Friday, August 10, 2012

GUMISING, KUMAIN, AT MABUHAY TUWINA!


Ika-19 na Linggo (Taon B)
Agosto 12, 2012

Mga Pagbasa: 1 Ha 19:4-8 / Ef 4:30 -5:2 / Jn 6:51

GUMISING, KUMAIN, AT MABUHAY TUWINA!

Mga tao rin ang mga propeta … may damdamin, may puso, may pangamba, pag-asa, at pagnanasa. Di miminsan ring nasasagasaan ang damdamin ng mga propeta. Di miminsan ring nakakaranas rin sila ng panghihinawa, kawalan ng lakas at tatag ng kalooban, at ang madala sa pananakot o paniniil ng mga makapangyarihan.

Ito rin ang kwento ni Elias, na pinag-uusig ni Jesebel. Matindi ang poot ng mga tulad ni Jesebel, sapagka’t nagsabi ng totoo si Elias, at ang totoo ay laging nakasasaling ng damdamin at nagpapaliyab sa natutulog na galit at poot ninuman.

Lumayas si Elias sa ilang. Nagkubli at sumilong sa isang puno. At hindi lamang iyon, nagnasa siyang mabigyang-wakas na ang kanyang buhay, upang sa gayon ay matapos na ang lahat, at makaranas siya ng katiwasayang ipinagkait ng mga taong makapangyarihan.

Di rin miminsang ang aking damdamin ay napuno ng takot at pangamba. Maraming taon na ang nakalilipas nang ako ay kamuhian ng mga tagasunod ng isang pulitiko dahil ang kanilang manok ay natalo sa lugar kung saan ako naruon. Inorganisa ko ang mga tao, upang mabantayan nila ang kanilang boto. Pinagmatyag ko sila, pinagbantay … at sa ganitong paraan ay para bagang nasansala namin ang anumang maitim na balakin ng mga nasa kapangyarihan noon. Di nagtagal ay tumanggap ako ng isang korona ng bulaklak na maliwanag na tanda na ako ay tutugisin ng mga halang ang kaluluwa.

Hindi rin masyadong matagal magmula nang ako ay mag-organisa ng mga tao upang labanan ang lumalaganap na droga sa bayan kung saan ako naruon. Nagkamulat ang tao, nagising sa katotohanang, kung wala silang gagawin ay lalamunin silang buhay ng banta ng droga at mga tagapagtulak na naglipana sa paligid namin.

Mura lamang pala ang buhay ng tao. At dahil sa naging mainit ang talakayan tungkol sa droga, ay hindi naglaon at ako ay nakatanggap ng isang malinaw na mensahe na naglalayong patigilin ako … “Ano ang gusto mo? Ang magpatuloy makapag-Misa o ang biglang mapatigil?”

Sa kasalukuyang panahon, ang pagiging propeta ay lalung lumala at lalung naging mapanganib. Sa aking pagtayo at pag-anib sa turo ng Inang Simbahan, di lihim na mayroong nasasaktan, at mayroong nagagalit. Ngunit sa halip na barilin nila ang mensahe, ang binabaril ay ang mensahero. Sa halip na tuligsain ang pangaral, ang tinutuligsa nila ay ang nangangaral. At pati mga bagay na wala akong kinalaman ay pilit nilang ipupukol sa akin, na para bagang pinalalabas nila na ako ay kamuhi-muhing gumawa ng mga baluktot na krimen, na lubhang pinagpipyestahan ng mass media, kahit na, karamihan rito ay pinalaki at pinalala lamang ng palsong uri ng jornalismo.

Nanghihinawa ako. Nanghihina, at nawawalan ng lakas at tibay ng kalooban. Tulad ni Elias, nagnanasa akong katumbas ng kanyang pagnanasang mawakas na ang buhay at mawala na ang lahat ng pasakit at hilahil sa buhay.

Ngunit and Diyos ng buhay ay Diyos rin ng pangako. Siya rin, ay Diyos ng katuparan. Sa araw na ito nais kong isipin na dalawang bagay ang dulot at hatid niya sa ating lahat: kautusan, at pangako!

Kautusan … Gising na at kumain! Gumising ka sa kabatirang ang Diyos ay tunay, ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay hindi natutulog. Tulad ni Elias, inuutusan tayo na bumangon at kumain, at tumanggap ng lakas. Walang lakas ang propeta kung hindi tumatanggap ng wastong pagkain. Walang lakas ang tagapangaral kung walang koneksyon o karugtong sa Diyos na nagbibigay-buhay.

Sa araw na ito, bukod sa kautusang ito ay isang pangako ang hatid niya: “Ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan.”

Sa awa ng Diyos na ito, naka-agguanta ako … nakatagal … nakakita ng higit pang lakas upang patuloy na magturo, mangaral, at magpahayag, sa tuwina, saanman, at kailanman. Sa awa rin ng Diyos, ay 34 na taon na ako nagtuturo, at 30 taon halos nag-mimisa para sa bayan ng Diyos.

Ito sana ang panghawakan natin sa araw na ito: ang kautusan at ang pangako. Natitisod rin maging ang mga propeta. At pati ang mga mananakbo kung minsan ay napapatid rin at nadadapa. At malinaw pa sa sinag ng araw, na pati manlalaro sa olimpiko ay nanghihina at nawawalan ng lakas.

Ngunit sa araw na ito, hindi lamang lakas ang dulot ng Diyos sa atin. Hindi lamang pangako, bagkus katuparan – sa pamamagitan ng Eukaristiya ang tinapay ng buhay: “Ang sinumang kumain ang pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Hala, iangat ang mga mata. Bumangon na at mag-inat-inat mga kapatid. Gumising, kumain, at mabuhay tuwina!

No comments:

Post a Comment