Friday, July 6, 2012

SA MAKINIG TAYO O HINDI!


Ika-14 na Linggo ng Taon (B)
Julio 8, 2012


Sa lahat ng mahirap gawin, ito ang talagang walang katalo … mahirap gisingin ang nagtutulog-tulogan. Mahirap tawagin ang nagbibingi-bingihan, at lalung mahirap kausapin ang nagmamaang-maangan!

May tawag si propeta Ezekiel sa mga taong masahol pa sa mga makulit na nga ay mapilit pa – “matigas ang ulo at mga walang pitagan.” Sinugo si Ezekiel ng Diyos sa mga taong tulad nito – hindi nakikinig at lalung hindi tumatalima.

Lahat tayo ay nakaranas nito – ang hindi tanggapin, ang hindi paniwalaan, ang hindi maubos maisip na makakaya natin ang anumang iniatang sa atin. Sa buhay ng bawa’t tao, mayroon laging kontrabida, kumbaga, mga taong walang tiwala sa ating kakayahan, at laging may pagdududa sa ating kakayahan.

Ito ang karanasan ni Ezekiel. Napadpad siya sa lugar kung saan ang tao ay “suwail at walang pitagan.” Karanasan rin ito ni San Pablo, na nagtiis sa kanyang “kapansanan” habang ginagampanan niya ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Hindi natin tukoy kung ano nga ang kapansanang ito, pero hindi imposibleng isipin natin, na ito man ay may kinalaman, hindi lamang sa isang pisikal na kondisyon, kundi sa isang pagtanggi o kakulangan ng pagtanggap sa kanya ng ibang tao.

Alam natin kung ano ibig sabihin nito. Ang aking puso ay nakatuon sa kapwa ko paring hindi matanggap ng ilang matataas na tao sa parokya. Subali’t nakatuon rin ito sa sinumang pinagdududahan, hindi pinaniniwalaan, at lalung hindi pinagkakatiwalaan ng nakatataas, pari man o laiko.

Pinagdaanan ko rin ito. Sa halos 30 taon ko bilang pari, alam kong mayroon laging hindi panig sa iyo. Wala ka pang ginagawa ay handa na silang mag-rally o maging oposisyon. Alam ko rin na ang higit na nakararami ay kapanig at kapanalig, sapagka’t nakakakilala sila sa pagdating ng propetang sugo, padala ng Diyos.

Ang aral ng Linggong ito ay para sa lahat, mapasa panig ka man ng mga suwail, o panig ng sinusuwail. Ito ang katotohanan – lahat tayo ay naging suwail. Lahat tayo ay naging pasaway. Lahat tayo ay nalulon sa kasalanan.

Kung ito ay totoo sa buhay natin, totoo rin ito sa buhay ni Jesus. Sa kanyang mga kababayan, ang tanong nila ay magkahalong pagdududa at pagtanggi: “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya?”

At di lamang iyan. Si Jesus mismo ang nagwika: “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.”


Magtataka pa ba kaya tayo at laging may tinatawag kong “kontra bulate” sa buhay natin tuwina? Magtataka pa ba tayo kung sino pang dapat nating kabatak ay siyang nakikipag bunung braso sa atin? Magtatanong pa ba tayo kung bakit anumang kabutihang gawin natin, ay mayroong gumagawa ng masamang kwento tungkol sa atin?

Si Pablo ay nagkaroon ng kapansanan. Sa ating panahon, sa ating kalalagayan, sa ating katayuan, ang kapansanang ito ay pwedeng magmula sa pamumula mula sa kapwa … sa paninira na galing sa mga kasamahan … sa patagong pagkilos upang mapasama ang larawan natin sa mata ng tao. Ito ang mga taong “suwail at walang pitagan” na binabanggit sa unang pagbasa.

Magandang balita ang dulot ng mga pagbasa ngayon, at magandang balita ang ipinunta natin dito sa simbahan.

Ito ang magandang balita – ang tapang at tatag ng dedikasyon at pananagutan ni Ezekiel na tumalima sa Diyos at nangaral kahit sa mga taong suwail. Ito rin ang tapang at pagtatalaga ng sarili ni Pablo, na sa kabila ng kapansanan ay patuloy na nangaral, sa makinig man sila o hindi.

Ito ang aking naisin para sa ating nanghihinawa, para sa lahat na sinisiraan, at nakararanas ngayon ng kapansanang binanggit ni Pablo. Konting tiyaga, kapatid at kapanalig … “Sa makinig sila o sa hindi – malalaman nilang may isang propeta sa gitna nila!”

No comments:

Post a Comment