Friday, July 20, 2012

HINDI NA TAYO MAGDARAHOP!


Ika-16 na Linggo Taon B
Julio 22, 2012

Mga Pagbasa: Jeremias 23:1-6 / Ef 2:13-18 / Marco 6:30-34


Hindi madaling sansalain ang mga sinasabi ni Jeremias, at mga kataga ni San Pablo. Hindi madaling tanggihan ang mga katotohanang binibigyang-pansin ng propeta, tungkol sa mga tulad niya at tulad naming mga propeta at pinunong “walang malasakit sa kanilang nasasakupan” at mga pabayang mga namumuno.

Lalung hindi madaling magbulag-bulagan sa katotohanang nagaganap ngayon man, saan man – ang mga iba-ibang uri ng “alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin” at sa isa’t isa.

Tanging ang pinaka sinungaling lamang o nagbubulag-bulagan ang hindi aamin na ang lipunan natin ay tigib ng pagkakawatak-watak at kakulangan ng kaisahan. Tanging mga namamalik-mata lamang ang makapagsasabing wala tayong pinagdadaanang mga paghamon at mga pagyurak sa ganap at wagas na kaisahan bilang isang bayan.

May isa pa! Hindi pa ako tapos sa paglilista ng mga hilahil sa ating lipunan … at sa ating pinakamamahal na Simbahan. Alam nating lahat ito … may mga pinunong mandarambong lamang. May mga nasa poder na mapagsamantala lamang, mapanlinlang, mapaniil, at mapanlamang sa kapwa.

Masakit ang mga salitang binitawan ni Jeremias! “Parurusahan,” diumano, “ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan.” Nguni’t kung gaano kasakit ang kanyang mga kataga, ganoon rin naman, at higit pa, kung gaano naman katindi ang kanyang pangakong tigib ng malasakit at pagkalinga: “”Ako na ang magtitipon sa nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng pinagtapunan ko sa kanila.”

Halos 30 na taon na akong paring naglilingkod sa bayan ng Diyos. Sa nakaraang maraming taong ito, napagdaanan ko na ang lahat marahil. Naging matagumpay ako sa maraming ginawa ko; nguni’t marami rin akong pinagdaanang kabiguan. Natikman ko kung paano mahalin, igalang, at sundin ng maraming tao. Naranasan ko rin, kung paano ako laitin at tanggihan ng ilan. Sa biyaya ng Diyos, napagdaanan ko ang isang mayamang hanay ng mga karanasang nakatulong upang maging mabuti akong guro, predikador, manunulat, at tagapayo.

Bagama’t masasabi kong naging mabuti at masipag akong pari, alam kong marami rin akong naging kakulangan, o kasalanan sa Diyos, at sa kanyang bayan. Sabi nga nila, ang bawa’t santo ay may nakalipas, at ang bawa’t makasalanan ay may hinaharap.

Maging si San Pablo ay marami ring pinagdaanan. Naranasan niya rin ang hindi tanggapin, ang makulong, ang kamuhian dahil kay Kristo. Nguni’t sa araw na ito, nagpapasalamat siya sa Diyos sapagka’t pinagkasundo niya ang mga Judio at mga Hentil, at pinawi niya ang alitan na parang pader na nagpahiwalay sa mga tao.

May nakaraan si San Pablo – at may hinaharap na kanya nang inaako!

Nais kong isipin na ito ang magandang balitang maari nating pagyamanin ngayon.
Hayaan ninyong ipaliwanag ko …

Ayon sa ebanghelyo natin ngayon, ang mga disipulo ay abalang-abala sa pangangaral at pamumuno sa napakaraming taong lumalapit sa kanila. Dumating ang sandali na gusting-gusto nilang ikwento kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. Ang mahalagang salita ay “lahat.” Kung lahat ito, hindi malayong ilan sa mga kwento nila ay may kinalaman rin sa mga kabiguan, o sa mga bagay na matatawag nating mapait na karanasan. Hindi lahat marahil ay natuwa sa kanilang ginagawa.

Subali’t sa gitna ng pagkabalisang ito ng lahat, pati ng mga disipulo, iisa ang tugon ni Jesus sa kanila: “Magtungo kayo sa ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.”

Ito ang butihing pastol … hindi nabalisa sa lahat ng kwento ng mga disipulo … hindi napadala sa kanilang pagkabalisa, at sa posibleng kaguluhan ng isipan at damdamin. Bilang pastol, hinikayat niya sila … inakay at inihatid sa tamang landasin … hindi sa pagmamaktol … hindi sa dagdag pang pagkabalisa at kaguluhan ng isip, bagkus sa kapayapaang dulot ng panalangin at pagbubulay-bulay sa mga naganap sa kanilang buhay.

Hindi kaila sa inyo na kaming mga pastol at pari ninyo ay hindi ganap. Hindi perpekto. May mga kasalanan at kamalian rin kami. At marami rin kaming kapalpakan. Bilang pastol ninyo, kami may ay nangangailangan ng pagpapastol ng Diyos, sa katauhan ni Kristong Panginoon.

Sa mga sandaling naging palpak kami … sa mga sandaling naging masama kaming halimbawa, at mga pastol na walang malasakit sa kawan, humihingi kami ng patawad at pang-unawa. At sa sandaling ito, nais ko sanang magdaup-palad tayong lahat – mga pari at laiko – upang bilang iisang kawan ni Kristong butihing pastol, ay atin nang kuhanin at angkinin ang kanyang pangako sa atin, na siya nating dasal ngayong araw na ito … “Pastol ko’y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop!”

Pinagyaman ng Diyos mismo, at biniyayaan niya ng ganitong pangako, wala na tayong dapat ikabahala. May pagkakataon tayong magtungo sa ilang na lugar upang makapagnilay-nilay. Sa kabila ng mga kakulangan naming inyong mga pari at pastol, sa kabila ng marami naming kasalanan at kapalpakan, ito ang katotohanang lumulutang sa ating harapan sa araw na ito … hinding hindi na … kailanma’y hindi na tayo magdarahop!



No comments:

Post a Comment