Thursday, June 7, 2012

LAHAT NG INIUTOS AMING SUSUNDIN!

Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo(B)
Junio 10, 2012

Mga Pagbasa: Exo 24:3-8 / Hebreo 9:11-15 / Mc 14:12-16. 22-26

LAHAT NG INIUTOS, AMING SUSUNDIN!

Lahat tayong nagdaan sa pagka bata ay hindi makatatanggi dito … Sino sa atin ang hindi sumuway sa utos ng magulang? Sino sa atin ang hindi nagpatumpik-tumpik bago tuluyang tumalima sa pangaral ng nakatatanda? Ako ang unang-unang hindi tatanggi.

Noong kami mga bata, ang TV ay de susi. May pintong maliit na pinadudulas, tapos ay may maliit na trangka, na sinususian ng magulang namin kapag sila ay aalis, para kami ay hindi maghapong tumangla sa TV na black and white lang naman. Hindi nagtagal at nadiskubre namin na ang susi ay parang susing pambahay-bahayan … kayang tungkabin kahit ng isang paper clip, o nail file na nakakabit sa nail cutter. Alam nyo na ang kasunod nito. Nanatiling nakasusi ang TV habang sila ay naroon pa. At pagka-alis nila ay tuloy ang aming ligaya … hanggang sa programa ni Oscar Obligacion na “Oras ng Ligaya.”

Bago sila umalis, marami silang utos. Linisin aniya ito … bunutin aniya ang sahig … lampasuhin ang pasimano … hugasan ang mga pinggan. Ang sagot naming? Opo! Pero natupad ba? Hindi. Walang kaibahan ang lahat sa utos sa amin na maligo. Oo … ligong uwak, ika nga. Mabilis pa sa lagaslas ng tubig, sapagka’t ang pakay naming ay walang iba kundi maglibang at maglaro.

Kwento ito ng lahat ng tao. Kwento rin ito ng bayan ng Diyos … salawahan … pasaway … hindi lubusang sumusunod sa mga kautusan ng Diyos.

Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito, ayon sa kasaysayan ng kaligtasan, hindi kailanman nanghinawa ang Diyos. Hindi siya napadala sa pagkagalit at kakapusan ng pasensiya sa taong salawahan at taksil. Ito ang buod ng lahat ng pag-asa sa araw na ito, na pawang tinutumbok ang diwa ng dugong nabuhos, naialay, at ipinagkaloob bilang tanda at patunay ng kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao.

Ang unang pagbasa ay ang maigting na kasunduan sa pamamagitan ni Moises … Pinamili ni Moises ang kanyang bayan. At sa siping ito, mula sa aklat ng Exodo, ay nakita natin ang matibay na pangako ng bayan ng Diyos – pangakong may dalawang bahagi, may dalawang aspeto, may dalawang nilalaman: tinatanggap naming ang lahat, at nangangako kaming gagawin namin ang lahat, ayon sa kanyang ipinag-utos. “Lahat ng iniutos ng Panginoon ay susundin namin.”

Sa panahon natin, napaka-makapili tayo kumbaga. Pinipili natin ang susundin natin. Pinipili natin ang siyang pagkakalooban natin ng pagtitiwala at pagtalima. Maging ang pananampalataya natin ay tasado, may bakod, ika nga, at tinatanggap lamang natin ang angkop sa kagustuhan natin, at ang ayaw natin ay bagkus iwinawaksi at sinisiphayo. Para tayong namimili ng pagkain sa cafeteria. Kung ayaw natin ng utos tungkol sa pagpapahalaga sa buhay, ay di natin tinatanggap.

Di kaila sa marami sa inyo, na may isang grupong ang tawag nila sa sarili ay CATHOLICS FOR RH. Sila raw ay katoliko, pero sinisiphayo nila ang turo ng Inang Simbahan tungkol sa pagpapahalaga at paggalang sa inosenteng buhay. Pinili lamang nila ang gusto nilang paniwalaan at ang hindi akma sa kanilang isipan ay masugid nilang kinokondena.

Sa maraming pagkakataon, para pa rin tayong mga batang sumagot sa magulang na “Opo, bubunutin namin ang sahig” nguni’t kapagdaka’y babalik lamang sa maghapong panonood ng cartoons na paulit-ulit naman lamang. Nangako nguni’t napako ang pangako sa pagkasalawahan at pagka taksil.

Mahirap tanggapin ang pangaral tungkol sa pagkain ng katawan at dugo ng Panginoon. Pati mga disipulo niya ay nagulumihanan sa simula. Pati sila ay nagnais ding iwanan siya sa ilang, sapagka’t mahirap unawain, at lalung mahirap tanggapin, na dapat silang kumain ng kanyang laman at uminom ng kanyang dugo.

Subali’t hindi na dugo ng korderong inialay sa sakripisyo sa altar ang pinag-uusapan dito, kundi ang dugo niyang bagong korderong naghugas at nagpadalisay sa kanyang mga tagsunod.

Napakayaman ang mga pagbasa ngayon, at napakahirap piliin kung alin ba ang bibigyang diin sa homiliya. Sa araw na ito, hayaan nyong ito lang muna ang ating balangkasin … ang pagtanggap nang buo at ganap, at ang kaakibat nitong pagtupad sa tinanggap. Dalawang aspeto ang tugon ng mga Israelita. “Lahat ng utos ay aming tanggap.” Pero mayroon pang isa … Lahat ng ito ay aming gagawin.

Hindi lamang ito nakukuha sa dada. Hindi lamang ito isang hungkag na kataga, kundi salitang nagkakadiwa, nagiging totoo at ginagawa. Huwag tayong tumulad sa mga tampalasang politico na hanggang campanya lamang ang mga pangako. Maging makatotoo sana tayong lahat… “Lahat ng kanyang iniutos ay aming gagawin, aming tutupdin.!

Magkabunga nawa ang komunyon na ating pagsasalu-saluhan ngayong araw na ito.

Lopez Farm, Barangay Sabang
Naic, Cavite
June 7, 2012

No comments:

Post a Comment