Friday, October 12, 2012

Sapagka't Ako'y Tao Lamang ...


Ika-28 Linggo ng Taon B
Oktubre 14, 2012

Mga Pagbasa: Kar 7:7-11 / Heb 4:12-13 / Mc 10:17-30

SAPAGKA’T AKO’Y TAO LAMANG …

Kabatiran, pag-unawa, pagkilala at pagtanggap ang nagbunsod kay Solomon na humiling at manalangin. At ano ang kanyang hiling? Bagay na hiling rin natin, sapagka’t tayo, tulad niya ay “tao lamang.” Maraming kagalingan ang kaakibat ng pagiging tao. Tayo lamang sa kaharian ng mga hayop ang kayang uminom nang hindi kailangang tumingala o sumabasab o lumaplap sa banga. Kaya nating ihatid sa bibig ang pagkain o inumin, kung kaya’t tanging “pansit habhab” lamang sa Quezon ang ating hinahabhab kumbaga.

Nguni’t alam rin natin na may kaakibat ring kahinaan at kabulukan ang ating pagiging tao. Ito ay isa sa mga binanggit ni Papa Benito XVI sa ika-50 taong anibersaryo ng Konsilyo Vaticano II – ang katotohanang magpahanggang ngayon, ang hila at lakas ng kasalanang mana ay patuloy na nagpapababa sa atin, at nagpapanatili sa kultura ng kamatayan.

Mahigit rin sa limampung taon ang nakalipas nang sulatin ni Mike Velarde ang awit na ito: “At kung yan man ay kasalanan, ay sapagka’t kami ay tao lamang!” Subali’t may pagtutulad ba ang sinasaad ng awit, at ang sinasaad ng unang pagbasa?

Tingnan natin sumandali … Ang awit ni Velarde ay may himig ng pagsuko … pagsuko sa katotohanang tayo ay hamak na tao lamang, marupok, mahina, kay daling matepok, ika nga ng kantang luma ni Rico Puno. Nguni’t hindi ito ang tema o hibla ng kamalayan ni Solomon. “Sapagka’t napag-unawa kong ako’y tao lamang, ako’y nanalangin at binigyan naman ako ng kaalaman. Tumawag ako sa Diyos at binigyan ako ng karunungan.” (Unang Pagbasa).

Aminin man natin o hindi, ang katotohanan ay ito … may kabobohan tayo kung minsan. Ewan ko sa inyo, pero sa ganang akin, madali tayong masilaw sa busilak o kinang ng anu man. Ang anumang makinang, makintab, at kumukuti-kutitap at nasa eskaparate ng shopping mall, ay nakabibighani … naka-aakit … nakatatawag ng pansin. Ilang beses ako napabili sa isang bagay na akala ko ay maganda, nguni’t pag-uwi pala ng bahay ay walang silbi, o madaling masira, o walang tunay na paggamit.

Aminin man natin ito at hindi, may kabobohan rin tayong lahat. Patuloy tayong nasisilaw sa pangako ng mga politico, ng mga taong ang hangad lamang naman ay walang kinalaman sa paglilingkod, kundi sa pagkabig sa pansariling kapakanan at pangangailangan. Patuloy tayong nagluluklok ng mga taong nagbibigay kahihiyan at paghihirap sa bayan.

Iisa ang tinutumbok ko rito … at wala itong kinalaman sa politica ng bansa natin. Ang aking pinupuntirya ay walang iba kundi ito … kapos ang ating kaalaman … bitin ang ating karunungan, sapagka’t tayo ay tao lamang!

Nguni’t dito nagkakaiba si Solomon at si Velarde. Si Velarde ay sumuko at napadala … Kasalanan man iyan, sabi nya, iisa lang ang dahilan at paliwanag … sapagka’t tayo ay tao lamang. At wala tayong magagawa diyan. Si Solomon ay kumilala, tumanggap, at nagsikap umunawa. At dahil sa kanyang pagtanggap sa kanyang kabuwangan, ay gumawa siya ng paraan … Nanikluhod … nagdasal … nagsumamo … at dahil dito ay pinagkalooban siya ng karunungang hindi lamang para sa makamundong mga bagay.  Mas mahalaga ito, aniya, sa trono at setro, mas matimbang kaysa alinmang kayamanan.

Paano ba natin makakamit ang karunungang ito?

Malinaw na ito ay galing hindi sa ibaba kundi sa itaas. Malinaw sa ikalawang pagbasa na ito ay halaw, batay, at nakasalalay sa Salita ng Diyos, “buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alin mang tabak na magkabila’y talim.”

Hindi kaila sa atin na tayo ay madaling matangay. Kay rami ko nang beses inulit-ulit ito sa lahat ng aking mga tinuturuan sa loob ng 34 taon bilang guro: “Ang natatanga ay natatangay.” Ang mangmang, o ang nananatili sa kamangmangan ay patuloy na gagawa ng mga bagay na hunghang at walang kakabu-kabuluhan! Stupid is, as stupid does, ang sabi ng nanay ni Forrest Gump.

Maganda sana ang kwento ng talubatang lumapit sa Panginoon: “Ano po ba ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?”
Ang ganda ng simula, parang simula ng lahat ng administrasyon sa bayan natin … Ang ganda ng tanong, at kay tayog ng kanyang pangarap.

Matalino ang binatilyo at tinumbok niya ang kaalamang makamundo tulad ng kaalaman natin na kay daling matangay ng kinang at kislap ng mga gagdets at gizmos sa panahon natin, na di tumatagal ng anim na buwan.
Matayog ang kanyang pangarap, subali’t mababaw ang kanyang karunungan. Nang sabihin ni Jesus ang halaga at presyo na dapat niyang pagbayaran, ang iwanan ang lahat ng kanyang yaman, at sumunod sa kanya, umalis ang binatilyo na malungkot, “sapagka’t  siya’y napakayaman.”

Mahirap ang isalansan nang ayos at tama ang hanay ng mga pagpapahalaga. Mahirap ang mamili. Tulad ngayong araw na ako ay medyo may sakit, nag-aasam ako ng higit pa sa maidudulot ng pang-araw-araw na buhay namin bilang pari at relihiyoso. Naghahanap ng iba, ng higit, ng magaling, at nang masarap at maganda.

Kapag dumating ang mga tagapagsalita ng komersyo, pati kami ay naaakit nang makinang at makintab, ng bago at ng kakaiba – mga bagay na kakaunti pa ang nag-mamay-ari!

Bakit hindi? Kung susundin natin si Velarde, OK lang, kahit masama at kasalanan, sapagka’t kami ay tao lamang!

Kung susundin natin si Solomon, ang lumiham sa mga Hebreo, at ang Panginoon, iisa ang kanilang turo at aral: Iangat mo nang kaunti ang iyong nasa … Itaas mo pa ang iyong inaasam. At dito, karunungang hindi galing sa mundong ibabaw ang kailangan mo. Sa bagay na ito, karunungan batay sa Salita ng Diyos ang siya mong kailangan.

At dito, hindi lahat ng may kinang ay ginto at pilak. Ang tunay na magaling, maganda, ayos, at tama sa mata ng Diyos ay siyang naghahatid sa garantiya, na hindi lamang tatagal ng anim na buwan o isang taon, kundi isang pangako na may kinalaman sa buhay na walang hanggan!

Saan ka pa, kapatid? Ano pa ang iyong pipiliin?

No comments:

Post a Comment