Monday, December 31, 2012

PAGPALAIN NAWA TAYO, AYON SA DAKILANG HABAG NG DIYOS!


MARIA, INA NG DIYOS
Enero 1, 2013

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lk 2:16-21

PAGPALAIN NAWA TAYO NG DIYOS ALANG-ALANG SA KANYANG HABAG!

Puro pagpapala ang naririnig natin tuwing dumarating ang Bagong Taon. Sa paghahati ng taon, at paghihiwalay ng luma at ng bago, paniguradong barado ang texting, ang mga cellphone at kompanyang namamahala nito ay masayang-masayang magbibilang bukas sa dami ng mga text messages at gamit ng telepono. Ang facebook ay panigurado ring buhay na buhay at nag-iinit sa maiinit ring mga pagbati at pagpapala.

Halos lahat ay nagpapala… Halos lahat ay mananagana sa pagbabasbas. At halos lahat ay may inangking kakayahan sa araw na ito upang maggawad ng pagbabasbas at pagpapala sa isa’t isa.

Dapat lang … sapagka’t ang mga pagbasa ay pawang may kinalaman sa pagbabasbas.
Sa unang pagbasa, narinig natin ang maka-itlong pagpapalang iginawad ni Moises sa mga Israelita. Ang tugon natin sa unang pagbasa ay isa ring pagpapala para sa ating lahat: Pagpalain nawa tayo ng Diyos alang-alang sa kanyang dakilang habag!

Ang ikalawang pagbasa naman ay nagwiwika sa dakilang pagpapala na naging batayan ng ating pagbabasbas sa isa’t isa: “Nang dumating ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na isinilang ng isang babae, isinilang sa ilalim ng batas, upang tubusin ang mga nasa ilalim ng batas.”

Pagtubos … ito ang dakilang pagpapalang batayan ng lahat ng ating pagpapala. Walang anumang pagpapala ang maituturing na tunay na bendisyon kung hindi naganap ang dakilang pakikipamayan ng Diyos sa piling ng kanyang bayan.

Tapatin natin agad ang ating sarili. Kailangan natin ng lahat ng pagpapalang maaari  nating makamit. Magulo ang mundo … masalimuot … maraming bagay ay tila walang solusyon. Magpahanggang ngayon, wala pang linaw ang pagpaslang sa mahigit na 50 katao sa Mindanao, dahil sa politica. Hati-hati ang mga Pinoy ngayon sa isang isyu na sadyang walang linaw, walang tiyak na kaliwanagan. Dahil sa mapanlinlang na mass media, na panig lagi sa kung sino man ang inaakala nilang may hawak ng poder, marami ang lubusan natatangay, nadadala, at ang tama ay nagiging mali, at ang mali ay siyang nagiging tama.

Nguni’t ang pagbabasbas na ipinagkakaloob natin sa isa’t isa ay hindi dapat manatiling hungkag na mga pananalita lamang. Dapat ito ay magkatawang-tao tulad nang si Kristo ay nagkatawang-tao – nagkadiwa, nagka-buto at balat, ika nga. Hindi isang parang palarang makinang lamang na kumukuti-kutitap lamang kapag nilagyan ng ilaw.

Di ba’t ito ang ipinakita ng mga tao sa ebanghelyong narinig natin? Ang mga pastol, na dali-daling nagpunta sa Belen at doon nakita sa sabsaban ng hayop ang sanggol. Nagkatotoo, ika nga, ang balita ng anghel – nagkadiwa, at talagang nagdilang-anghel ang arkanghel na si Gabriel!

Pari si Maria, bagama’t hindi niya lubos naunawaan ang kanyang narinig ay sumampalataya – naniwala – tumalima – kahit mahirap ang sumunod sa hindi mo nauunawaan nang lubos.

