Friday, November 9, 2012

KUNG ANONG KALTAS, SIYANG LUNAS; BUHAY NA IPINANTUBOS, BUHAY NA GANAP AT LUBOS!

Ika-32 Linggo (B)
Nobyembre 11, 2012

Mga Pagbasa: 1 Hari 17:10-16 / Heb 9:24-28 / Mc 12:38-44

KUNG ANONG KALTAS, SIYANG LUNAS!

May mga nagdaang panahon na, kapag maysakit o nag-aapoy sa lagnat ang tao, ang alam lamang gawin ng mga duktor ay ang bawasan ng dugo ang maysakit, at ang lagnat ay humuhupa. Kung tawagin ito noong panahon yaon ay bloodletting. Ang lunas ayon sa kanilang paniniwala at kaalaman noon, ay nakasalalay sa pagkaltas o pagbawas.

Nakatutuwang isipin na maging sa counseling, mayroon kaming tinatawag na paradoxical intervention, na walang iba kundi ang pagpapayo sa taong may suliranin na gawin mismo ang kanyang problemang kinagawian o paulit-ulit na ginagawa. Ang lunas ay nakasalalay sa pagkakaloob ng kung ano mismong kailangan ng tao.

Salat ang buong kaharian sa panahong tinutukoy sa unang pagbasa. Tagtuyot at taggutom. Sa mga panahong ito, ang pinaka nauunang magdusa ay ang mga pinakadukha, ang mga walang pagkukunan, walang kakayahang mag-imbak ng pagkain, at walang dudukutin pag dumating ang kagipitan. Sa mga mahihirap na mga ito, ang pinaka masahol sa kahirapan ay ang mga balo at mga ulila.

Subali’t sa dalawang pagbasa, sa una at sa ikatlo, isang balo ang naging halimbawang wagas ng kabukasang palad at ng isang himalang dulot ng kanilang kabukasang-palad. Dalawang balo ang bida sa istorya natin ngayon … dalawang babaeng wala nang ibang inaasahan at pagkukunan, nguni’t dalawang biyudang nagkaloob ng lahat ng taglay nila para sa propeta at para sa Diyos.

Mahirap ang maghikahos, tulad ng mahirap ang paapu-apuhap sa dilim, tulad ng pinag-usapan natin noong nakaraang dalawang Linggo. Napakahirap ang damdamin ng isang taong walang ibang pagkukunan, at kumbaga ay nasa huling buhol na ng kanilang lubid.

Tayong lahat ay nagdadaan sa iba-ibang uri ng kasalatan at taggutom. May pagkakataong nauubusan tayo ng pasensiya, tulad ng may panahong natutuyuan tayo ng pag-asa. Kung minsan, sa buhay natin, pati pananampalataya natin ay tila nasusubukan nang lubusan, at tulad ni Abraham, pati iyong pinakamahalaga sa atin, ang tanging natitira o naiiwanan, ang siya pang hinihingi sa atin. Ang maliit nang nalalabing pananampalataya sa Diyos ang siya pang hinihingi sa atin.

Wala nang iba pang puedeng asahan ang dalawang balo. Tanging ang taglay at hawak lamang nila ang nalalabi, at sa kabila nito ay sila pa ang naatangan at nahingan ng malaki – ng lahat, kung tutuusin natin.

Kung anong kaltas, siyang lunas! Totoo ito sa maraming antas ng buhay natin. Kung tayo ay nauubusan ng pasensya, ito rin ang lunas – ang kaltasan at kalusin ang nag-uumapaw o sobrang kawalan ng pasensya. Kung ang pag-ibig ay sinusubukan, ang mismong tugon ay ang matutong pang umibig sa kabila ng lahat.

Ang ipinakita ng dalawang balo ay walang iba kundi ito … walang sinumang sobrang hirap na walang kakayahang magkaloob at magbahagi. Hindi ito kwento ng paramihan ng alay, kundi palaliman at palawakan ng pag-ibig at kabukasang-palad.

Sa aking karanasan sa maraming pagkalap ng pondo at paghingi ng tulong sa mga tao, hindi ang laki ng bigay o donasyon ang pinakamahalaga. Ang halaga ay nasa kadakilaan ng taong nagkaloob, ang pinakamahalaga ay ang bigay ng isang taong kulang na lamang ay isubo ang ipagkakaloob ay ibinigay pa nang maluwag sa kalooban.

Ito ang kadakilaang hindi batay sa laki ng bigay, kundi sa laki ng puso ng nagbigay – ang kadakilaang nababatay sa kabukasan ng puso at ng palad. At dumarating ang panahon na kung sino pa ang tila nawawalan ng pag-asa, o anuman, ay sila pa ang higit pang sinusubok at inaasahang maging lakas at timon ng karamihan.

Sabi nga nila, kung gusto mong may mangyari, iatang mo ito sa balikat ng isang taong maraming ginagawa at pinagkakaabalahan. Silang halos walang panahon ay sila pang higit na maraming nagagampanan.

Si San Pedro Calungsod ay halimbawa rin nito. Ang buhay na sagana ay nakamit niya nang ipinagkaloob niya nang maluwag sa kalooban ang sariling buhay para ipagtanggol at hindi iwanan ang kanyang pinaglilingkuran, si Beato Diego de San Vitores. Kung ano ang halos mawala na o tila nauubos o nauupos, ay siya pang bagkus ipinagkaloob ng binatilyong itinanghal na ganap na Santo noong nakaraang buwan.

Kung ano ang kaltas, siyang lunas! Buhay na ipinangtubos, siyang buhay na naging ganap at lubos!

Teresa Espinelli Retreat House
Tagaytay City

No comments:

Post a Comment