Friday, October 26, 2012

SA MGA BUKAL NG TUBIG AT MAAYOS NA LANDAS


Ika-30 Linggo ng Taon (B)
Oktubre 28, 2012

Mga Pagbasa: Jer 31:7-9 / Heb 5:1-6 / Mc 10:46-52

SA MGA BUKAL NG TUBIG AT MAAYOS NA LANDAS

Ewan ko kung naranasan na ninyong mag-hiking na naubusan kayo ng tubig na baon. Tanging isa lamang ang inyong panalangin – ang makatagpo ng bukal! Ewan ko rin kung naranasan na ninyong maglakad sa dilim, paakyat ng bundok … walang maapuhap, walang mahawakan, at walang makitang katiyakan! Sa mga sandaling yaon, ipagpapalit mo ang iyong bote ng tubig sa isang lampara! Ewan ko rin kung naranasan na ninyong maligaw sa gubat, at tila paikot-ikot lang kayo sa napagdaanan na ninyo, nguni’t wala kayong makitang labasan … maski na bote ng tubig, kargada, at lampara ay inyong itatapon, makita lamang ninyo ang daan pauwi!

Mahirap ang mauhaw. Mahirap ang maging bulag. At lalong mahirap ang maligaw ng landas, mawala, at walang makitang katiyakan sa buhay!

Ang lahat ng ito ay naranasan ng bayan ng Diyos, ang mga Israelita. Nauhaw sila sa ilang. Natapon sila sa bayang walang katiyakan, sa Babilonia! Naranasan nila ang walang makitang tiyak na kaligtasan, sa pagka-alipin sa banyagang lugar, malayo sa templo, malayo sa mga kababayan, at malayo sa kinasanayan o kinagawian.

Dalawa o tatlong beses ako nakaranas maglakad sa dilim … noong wala pang nabibiling mga LED lamps at kung meron man ay sobrang mahal. Matinding karanasan, ang makaramdam ng ganap na kabulagan. Napagdaanan ko na rin ang maubusan ng tubig at malayo pa ang tuktok. Wala kang iisipin kundi ang makatagpo ng bukal, upang maipagtawid-buhay.

Nguni’t matay nating isipin, ito ang kwento ng bawa’t isa sa atin … Ito ang karanasang mapait ni Jeremias, ang propeta noong pagkatapon sa Babilonia. Ito rin ang matinding pagdurusang naranasan ni Bartimeo – ang tuyain, ang libakin, at ang ituring na walang silbi, bilang bulag na umaasa lamang sa iba.

Pero hindi lang yan. Lahat tayo ay naging alipin sa katumbas ng banyagang lugar. Ilan sa mga pamilya ninyo ang hindi nyo kasama, nagbabanat ng buto sa ibang bansa? Ilan sa inyo ang matagal nang nagtitiis na mabuhay sa malayo upang maipag-tawid buhay ang mahal ninyo? Ilan sa atin ang nakaranas ng siphayuin ng kapwa, at hindi tanggapin, o isa-isang tabi dahil sa inggit, galit, tampo, o anuman? Ilan sa atin ang naging banyaga sa sariling bahay, o sa sariling bayan dahil sa sari-saring dahilan?

At hindi lang iyan. Tayo man, ay tulad lahat ni Bartimeo … bulag … hindi nakakakita ng maraming bagay. Hindi man lang natin batid ang tunay nating motibasyon sa pagkilos. Hindi man lang natin alam ang kinabukasan. Nabubuhay tayo at napapaligiran ng kawalang katiyakan sa ekonomiya, sa pamemera, at sa larangang political. Hindi man lang natin matukoy kung kailan ang susunod na lindol, o kung kelan raragasain na naman tayo ng walang patid na ulan o bagyo.

Bulag tayo sa maraming bagay … at tayo ay paapu-apuhap, pakapa-kapa, at walang katiyakan kung saan patutungo.

Kung meron mang dapat sana ay nawalan ng pag-asa, nanghinawa, nagtampo, siguro ay si Jeremias ang may karapatan dito. Kung meron mang dapat nanghinawa at nawalan ng lakas upang lumapit kay Jesus, ay si Bartimeo. Sinansala siya at kinutya, at pinagtangkaang patahimikin ng mga tao.

Subali’t hindi siya napadala . Hindi siya nag-atubili. Patuloy siyang lumapit kay Jesus at ang panalangin ay sadyang mula sa kaibuturan ng puso: “Guro, ibig ko po sanang makakita.”

Ito ang pag-asa ni Bartimeo. Ito rin ang pag-asa ni Jeremias, na nagbunsod sa kanya upang magbitaw ng salitang lubhang kailangan nating lahat ngayon, sa sitwasyon ng kawalang katiyakan: “Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin ko sa maayos na landas upang hindi sila madapa!”

Gutom. Uhaw. Pagod. Hirap. Bulag. Ito tayong lahat ngayon. Subali’t ayon sa ikalawang pagbasa, ang Dakilang Saserdote ay gumanap sa kanyang misyon upang tayo ay mapanuto at mapabuti.

Tulad ng ginawa ni Jesus kay Bartimeo… Tulad ng ginawa ng Diyos para kay Jeremias …

Panginoon, ihatid mo kami sa bukal ng tubig at paraanin kami sa landas upang hindi na muli kami madapa!

No comments:

Post a Comment