Iisa ang tinutumbok ng lahat ng ito … ang pagpapalang pinagpapalitan natin ay dapat maging katotohanan at realidad sa buhay natin, at walang gagawa nito kundi tayo rin, sa tulong ng Diyos. Ang ating dasal ngayon ay malinaw na isang pagpapahayag ng pagtitiwala sa Diyos: “Pagpalain nawa tayo ng Diyos, alang-alang sa kanyang dakilang habag!”

Nagmadali si Maria sa pagpunta sa kanyang pinsan na si Elizabet. Nagmadali rin ang mga mago. Nagmadali rin ang mga pastol. Ang lahat ay naging abala. Sinalubong nila ang magandang balita ng anghel ng isang kabukasan ng puso, isipan, at pagkatao at ang kabukasang ito ang siyang naging daan upang magkatotoo ang lahat, at matupad ang balak ng Diyos.

Tayo na magmadali rin. Hindi sa paghahanda sa Valentine’s Day o sa susunod na Pasko, o sa anumang gusto nating gawin agad. Magmadali tayo sa pagtupad sa kaloobag ng Diyos, sa kabila ng maraming hilahil, pagsubok, at balakid.

Pagpapala sa inyo sa ngalan ng Panginoong naging taong tulad natin. Pagpalain nawa tayo ayon sa Kanyang dakilang habag!

Friday, December 28, 2012

NAGHIHINTAY, NAGLALAKBAY, NAG-AASAM


Kapistahan ng Banal na Pamilya
Disyembre 30, 2012

Mga Pagbasa: 1 Sm 1:20-22, 24-28 / 1 Jn 3:1-2, 21-24 / lc 2:41-52

NAGHIHINTAY, NAGLALAKBAY, NAG-AASAM

Puno ng diwa ng paghihintay at paghahanap ang ating mga araw. Maraming inaanak ang naghahanap pa sa kanilang ninong at ninang na hanggang ngayon ay di pa nila matagpuan. Maraming ninong at ninang ang naghihintay pa marahil sa kanilang bonus, o baka sakaling tumama sa Lotto. Ang mga mago, sa ating pagkaunawa ay naghanap sa bagong silang na sanggol sa Belen. At ang mga anghel, na nagdala ng balita ay patuloy na umaawit ng papuri sa kaitaasan, upang makilala ang bagong silang na Mesiyas.

Pero hindi lahat ay masaya. Naghihinitay rin sila, at naghahanap rin, pero sa ibang kadahilanan. Mayroong isang nagmamaktol na hari ang hindi maka-antay makita kung nasaan ang sanggol, hindi upang bigyan ng regalo, kundi, aniya, upang siya rin ay magpugay! Ang tao nga naman, hindi mo malaman ang tunay na layunin, tulad ng mga kasapi ng party-list sa Pilipinas, na kapakanan daw ng mahihirap ang kanilang pakay, pero kapag nakatikim na ng pork barrel, ay iba na ang hanap, iba na ang tingin sa pobre, at ayaw na ayaw magpaharang sa mga nagbabantay sa parking lot! Nanggagalaiti dahil sa siningil siya ng 50 piso at naabala pa raw siya.

Mayroon ring katumbas ng hari na hindi naghahanap sa mga bata. Ayaw nga niya sila isilang. Dapat aniya, unti-unting walaing-halaga ang mga walang silbing taga-kain lamang. Hindi lahat ay natutuwa sa pagsilang ng sanggol, lalu na’t ang bagong silang ay isang parang karibal sa pagkakamal ng yaman ng bayan.

Mayroon namang isang pamilya, na sa kabila ng mga paghamon, pagsubok at kahirapan ay nagpunyagi upang pangalagaan ang bagong silang na bata. Naging migrante sila sa Egipto. Nagtago, pero hindi sapagka’t nagtatago sa mga inaanak. Nagtago sila sa isang haring ang pakay ay patayin ang mga batang 2 taon pababa.

May malaking halaga ang kapalit ng paghihintay sa isang bagong buhay. Nagbayad sila nang malaki. Naglakbay at naging banyaga sa Egipto. Subali’t ang kanilang pagiging tapon sa Egipto ay dahil sa kanilang malaking pag-aasam – ang katuparan ng pangakong binitiwan ng anghel na siya ay tatawaging Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.

