Thursday, July 26, 2012

MAKAMUNDONG BIYAYA; MAKALANGIT NA PAGPAPALA


Ika-17 Linggo ng Taon(B)
Julio 29, 2012

Mga Pagbasa: 2 Ha 4:42-44 / Ef 4:1-6 / Jn 6:1-15

MAKAMUNDONG BIYAYA; MAKALANGIT NA PAGPAPALA

Sino sa atin ang hindi maaantig sa kwento ng isang tulad ni Eliseo propeta na, sa kabila ng kasalatan at kakulangan, ay walang pasubaling nagpakain, nagkaloob, at nagbigay ng kung ano ang tinanggap niya mula sa iba? Sino sa atin ang hindi tatamaan kahit kaunti yamang tayo ay mga taong maramot, mapagkimkim, at makasarili? Sino sa atin ang hindi nag-isip kahit minsan, na itago ang kaunti, ang wag ipagkaloob ang maliit na nakamkam sapagka’t hindi sapat sa lahat ang yamang taglay?

Wala ni isa man marahil sa atin ang makatatanggi ng katotohanang tayo ay balisa malimit at hindi nakatitiyak sa kinabukasan. Wala isa man sa atin ang makapagsasabing wala tayong inaalala para sa kinabukasan. Halos sigurado akong marami sa atin ay nangangamba dahil sa mabilis na pagdami ng tao sa Pilipinas, at pagdami rin ng mga dukha, at mga taong halos walang nang dapat asahan pa sa buhay!

Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit ang RH bill ay lubhang inaakala ng marami bilang isang solusyon? Nagkalat ang mga bata sa kalye … nagtambakan ang mga basura sa ilog at sa mga ilat, na unti-unting nagiging semento at natatakpan ng mga bahay … Marami at susun-suson ang problema, na tila walang solusyong naghihintay.

Kung kaya’t sa sitwasyong ito, hindi malayong madala tayo ng agos ng mga tila solusyong nakaamba, na madalian … at kasama rito ang pagbabawas sa mga bata, at pagkokontrol sa panganganak, at ang pagdedesisyon ng gobyerno para sa mga malayang tao na nararapat sanang sila ang magpapasya sa kani-kanilang sariling buhay.

Sa araw na ito, nais ko sanang ikintal sa isipan natin ang dalawang magkaibang bagay: ang makamundong biyaya at ang makalangit na pagpapala. Dinasal natin sa simula ng Misang ito: “Dagdagan mo ang iyong kagandahang-loob sa amin upang sa iyong pamumuno at pangangasiwang magiliw, mapakinabangan namin ang mga biyaya mo sa lupa bilang pagkakamit na namin sa makalangit mong pagpapala.”

Iisa ang tinutumbok ng lahat ng ito … may larangang pangmundo o pandaigdig, at may larangang espiritwal o pang-kalangitan. May biyayang makamundo, at may pagpapalang makalangit. May buhay pang material, at may buhay pang-kaluluwa!

Samakatwid, may mga pagpapahalagang makamundo, at mayroon ring pagpapahalagang makalangit. Hindi lahat ng kumikinang ay tunay na ginto, at hindi lahat ng nahihipo, nakikita, nasusukat at natitimbang ay tunay na makapaghahatid sa higit na mataas na hanay ng pagpapahalagang may kinalaman sa buhay na walang hanggan.

Subali’t hindi ibig sabihin nito ay walang pakialam ang Diyos sa buhay natin sa daigdig. Sa katunayan, ito nga ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa, nakita natin kung ano ang ginawa ni Propeta Eliseo sa kaloob na tinanggap niya – 20 tinapay at bagong aning trigo. Sa kabila ng protesta ng kanyang kasama – na hindi diumano sasapat ang lahat para sa 100 katao – ipinag-utos pa rin niyang ibigay at ipakain ang lahat.

At mayroon pang natira!

Sa ebanghelyo naman, narinig natin ang naganap. Napakaraming tao ang sumunod sa kanya  … naglakad galing sa kabilang pampang ng lawa ng Galilea … pagod na pagod at gutom na gutom. Naawa si Jesus sa mga tao at nagbalak silang bigyan ng pagkain. Nag reklamo agad si Felipe, at nagwika: “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.”

Walang kaibahan ito sa mga palakad ng isipan natin ngayon … saan tayo kukuha ng ipakakain sa mga batang paslit na naglipana sa lansangan. Saan tayo kukuha upang mapag-aral ang lahat ng ito? Di ba’t napapanahon na, na ang RH bill ay maging batas?

Natangay tayo ng isipang hanggang biyayang makamundo lamang ang tao. Nadala tayo ng pag-iisip na ang tao ay pang mundo lamang, para lamang sa mga bagay na natitimbang at nasusukat, o kumikinang o tumataginting. Naglaho sa isipan natin ang larawan ng Diyos na mapagkalinga, mapagbigay, at nangangalaga sa kanyang bayan.

Batid ko na maraming problema ang hatid ng mabilis na pagdami ng tao. Nguni’t batid ko rin na ang solusyong dulot ng RH bill ay hindi solusyon, sapagkat ang tao ay hindi kuneho na dapat tanggalan ng kakayahang magpasya sa ganang kanilang sarili, at diktahan ng gobyerno kung ano ang dapat nilang gawin sa kanilang mga buhay.

Batid ko ring matindi ang mga suliraning hinaharap natin bilang isang bayan. Subali’t batid ko rin ang higit pang masahol at matinding problemang darating oras na pagbigyang-daan natin ang isang saloobing hindi nagpapahalaga sa larangan ng espiritu, sa larangan ng buhay pang-kaluluwa, at alam kong oras na isipin nating ang tanging solusyon sa problema ay mga solusyong makamundo at hindi ito magdudulot ng tunay na ginhawang pangkalahatan at pangkabuuan na atin lahat inaasam at hinahanap.

At ito ang tinatawag ng Santo Papa, Beato Juan Pablo II na kultura ng kamatayan, kultura o kaisipang pang kontraseptibo, na unti-unting nagpapaagnas sa kultura at kaisipang kristiyano at buhay pangkaluluwa.

May paalala sa atin ang milagro ni Eliseo at milagrong ginawa ng Panginoon. Wag natin sukatin ang biyaya ng Diyos. Wag nating tikisin ang pag-ibig at pagkalinga ng Diyos. Wag natin maliitin ang kanyang kakayahan upang maghatid ng ganap at tunay na buhay para sa atin … ganap na buhay … hindi lamang buhay dito at ngayon … Ganap na buhay, na pinagkakalooban niya ng kinakailangan natin tuwina … “Pinakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal!”

Ano ang kanyang kaloob? Tinapay … Pagkain … biyayang makamundo … At higit pa! pagpapalang makalangit, at higit pa! Higit pa! Pagdating ng panahon, wala na tayong hahanapin pa!

Don Bosco Formation Center
Lawa-an, Talisay City
Cebu

No comments:

Post a Comment