Thursday, July 12, 2012

INUTUSANG MAGSALITA PARA SA KANYA


Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)
Julio 15, 2012

Mga Pagbasa: Amos 7:12-15 / Ef 1:3-14 / Mc 6: 7-13


May kasabihan tayo sa Tagalog na kapag gusto, maraming paraan, pero kapag ayaw, maraming dahilan. Kapag kursunada natin, mabilis pa tayo sa a las kwatro, ika nga. Kapag ayaw natin, mabagal pa tayo sa pagong.

Mahaba-haba na ring panahon akong namuno ng tao at nangasiwa ng mga gawaing nangangailangan ng maraming tao. Matagal-tagal na rin akong nagtuturo. Mula sa sarili kong karanasan at sa karanasan ko sa iba, palagay ko’y madaling maunawaan na mayroong taong napakadulas, parang si Palos, na napakagaling magpalusot. Anumang gusot ang kanilang pasukin, ay laging nakakakita ng palusot, ng paraan para makahulagpos o makaiwas sa kahihiyan. Marami silang naiisip na dahilan … maraming kadahilanan at pangangatwiran.

Noong nakaraang Linggo ay pinag-ukulan natin ng pansin si Amos at ang katotohanang kapag hindi ka kursunada ay hindi ka tatanggapin ng ibang tao. Pinag-usapan natin pati na rin ang pagtanggi ng tao sa aming mga pari. Nguni’t pinag-usapan rin natin ang pagtanggi natin sa Diyos at sa kanyang mga aral, tulad ng mga rebeldeng Israelita na nag-aklas laban sa Diyos.

Wala ni isa man sa ating lahat ang hindi nakaranas ng pagsiphayo o kawalang maluwag na pagtanggap ng kapwa. Lahat tayo ay mayroong paborito at lahat rin tayo ay mayroong ayaw na tao.

Ito ang mapait na karanasan ni Amos. Tinanggihan siya ni Amasias na nagsabi: “Bulaan kang propeta! Magbalik ka na sa Juda!”

Masasabi nating ito rin ang naging karanasan ni Pablo. Mula sa kanyang mga kwento rin natin napagtanto na tumangis rin siya sa kawalan ng pagtanggap mula sa kanyang mga pinagmalasakitan, na marahil ay naging sanhi kung bakit nagwika siya tungkol sa isang “tinik sa kanyang kalamnan” na nagpahirap sa kanya nang matagal.

Nguni’t ano nga ba ang mabuting balitang puede nating mapulot tungkol dito?

Sa aking pakiwari ay simple lamang. Tingnan natin ang sarili nating karanasan. Di ba’t kapag hindi tayo tinanggap ng iba ay nagtatampo tayo o nagagalit? Di ba’t tinatanggihan din natin sila? Di ba’t kumbaga ay nadidiskaril ang buhay natin dahil sa kawalang pagtanggap ng iba sa atin? Nasisira kumbaga ang ating diskarte?

Sa buhay ni Amos ay hindi ganito ang naging tugon niya. Sa pagtanggi ng iba, ay lalu namang namayani ang kanyang pagtanggap sa gusto ng Diyos. At sa masakit na pananalita ni Amasias, ay katotohanan lamang ang kanyang sinagot: “Hindi ako propeta – hndi koi to hanapbuhay. Ako’y pastol at nag-aalaga rin ng mga punong-igos. Ngunit inialis ako ng Panginoon sa gawaing iyon at inutusang magsalita para sa kanya.”

Sa buhay ni Pablo ay parehong pamamayani ang naging tugon niya. Sa halip na manghinawa, malungkot, magtampo at magtatambaw, ay ito ang kanyang ginawa. Sa harap ng panlalait, sa harap ng pagtanggi ng iba, sa harap ng paghihirap, ay nagbilang siya ng biyaya.

Oo … nagbilang siya ng dahilan upang magpasalamat at magpuri sa Diyos. Una, “pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espiritwal.” Ikalawa, “hinirang niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan.” Ikatlo, “itinalaga upang tayo ay maging anak niya.” Ika-apat, “tinubos tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan.” Ikalima, “binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran.” At ika-anim, “tayo’y naging bayan ng Diyos.”

Malimit ay ano ba ang binibilang natin? Ano ba ang nasa listahan natin? Di ba’t pawang negatibo? Di ba’t listahan ito ng mga maling nagawa ng ibang tao sa atin? Di ba’t malimit ay listahan ng mga “pagkakautang” ng iba sa atin?

Mayroon tayong puedeng gawin dito. Tulad ng salmista, tayo ay tinatawagan upang gawing sariling atin ang kanyang panalangin: “Pag-ibig mo’y ipakita; iligtas kami sa dusa.” Ito ang ating pag-asa. Ito ang hinihintay natin sa kanya. Ito ang tampulan ng ating pag-asa … “mga lingkod niya’y magiging payapa” … “ang pagtatapatan ay pag-iibiga’y magdadaup-palad; ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.” “Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay; ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam.”

Hindi ito mga hungkag na pangako. Ito ay katotohanang binigyang patotoo ni Amos at ni Pablo.

Simple lamang ang dapat natin gawin. Magbigay patotoo … mag-asal totoo … magpamalas sa mundo na tayo ay sugo, tayo ay pinagkatiwalaan, at bagama’t hindi tayo tinatanggap ng ilan, ay nasa panig natin ang Diyos at ang kanyang katotohanan. Mabuhay ang lahat ng mga sugo ng Diyos, pari man o laiko, na patuloy na nagpapagal at nagtitiyaga, meron mang pagtanggap, o puno man ng pagtanggi.

No comments:

Post a Comment