Pero hindi lang ito nangyari noong ang bata ay sanggol. Pagkaraan ng 12 taon, ay naulit ang matinding pasakit sa puso ng ina na parang niyurakan na naman ang puso ng isang balaraw. At ito ay naganap na naman sa isang mahabang paglalakbay …

Nawala ang bata. Naguluhan ang mag-asawa. Naghanap. Naglakbay muli ng isang araw, makita lamang ang binatilyo. At sa harap ng pagod at pangamba, ay isa pa ring masakit na kabatiran ang pumaso sa puso ng magulang: “Bakit n’yo ako hinahanap? Di ba’t dapat kong gampanan ang gawain ng aking Ama?” Isang malaking katanungan, na punong-puno ng pagtangis ang winika ng ina: “Anak, bakit mo ginawa ito sa amin?”

Ganito tayo sa ating lipunan ngayon … tumatangis, nangangamba, nalulungkot. Gustohin man natin na ang kalooban ng Diyos ang siyang maghari, talo tayo sa botohan, kahit hindi kailanman magagapi ang katotohanan. Talo tayo sa pondohan, sa tulak at padulas at pangako ng mga mananagana sa bagong batas na ito. At alam na natin na ang mananagana ay hindi mga mago at pantas na tao, kundi kapatas ng mga ang hanap ay hindi ang Mesiyas, kundi ang kinang ng perlas at mga hiyas.

Subali’t ang magandang balita ay ito … galing sa banal na mag-anak … naglakbay, nagpunyagi, tumakas at naghanap ng kaligtasan sa banyagang lugar, sapagka’t naniniwala silang may misyon sila at tungkulin sa ngalan ng Diyos.

Meron tayong hinihintay … tayong mga naglalakbay sa daang ito sa lupang ibabaw. Meron tayong hinahanap, at hindi mga ninong at ninang nating sa mula’t sapul ay hindi nakapagbigay sa atin ng pamasko. Ang hanap natin ay ang Diyos at ang kanyang kaligtasan, ang kanyang kapayapaan at kaluwalhatian. Mayroon tayong inaasam.

Sa pagtahak sa landasing ito ng buhay makalupa, hindi madali ang maghanap. Hindi madali ang maghintay. Ngunit turo sa atin ngayon ng banal na mag-anak na mayroong kaligtasan para sa taong naghahanap sa katarungan ng Diyos, at naghihintay sa kanyang dakilang kaligtasan.

Ang tanging kailangan ay pag-asa, pag-aasam sa tama, hindi ayon sa survey, kundi ayon sa Diyos na nagtuturo at naggagabay sa kanyang bayan.

O Banal na mag-anak ni Jesus, Maria at Jose, kami’y buong tiwalang dumudulog sa inyong mapagkalingang paggagabay at pagsubaybay. Turuan Ninyo kaming tumahak sa wastong landas ng paghihirap, pagpapakasakit, pagpapahindi sa sarili at paghahanap tangi sa kalooban ng Diyos. Sa aming paglalakbay maging sa madidilim na lugar, liwanagan at gabayan kami, kahit na sa mga pagkakataong tila kami na lamang ang natitira, at ang lahat ay tila pinanawan na ng lakas at pag-asa.

Sa wakas ng aming buhay, nawa’y matunghayan namin ang dakilang kaganapan ng lahat ng pangako ng Diyos sa kanyang bayang nananatili sa katapatan at katatagan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Amen.

Monday, December 24, 2012

MAY PAG-ASA PA KAYA PARA SA ATIN?


Pasko ng Pagsilang (K)
Disyembre 25, 2012

Minsan, sa ating buhay, may nagaganap na hindi natin binalak, at lalung hindi natin inaasahan. Minsan rin, itong mga hindi binalak ang siyang tumitimo sa ating gunita, at napupunla at yumayabong sa ating alaala.

