Thursday, October 4, 2012

BASBASAN NAWA TAYO MAGPAKAILANMAN!


Ika-27 Linggo ng Taon B
Oktubre 7, 2012

Mga Pagbasa: Genesis 2:18-24 / Hebreo 2:9-11 / Mc 10:2-16

BASBASAN NAWA TAYO MAGPAKAILANMAN!

Iba talaga tayong Pinoy sa maraming bagay. Isa sa pagkakaiba natin sa kapitbayan natin sa Asia ay ito: hindi tayo yumuyuko sa ibang tao kung gusto natin bumati o magpugay, tulad ng mga Japon at mga Thai. Kung gusto natin gumalang, humihingi tayo ng basbas, o bendisyon. At ito ay ginagawa natin sa pamamagitan ng katumbas sa mga Kastila na “besar la mano,” o paghalik ng kamay.

Pero iba pa rin ang ating kagawian. Hindi natin hinahalikan ang kamay ng matanda. Idinidikit natin ang palad ng kamay sa ating noo. Ito ang pagmamano. Ito ang pagpupugay natin sa nakatatanda. Ito ang sagisag ng paghingi natin ng pagpapala.

Sa maraming lugar sa bayan natin, lalu na sa Katagalugan, ang pagmamano ay sinasagot ng matanda nang ganito: “Kaawaan ka nawa ng Diyos!”

Kaawaan nawa tayo ng Diyos, sa lahat ng araw ng ating buhay!

Napakagandang pagpapala. Napakayamang panalangin! Ito ang tugon natin sa unang pagbasa sa araw na ito. Ito rin ang laman ng ating puso, ang kahilingan ng bawa’t isa sa sandaling tinitigatig tayo ng lahat ng uri ng pangamba o takot.

Lahat tayo ay nag-aasam ng bendisyon, ng pagbabasbas,  o pagpapala. Lahat tayo ay humihiling ng katiwasayan, ng kasaganaan, at ng lahat ng uri ng kagalingang pantao.

Nguni’t paano nga ba makamit ito?

Una sa lahat, ayon sa Genesis, ito rin ay isang pangarap ng Diyos para kay Adan. “Hindi mainam na mag-isa ang tao: bibigyan ko siya ng makakasama at makakatulong.” Pangarap rin ng Diyos na ang tao ay magsama at magtulungan. At ang pagpapala ay makakamit sa pamamagitan ng pagniniig na ito sa konteksto ng pagsasamang panghabambuhay sa pagitan ng babae at lalake sa kasal.

Nguni’t sino ba ang siyang karapat-dapat pagpalain? Malinaw ang ikalawang pagbasa at ang tugon sa unang pagbasa. Ang karapat-dapat ay ang marunong maging mababa ang loob, ang maalam magpakumbaba, tulad ng ginagawa ng Pinoy tuwing magmamano – ang idantay ang likod ng palad ng tao sa noo, bilang pagkilala sa kanyang kababaang-loob at pangangailang ng tulong ng nakatatanda.

Malimit sabihing ang pagsasama sa kasal ay isang pagsasama sa ilalim ng pagmamahalan at pag-iibigan. Pero hindi kompleto ang larawang ito. Ang pagsasamang ninais ng Diyos sa mula’t mula pa ay nakatuon sa pagtutulungan. Humanap siya ng kasama hindi lamang upang maging katabi at kasiping, kundi upang maging katulong o katuwang niya sa paglinang sa daigdig, sa pagsupil sa kalikasan para sa kabutihan ng sangnilikha.

Pero upang magtagumpay ang samahang ito, ang pagtutulungan, kailangan ng kababaang-loob … tulad ng kababaang-loob ng isang bata, na siyang huwarang ginamit ng Panginoon. Ayon sa sulat sa mga Hebreo, si Jesus, “bagama’t sandaling panahong pinababa kasya mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay.”

Nakatutuwang isipin na sa Pilipinas lamang ginagawa ang uri ng pagmamanong ito. Nakatutuwa ring isipin na sa bayan natin, ang mga bata mismo ang kumukuha sa kamay ng matanda upang magmano, upang magpakita ng kababaang-loob, at upang humingi ng pagpapala. Mga bata mismo ay silang humihila sa kamay natin upang kunin, ika nga, ang pagpapala mula sa itaas.

Alam kong ito ang gusto nating lahat. Alam kong, may asawa man o wala, ang nais natin ay pawang kagalingan at kabutihan para sa ating sarili at sa mga mahal sa buhay, pati na ang ibang tao.

Siguro, sa araw na ito ay dapat nating bigyang pansin ang kung ano ang maghahatid sa atin sa pagpapalang ito. At ang turo ng salmo responsorio at ng mga pagbasa ay malinaw pa sa tanghaling tapat: ang magkaroon ng takot sa Diyos; at ang sumunod sa kanyang utos. Ayon sa ikalawang pagbasa, ito ay ang tumulad kay Jesus, na nagpakababa alang-alang sa lahat. Ayon rin mismo kay Jesus, ito ay ang mag-asal tulad ng isang bata, at matutong umasa at magtiwala sa mga nakatatanda para maganap ang lahat ng inaasam natin. At ayon sa una at ikatlong pagbasa, ang daan sa pagpapalang nais natin ay walang iba kundi ito: ang makipagtulungan sa “kasama” upang pangalagaan at pangasiwaan ang sangnilikha, tungo sa ikabubuti ng tanang sangkatauhan, may asawa man o wala.

Panalangin ko ngayon ito sa lahat ng mag-asawa, sa lahat ng mga walang asawa, at sa lahat ng kabataan: Tayo nawa ay basbasan ng Poon magpakailanman!


No comments:

Post a Comment