BANAL NA SANTATLO
Hunyo 3, 2012
Pahirapan na naman sa pagpapaliwanag sa araw na ito. May mga
bagay sa buhay na wala yatang sapat na kapaliwanagan. Anu man ang gawin mo, anu
man ang hagilapin mo, at paano mo man pag-ikot-ikutin ang katotohanan, ang
lubusang kapaliwanagan at walang pag-aalinlangang paglilinaw ay hindi yata
makakamit.
Puno ng kabalintunaan ang buhay natin. Puno rin ng hiwaga,
tigib ng kawalang katiyakan at kasiguraduhan.
Sa pananampalataya natin, puspos
rin ng misteryo at marami ring hiwaga.
Ang kapistahan natin sa araw na ito ay isa sa mga hiwagang
ito. Hindi na para sa atin ang pagsikapang lubos na arukin, at tahasang tiyakin
ang puno at dulo ng lahat ng ito.
Subali’t hindi como hiwaga o misteryo ay hindi na
karapat-dapat lapatan ng paniniwala at pananampalataya. Sa buhay natin, marami
tayong pinaniniwalaan kahit hindi natin lubos na nauunawaan. Hindi natin lubos
na naiintindihan ang sakit na kanser pero alam natin na ito ay isang palaisipan
sa buhay, na tinatanggap natin bilang isang mapait na katotohanan. Hindi natin
lubos na matanggap ang maraming mga nagaganap sa ating lipunan, ang mga
pinaggagawa ng mga namumuno sa atin, subali’t patuloy pa rin tayong nagtitiwala
sa sistema political ng kalupaan. Hindi natin alam kung paano talaga
nakapagpapainog ng mundo ang siyensiya ng kuryente, liban sa pag-aalsa ng mga
electrons, nguni’t wala tayong sapat na salita upang talagang bigyang liwanag
kung bakit nag-iilaw ang bombilya at umaandar ang mga makina. Kulang ang
katagang makatao upang bigyang hustisya ang maraming bagay sa mundong ibabaw.
Tatapatin ko kayo. Hirap akong ipaliwanag itong misteryo ng
Banal na Santatlo.
At bakit hindi? Ang Bibliya mismo ay hindi nagpapaliwanag
nito. Ang Bibliya ay nagpahayag lamang ng isang katotohanan at ipinaloob ito sa
takbo ng kasaysayan ng kaligtasan. Nagpakilala ang Diyos, bilang Manlilikha,
Manunubos, at Espiritung nagpapabanal. Namulat, ika nga, tayo sa katotohanang
ang unang nagmahal ang Diyos, ay nagsugo sa kanyang pinakamamahal na Anak, si
Jesucristo. At alam rin natin na ang Ama at ang Anak, ay nagsugo ng pag-ibig,
ang espiritu ng pag-ibig na nananahan sa katawan natin bilang kanyang templo,
at nananahan sa kanyang Iglesya, upang patuloy na maghatid sa atin sa kabanalan
at pakikipagniig sa Diyos.
Sa madaling salita, walang malalim na tesis ang ibinigay ng
Banal na Kasulatan, liban sa isang Diyos na gumawa, Diyos na gumanap, Diyos na
nagpamalas ng pag-ibig, sa pamamagitan ng Anak, at Diyos na nagsugo sa Espiritu
ng pag-ibig na bunga rin ng pagmamahalan ng Ama at ng Anak.
Hindi isang tesis ang patunay tungkol sa iisang Diyos na may
tatlong Persona. Hindi isang makapal na
aklat, kundi isang kasaysayang puno ng Kanyang gawa, puno ng kanyang pananatili
at pagpapahayag ng sarili.
At ito ang kanyang gawa .. pakinggan natin muli kay Moises
...
Ano ang kanyang sabi? Sino? Sino? Parang si Igan at si Mike
Enriquez na nagsisimula sa kanilang “blind item.” Pero hindi ito blind item.
Sino ang nakakita nang higit pa sa ipinamalas ng Diyos? “Sinong Diyos ang
naglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa
pamamagitan ng pakikipagsubukan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan,
at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa ng Panginoon sa Egipto?”
Vamos a ver! Sino nga ba?
Hindi lamang ito! Ano ang nangyari sa atin? Mula sa isang
lahing alipin, tayo ay naging kapiling at kagupiling ng Diyos. Nabahagi tayo sa
kanyang buhay. Nakasali tayo sa kanyang pamamatnubay, hindi bilang hari, kundi
bilang Panginoon at Ama. “Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay
mga anak ng Diyos.
Pero ang tanong ngayon ay ito! Ano ang gagawin natin? Ano
ang isusukli natin sa kaloob na ito? Matapos siya magpakilala sa kasaysayan at
gumawa ng kababalaghan sa kasaysayan, ano ba ang dapat nating gawin? Saan ba
natin ilulugar ang sarili sa harap ng kasaganaang ito?
Huwag na tayo magpatumpik-tumpik pa. Ang bawat kaloob ay may
pananagutang kalakip. Ang bawat regalo ay may responsibilidad. Ano ba iyon?
“Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng
bansa.” Sino? Sino ba siyang nagbibigay sa atin ng kautusang ito?
Wala nang iba. Walan nang ibang Diyos. Tanging Siya at wala
nang dapat hanapin pa. Siya. Diyos. Ama. Anak. Espiritu Santo. Iisa. Tatlong
Persona, ang Banal na Santatlo!
Tai, Mangilao, GUAM
Mayo 31, 2012
No comments:
Post a Comment