Pagod na pagod ako sa mga nakaraang araw … konting tulog, maraming pinagkakaabalahan, kasama na ang mga padalang pera ng mga kaibigan mula sa ibang lugar, bilang tulong nila sa mga nasalanta ng bagyo. Hindi biro ang maghintay, at kung minsan ay maghintay sa wala, sapagka’t ang mga kompanyang naglilipat ng pera ay hindi lahat maaasahan.

Pagod rin ang mundo. Puro trapik saan mang dako ng kapuluan. Ang daming naghambalang sa kalye. Ang dami ring mga batang nagkakaroling, o sapilitang nagpupunas ng iyong salamin na lalung dumudumi pagkatapos. Maraming nanghihingi ng tulong. Maraming suliranin at kakaunit ang kakayahan ninumang sagutin ang lahat sa isang iglap.

Ito ang laman ng aking puso at kaisipan nang nakatanggap ako ng tawag mula sa isang dating estudyante. May sakit na malubha ang kanilang kaklase – nag-aagaw-buhay.

Hindi ako nag-atubili sa kabila ng kakulangan ng tulog. Hindi ko alam kung bakit. Ngayon alam ko na. Hayaan ninyong ikwento ko.

Si Renan ay taga Sulat, Eastern Samar. Nang siya ay binatilyo ay nakilala niya ang mga Salesyano sa Borongan. Doon siya pumasok sa Training Center, at nakitira at tumulong sa mga pari. Di naglaon ay nagkaroon siya ng kagustuhang maging pari rin at kaya pumasok sa seminaryo.

Subali’t sa isang punto ay nagtatalo sa puso niya ang magpatuloy o ang tumulong sa kanyang pamilya at papag-aralin ang mga kapatid. Sa madaling salita, mabigat man sa kalooban ay lumabas siya.

Sa kanyang paglabas maraming alok na trabaho, pero ang kinuha niya sa simula ay yaong trabahong maaari siyang makatulong sa mga naghahanap rin ng trabaho. Naging call center agent at narating niya ang pagiging team leader. Nakapagpagawa siya ng bahay para sa kanyang magulang. Napag-aral ang isang kapatid at napagpatapos. Marami pa siyang adhikain at mga balak. At isinubsob niya ang sarili sa trabahong walang kapaguran, walang paghahanap sa sarili, kundi kapakanan ng pamilya.

Noong isang Linggo, natumba na lamang siya at nagkaroon ng sakit na misteryoso. Isang Linggo siyang hindi nakakakilala, nasa semi comatose na kalagayan. Noong Sabado, tinawagan ako ng kanyang kaibigan.

Pumasok ako sa hospital na mahirap pa sa kanya – walang gana, walang pag-asa, at nalulungkot sa maraming bagay na nagaganap sa mundo. Nang makita ko ang kanyang anyo, hindi ko halos matapos ang aking mga dasal. Nagimbal ako sa kanyang katayuan.

Nguni’t hindi ito ang punto ng pagninilay na ito … Nang aking pinatungan ng kamay ang kanyang ulo, dama kong nagpadama siya na nalalaman niya ang nagaganap. Ang mga matang dating umiikot at tila walang nakikita ay nagkaroon ng pokus, kahit paano. Nang matapos ang pagpapahid ng langis, nakita kong gustong-gusto niyang magwika, kahit wala ni gaputok ang lumalabas sa kanyang bibig. Ang dami niyang gustong sabihin. Nagpuputok ang kanyang damdamin. Alam kong nakilala niya kami. At nang mabigyan ko siya ng absolusyon, ay unti-unting humupa ang kanyang kalagayan.

Nais ko sanang ibahagi ang milagrong naganap sa ospital. Sa sandaling humupa ang kanyang damdamin, matapos maipadama na nakilala niya at nauwaan ang nagaganap sa kanya, isang matamis na ngiti ang ipinakita niya sa amin. Hindi na kailangan ng salita. Hindi na kailangan pang magwika. Dama ko. Alam ko. Nakita ko.

