Friday, August 31, 2012

UNAWAING MABUTI AT SUNDIN!


Ika-22 Linggo ng Taon (B)
Setyembre 2, 2012

Mga Pagbasa: Deut 4:1-2. 6-8 / San 1:17-18.21-22.27 / 
Mc 7:1-8.14-15.21-23

UNAWAING MABUTI AT SUNDIN!

Kamakailan, bago ako nagpunta sa Guam, isang karanasan ang naganap na may kinalaman sa aking paksa sa araw na ito. Linggo ng gabi noon, umuulan, at walang trapiko sa Maynila. Mayroon dapat akong kausaping isang kaibigan at nakatakda kaming magkita sa MOA. Sapagka’t Linggo, makikita ko lamang siya matapos ang huli kong Misa ng a las 7 ng gabi. Kung kaya’t matapos kong mag Misa ay tumakbo na ako sa MOA.

May isang lalaking naka bisikleta sa aking daanan sa may Pasay. Batid kong wala akong kasabay at kasunod sa likod. Alam kong maluwag ang daan, kung kaya’t dahil ayaw kong ilagay sa alanganin ang naka bisikleta, lumipat ako sa kabilang linya. Nang ginawa ko iyon, bigla nagsipaglabasan na parang galing sa lungga ang siguro’y tatlong pulis. Nagkukubli pala sila. At pinatigil ako, at gusto nila ako bigyan ng tiket, dahil sa ako diumano ay “swerving.” Nang nangatwiran ako, at sinabi kong walang paglabag sa batas na tinatawag na swerving, dahil sa kailangan kong lumipat ng linya, sa di inaasahang pagkakataon, pinalitan nila ang aking paglabag! “Reckless driving” daw ako.

Sapagka’t nakasabit sa likod ang aking kasulya at damit pang Misa, nakita ng isa sa kanila na ako ay pari. Biglang nagbago ang simoy ng hangin. “Ay Father, pari po pala kayo.” “Saan ho kayo nag Mimisa?” Nang sinabi ko kung saan, ang bulalas pa ng isa ay ito: “Ay duon din ho ako nagsisimba.” At ako ay hindi na nila pinakialaman.

Ano ang nangyari sa traffic violation?

Pero hindi ito ang matindi. Ang higit pa sa rito ay nagyabang pa siya na nagsisimba siya sa simbahang yaon. Di naman ligid sa kaalaman ng lahat, na sa oras na iyon ng gabi, kahina-hinala kung bakit “napakasipag” ng pulutong ng mga pulis sa lugar na hindi naman sila nakikita, o inaasahan.

Marami pa tayong puedeng ikwento upang ilarawan ang katatayuan ng lipunan natin. Sa “daang matuwid” na ipinagmamakaingay, alam ng lahat, na tuloy ang korupyon sa customs. Hindi pa rin nakikita at natabunan na ng ibang balita ang naglahong mga containers kamakailan. Walang kumakanta, at lalung walang naghahanap. Tuloy pa rin ang droga. Tuloy pa rin ang jueteng. At tuloy pa rin ang pagpasok ng mga dayuhan sa bayan, na walang umaangal, walang nagsusuplong, at walang napaparusahan, liban sa mga hayagang kaaway ng mga nasa kapangyarihan.

Tayo ang numero unong bansang Kristiyano sa Asia. Tayo rin ang namumuno sa antas ng mga bansang pinakapalasak ang korupsyon at kriminalidad na “high profile” ika nga. Hindi nyo ba napansin na lahat ng nahuhuling may kinalaman sa droga ay mga maliliit na isda lamang, at ang mga malalaking isda ay laging nakakatakas, nakakalusot, na para bagang alam nila kung kailan may raid o operasyon ang mga tumutugis?

Sa Linggong ito, wag na tayo magmaang-maangan pa. Nangangailangan tayong lahat na isapuso at isadiwa ang mga salita sa unang pagbasa: “unawain ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo.” Ganito rin ang paalaala sa atin ni Santiago: “Kung ito’y pakikinggan lamang ninyo nguni’t hindi isasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.”

Maging si Forrest Gump at ang kanyang simpleng ina ay naunawaan ito. “Stupid is, as stupid does,” ang sabi ng ina niya. Kung ano ang henyo, siya ring figura. Kung ano ang laman sa loob, siya ring pakita sa labas, dapat.

Pero may tinatawag si Jesus sa mga tulad nito: mga mapagpaimbabaw!

Ito rin ang paghamon sa bawa’t isa sa atin. Madali ang magkunwari. Madali ang magpakitang-tao lamang. Madali ang magsabing “ako ay katoliko,” pero kaliwa’t kanan ang pagbatikos sa Inang Simbahan. Madaling sabihing “ako ay naniniwala” pero hindi naman sumusunod sa turo ng simbahan tungkol sa batas moralidad at nilalaman ng pananampalataya.

Nakalulungkot na ngayon ay hati-hati tayo sa maraming bagay. Hati-hati tayo sa politica. Hati-hati rin tayo sa pag-unawa tungkol sa paghamon ng pangangalaga sa kalikasan. Sa panahon natin na palasak ang panggagayuma ng mass media, at palasak rin ang tinatawag nating mga jukebox journalists, na kumakanta lamang kapag hinulugan mo ng pera, mahirap malaman kung ano talaga ang totoo. Napaka makapangyarihan ang mass media at kaya nitong palitan ang tinatawag na public opinion. Sa paulit-ulit na pagsasabi ng kasinungalingan, ay nagiging tama ang mali, at ang mali ay nagiging tama, at ang hindi kaalyado ng may tangan ng posisyon at kapangyarihan, at madaling gawing demonyo at maipinta bilang masasamang tao.

Dumarami rin ang mga katolikong nagsasabing sila raw ay katoliko ngunit ang laman ng diwa at laman ng gawa ay malayong-malayo sa turo ng Iglesya Katolika. Mga cafeteria catholics ang tawag sa kanila – namimili … naghihirang lamang … at tinatanggap lamang ang mga turong angkop sa kanilang pananaw o punto de vista, o worldview!

Freedom of conscience ang lagi nilang sigaw. Nguni’t ang ibig lamang nilang sabihin ay personal preference, o personal choice, at hindi isang konsiyensiyang naturuan, nahubog, at naisa angkop sa objetivong batas moral at katotohanang moral.

Malaki ang pananagutan nating lahat. Sapat na sigurong tandaan natin ang paalaala sa atin sa araw na ito: “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin!” Makinig sa Simbahan at umunawa! Ang tama ay hindi batay sa dami ng bumoto. Ang wasto ay batay hindi sa lakas ng sigaw ng mga nagsasabing katoliko raw sila pero pasaway kung ang pag-uusapan ay ang opisyal na turo ng Inang Simbahan hinggil sa pananampalataya at batas moralidad.

No comments:

Post a Comment