangaral … nagpagal … “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.”

May trabaho siyang dala … may dapat gawin … bukod sa umangal ay mag-reklamo …

Sasama ka ba sa kanya? Naghihintay ka rin ba ng isang magandang umaga? Nag-aasam ka ba sa isang panibagong lupa at panibagong langit?

Hali! Sama na! Sumunod na’t sumama … Makibaka … patagin ang baluktot na landas ng buhay mo at buhay nating lahat.!

Ito ang tunay na pag-asa, hindi batay sa ngawa at dada, kundi batay sa gawa, na siyang pundasyon ng tunay na kagalakan at pag-asa!

No comments:

Post a Comment