At nakita kong talaga ang isang milagrong hindi para sa kanya kundi para sa akin – isang taong medyo kulang na ang tiwala sa maraming bagay, napagod at naparam ng napakaraming suliraning sobra kong inaako at pinangangatawanan – ang kakulangan ng pag-asa at tiwala na gaganda pa ang takbo ng maraming bagay sa mundo.

Sa bisperas na ito ng pasko, dahil sa ipinamalas sa akin ng isang taong walang inisip kundi ang kapakanan ng kanyang pamilya, na pinaglaanan ng lahat na kanyang makakaya, na ibinuhos ang buhay para sa kanyang pangarap na merong natupad at hindi, nakita ko ang ngiti ng Diyos sa isang kaluluwang tulad ko na pinanawan na yata ng lubos na pagtitiwala sa Diyos na nagmamahal pa rin sa kanyang bayan.

Nabatid ni Renan marahil na nasa huling estado na siya ng kanyang paglalakbaya. Iiwan niya na ang mga pangarap na nais niya sanang magawa. Nguni’t sa loob ng 15 minutong pagpupuyos niya sa simula, na napalitan ng kapayapaan, at nagwakas sa isang ngiti ng pagtanggap at pagpapasa Diyos, nakita ko ang kahulugan ng pasko, ng tunay na diwa ng ginugunita natin sa araw na ito:

Isang sanggol ang isinilang para sa atin; isang anak ang ipinagkaloob sa atin.”  (Isaias)
“Ipinagkaloob ni Jesucristo ang kanyang sarili sa atin.” (Pablo)
“Isang manliligtas ang isinilang para sa inyo. Siya si Kristong Panginoon” (Lucas)
Ngunit sa mga tumanggap sa kanya, sila ay pinagkalooban ng kapangyarihang maging anak ng Diyos.” (Juan)

Nagpapasalamat ako sa Diyos na tumawag sa akin upang makapiling ang isang nagturo sa akin. Pumasok ako sa ospital na dukha, nanlulumo sa kawang tiwala at kawalang pag-asa. Isang nag-aagaw buhay na binata ang nagpaaala sa akin na hindi pa huli ang lahat, at hindi pa pumanaw ang pag-asa. May katuturan pa rin ang kawalan, kahirapan, karukhaan sa taong marunong tumanggap, marunong kumilala, at marunong magpasalamat, kahit sa gitna ng isang matinding pagsubok – ang kahuli – huluihang pagsubok sa oras ng kamatayan.

Salamat Renan, sa iyong napakalaking regalo sa akin sa araw ng Pasko. Nawa’y tanggapin ka ng Diyos sa langit na tunay nating bayan, kung saan wala nang luha, wala nang pasakit, at wala nang pagpupunyagi.

Ang lahat ng ito ay ipinagkaloob ng Diyos, at tinanggap natin nang maging tao ang Kanyang bugtong na Anak na si Jesus! Papuri sa Diyos sa kaitaasan!

Friday, December 14, 2012

MAGALAK AT MAGSAYA! PAKI-ULIT NGA!


Ika-3 Linggo ng Adbiyento (K)
Disyembre 16, 2012

Mga Pagbasa:  Sofonias 3:14-18a / Filipos 4:4-7 / Lc 3:10-18

MAGALAK AT MAGSAYA! PAKI-ULIT NGA!

Panay tema ng kagalakan ang tinutumbok ng tatlong pagbasa. Payo ito sa atin ni Sofonias. Payo rin ito ni San Pablo sa mga taga-Filipos. At bagama’t hindi tinutukoy ni Juan Bautista ang kagalakan, ay itinuturo niya kung paano makamit ang kagalakang ito.

Ano raw? Kagalakan?

Oo, sagot nating lahat na ngayon ay nagsisimba (simbang gabi man o hindi).

