Friday, August 3, 2012

TINAPAY NA KALOOB; LUWALHATING NILOLOOB


Ika-18 Linggo ng Taon B

TINAPAY NA KALOOB; LUWALHATING NILOLOOB

Bihasa tayong lahat mag-reklamo. Reklamo tayo kapag hindi nangyari ang gusto natin. Reklamo tayo kapag naparam ang balakin natin. Panay ngayon ang reklamo ng mga drayber saan mang dako ng Pilipinas. Ang trapiko ay hindi gumagaan saan ka man dumako sa bayan natin.

Reklamo ng mga guro ang kakulangan ng silid-aralan. Reklamo ng mga trabahador ang kulang na sweldo. At reklamo ng mga negosyante ang higit pang mga hinihingi ng mga trabahador.

Walang masama sa ating mga reklamo. Ang pag-angal ay tanda ng kagustuhan natin makamit ang wasto, ang tama, ang higit pa, ang nararapat. Walang masama sa ginawa ng mga Israelitang nagreklamo kay Moises na walang mamalam gawin upang mapatahimik ang mga taong nagdobleng-isip kung bakit sila lumabas pa ng Egipto.

Marami rin tayong reklamo ngayon. At sa likod ng mga ito ay ang kagustuhan nating makamit ang kasaganaan, ang kawalang kakulangan sa anuman, ang buhay na kaaya-aya at ganap … buhay na kumbaga ay wala ka nang hahanapin pa.

Marami sa mga tao ang galit sa Simbahan dahil sa pagsusulong ng Pro Life. Hindi sila galit sapagka’t isinusulong ito ng simbahan. Galit sila sa hindi nila lubos na nauunawaan, na para bagang ang Simbahan ay paki-alamero, walang puso, at nanghihimasok sa buhan ng may buhay.

Akmang akma ang sinabi ng Panginoon sa mga galit rin kay Moises: “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng Panginoon.”

Subali’t madaling masilaw sa pangako ng material na kasaganaan. Nguni’t alam nating lahat na walang nagtatagal sa buhay sa daigdig. Ang lahat ay naaagnas, nasisira, nabubulok. Mayroong hanay na pagpapahalagang higit pa sa pagpapahalagang makamundo.

Ako man ay hindi masaya sa dami ng problema ng Pilipinas. Napakaraming mga batang walang alam. Napakaraming naglipana sa lansangan, hindi nag-aaral, at bata pa man, ay naghahanap-buhay na. Hindi ako masaya na parami nang parami ang mga dukha.

Subali’t ang solusyon na naiisip natin ay laging pang ngayon lamang at dito. Hindi natin naiisip ang panghinaharap, ang pang sa walang hanggan, ang buhay pang kaluluwa, at ang mga pagpapahalagang pang espiritwal, na higit pa sa mga pagpapahalagang pang dito at ngayon lamang.

Paala-ala sa atin ni Pablo: “huwag na kayong mamuhay nang gaya ng mga Hentil.” “Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang bagong makita sa inyo ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katwiran at kabanalan.”

Bilang isang edukador, alam ko kung gaano kahirap ang isulong ang ganitong hanay ng pagpapahalaga. Mas madali ang pauntiin ang tao. Mas madali ang pigilang mag-anak ang mga dukha. Mas madali ang bigyan sila ng pangpigil sa pag-aanak, sa ngalan ng kalusugan.

Nguni’t sa buhay natin, iba ang busog, at iba ang ganap na tao ayon sa kaniyang pagiging larawan at wangis ng Diyos.

May pagkaing makamundo at may pagkaing makalangit. Mahirap man tanggapin ngayon, ang isinusulong ng Simbahan ay hindi lamang pang-ngayon at pang-dito kundi pang sa buhay na walang hanggan.

At ayon sa turo ng Panginoon ngayon, dapat nating isipin higit sa lahat ang pagkaing naghahatid sa buhay na walang hanggan, tungo sa buhay na ganap at kaaya-aya.

Huwag sana tayon matakot manindigan para sa pagpapahalagang hindi lamang pang naririto at pangkasalukuyan. Tingnan sana natin ang buo at ganap na kapakanan ng tao, bata, matanda, isinilang na o hindi pa isinisilang!

Tumingala nawa tayo sa tinapay na kaloob, at bigyang pansin at diin ang luwalhating niloloob at minimithi. Ito ang dulot ng Eukaristiya – pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan.

No comments:

Post a Comment