Teka, tama ba kaya ang narinig nyo? Magdiwang! Magalak! Tama ba iyon na ito yata ang ikatlong pasko na may trahedyang nagaganap sa bayan natin? Tama ba ito na sa huling bilang (at tumataas pa) ay 955 na ang namatay at libo pa rin ang nawawala matapos ang bagyong Pablo?

Madiin ang payo sa atin ng Simbahan. Nguni’t hindi rin maipagkakaila ang kapaitan na naganap sa ating mga kababayan. Mahirap magkunwari, nguni’t mahirap rin magbulag-bulagan sa turo ng Diyos.

Tingnan natin sumandali nang mabuti … Si Sofonias ang nagwika tungkol sa darating na huling paghuhukom, ang araw na kahindik-hindik (dies irae sa Latin). Siya ang nagwika tungkol sa darating na wakas ng panahon na mababalot ng kalagim-lagim na mga pangitain sa lupa at sa kalawakan. Subali’t sa kabila ng lahat ng ito, iisa at tanging iisa ang puno at dulo ng lahat ng mga sagisag na ito – ang kagalakang dulot ng pagbabalik ng Mesiyas, ang pagdatal ng Mananakop.

Isa pa … Si Pablo ay hindi nagsulat sa mga Filipos mula sa isang masayang katayuan. Siya ay lumiham sa mga Filipos mula sa kulungan. A ver … masaya ba iyon?

Tingnan natin naman si Juan Bautista … May natuwa sa kanyang pangaral … mayroon namang hindi. At pinagbayaran niya nang malaki ang hindi pagkatuwa ng mga tinamaan, una na si Herodes, si Herodias, at si Salome.

Pero ang kanyang pakay, ang kanyang aral, ay pawang nakatuon sa tunay na kaligayahan.

Maraming pagsubok ang patuloy na sumasagi sa buhay natin. Hati-hati pa rin ang bayan natin, nagbabanggaan sa isyu ng RH bill, at sa marami pang isyu. Marami pa rin ang mahirap, at marami pa rin ang namamatay dahil sa kasakiman ng iba, tulad ng naganap sa Compostela Valley as sa marami pang lugar.

Hindi tayo masaya dahil sa mga bagay at pangyayaring ito. Subali’t hindi makalupang kasayahan ang pangaral sa atin ng mga pagbasa ngayon. Bagama’t hindi masama ang maging masaya ayon sa dikta ng mundo, ayon sa pagka-unawa ng mundo, hindi ito ang tunay na batayan ng hinihingi ni Pablo, ni Sofonias, at ni Juan Bautista.

Mayroon higit pa. Mayroong mas mahalaga pa kaysa makalupang kasiyahan. Ito ang ating pinag-aasam. Ito ang ating hinihintay. Ito ang ating pag-asa at kahilingan, kahit na mukhang wala nang solusyon ang marami sa ating mga suliranin sa daigdig.

At ano ang batayan ng lahat ng ito? Heto … wala nang iba … “nasa kalagitnaan Mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon!”

Paki-ulit nga? Magalak at masaya! Darating na ang ating Panginoon!

Friday, December 7, 2012

SUMAMA NA'T MAKIBAKA!


Ikalawang Linggo ng Adbiyento (K)
Disyembre 9, 2012

Mga Pagbasa: Baruch 5:1-9 / Filipos 1:4-6, 8-11 / Lucas 3:1-6

SUMAMA NA’T MAKIBAKA!

Mahirap ang sumulat kapag ang isipan ay puno ng agam-agam at kalungkutan. Habang nakatuon ang mga daliri ko sa teclado ng kompyuter, tila walang pumasok sa isipan, yamang ang puso ay binabagabag ng maraming bagay. Halos 500 daan na ang kompirmadong nasawi dahil sa bagyong Pablo, at mahigit 250,000 pamilya ang nawalan hindi lamang ng tahanan, kundi ng lahat na kailangan upang mabuhay. Habang nagsusulat ako, balitang isa na namang malakas na lindol ang yumanig sa Japan, at nagbabantang may isa na namang tsunami ang posibleng dumating sa maraming lugar.

Mahirap ang umasa at mapanatag ang kalooban kung ganitong susun-suson ang pangambang dumarating sa buhay.

Suliranin rin marahil ni Baruch ang umasa at magtiwala. Bilang kalihim ni Jeremias, malamang na dinama rin ni Baruch ang pangambang sumagi sa puso ni Jeremias. Malamang na tulad ng kanyong bosing, tumangis rin Baruch tulad nang tumangis at nanaghoy si Jeremias, dahil sa malaking pagsubok na kanyang pinagdaanan. Tulad ni Jeremias, nakita ni Baruch sa kanyang sariling mga mata ang kapaitan ng pagkatapon sa Babilonia.

Pero anu bang uring lohika o takbo ng kaisipan ang nagbunsod kaya kay Baruch na magwika ng mga pangungusap na tigib ng pag-asa? Ano bang batayan niya at sa araw na ito ay bukambibig niya ang kagalakan at katiyakan? – “Hubarin mo,” aniya, “ang lambong ng pagluluksa at isuot mo ang walang hanggang kaningningan ng Diyos.”

Parang batong buhay na lumagpak sa aking harapan ang mga salitang ito – sapagka’t ako man, ay halos manghinawa na sa susun-susong mga pagsubok na dumadaan sa ating bayan at higit sa lahat sa mga Kristiyano, na patuloy na inuusig ng materyalismo at sekularismo.

Madali para sa akin ang madala ng panghihinawa. Madali sa akin ang panawan ng pagtitiwala. Nguni’t sa Linggong ito, ikalawang linggo ng panahon ng pagdating, hindi isipan at lohika o takbo ng pangangatwiran ang dapat pairalin. Walang lohika sa pagdurusa. Walang katuturan ang paghihirap, lalu na’t ang naghihirap ay mga inosenteng taong walang kamuang-muang at walang kinalaman sa mga panghaharabas ng mga makapangyarihan sa mga kagubatan natin at kabundukan. Nakapanlulunos makitang daan-daan ang mga patay na namatay dahil sa kaswapangan ng kanilang kapwa, dahil sa pagwawalang bahala ng mga negosyante at politicong tanging bulsa lamang nila ang iniisip ang hindi ang kapakanan ng lahat at kinabukasan ng daigdig.

Sa Linggong ito, hindi kukote, hindi talino, hindi lohika at isipan ang siyang dapat maghari, bagkus ang kagalakan, ang katiwasayan, at pag-asa at pagpapaubaya ng sarili sa Poong Maykapal.

Maging si Pablo ay kagalakan ang turo: “Ang aking mga panalangin para sa inyo ay laging puspos ng kagalakan dahil sa inyong tulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita tungko kay Kristo.” Kagalakan, hindi kalungkutan … Pagtitiwala at pag-asa, hindi panghihinawa.

Dapat natin marahil tingnan ang kung anong kalalagayan ang sinapit ni Juan Bautista.  Magulo rin ang Israel noong panahong yaon … Apat ang namumuno sa lugar na pinaghati-hati sa apat ng mga Romano, at walang kaisahan … parang Pilipinas, na wala pa ring kaisahan.

Nguni’t ito ang matindi … dito dumating si Juan Bautista, sa loob ng kaguluhang ito. Dito siya nangaral. At hindi lamang siya tumalungko at nanood sa tabing-daan. Hindi. May ginawa siya. Nangaral … nagpagal … “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.”

May trabaho siyang dala … may dapat gawin … bukod sa umangal ay mag-reklamo …

Sasama ka ba sa kanya? Naghihintay ka rin ba ng isang magandang umaga? Nag-aasam ka ba sa isang panibagong lupa at panibagong langit?

Hali! Sama na! Sumunod na’t sumama … Makibaka … patagin ang baluktot na landas ng buhay mo at buhay nating lahat.!

Ito ang tunay na pag-asa, hindi batay sa ngawa at dada, kundi batay sa gawa, na siyang pundasyon ng tunay na kagalakan at pag-asa!