Thursday, May 10, 2012

MANATILI. MANAGANA. MAMAYAPA!


Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay(B)
Mayo 13, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 10:25-26.34-35.44-48 / 1 Jn 4:7-10 / Jn 15:9-17



Isang mapagpala at mapitagang pagbati sa aking mga tagabasa sa malapit at sa malayo. Isang kabatirang nakatataba ng puso ay ang kaalamang ito ay binabasa ng mga kapanalig na matatagpuan sa malalapit at malalayong lugar sa buong daigdig, gaya ng mga natatanggap kong mga paramdam mula sa inyo. Di man marami, sapat na ito upang pagsikapan kong ipagpatuloy ang pagsusulat nito kahit may mga pagkakataong tila wala akong makitang panahon o kakayahang pangatawanan ito tuwing darating ang Linggo.

Sa mga kapanalig kong nasa malalayong lugar ito naka-alay, yamang ang babanggitin ko ay may kinalaman sa kanilang paglisan, pangingibang-bayan, o paglayo sa mga mahal sa buhay at lupang sinilangan.

Alam kong bagama’t puno ang bulsa ninyo, salat naman ang inyong puso. Mahirap ang mapalayo sa mahal na pamilya. Mahirap ang magmahal nang ang namamagitan ay libo-libong milya at walang katapusang lipad sa eroplano, na hindi naman magagawa nang karaka-raka, kapag nasintahan.

Mahirap ang magmahal nang nasa malayo. Sa aking buong pagkapari, patung-patong ang mga malulungkot at mapapait na kwento ng pamilyang nawawasak dahil sa malayong pagmamahalan.  Alam nating lahat ito … hindi makukuha sa pa text-text ang pagbuo ng isang nagkakaniig na pamilya. Hindi kaya ito ang patawag-tawag sa telepono lamang, kahit mahigit isang oras mo pang tanungin at kumustahin ang iyong mahal sa buhay. Hindi rin ito makukuha sa Skype, o Facetime, Yahoo instant messaging, gaano man ka hi-tech o ka-mahal ang iyong 4G cellphone o iPad, o android na smart phone.

Ang pag-ibig ay hindi makukuha sa pa-rega-regalo lamang, kundi sa pananatili o pagkakaloob, o pagpapalagayang-loob.

Tingnan natin kung ano ang saad ng mga pagbasa sa araw na ito.

Sa unang pagbasa, nakita natin na ang pag-ibig ng Diyos ay walang balakid, walang harang, walang anumang maaaring humadlang. Para sa Diyos, walang espesyal, walang natatangi, walang sinumang hindi kayang marating ng Kaniyang biyaya. Pati si Cornelio, na isang pagano, at ang kanyang buong sambahayan, ay nasilayan ng matinding init ng pag-ibig ng Diyos. Dinggin natin ito mismo kay Pedro: “Walang itinatangi ang Diyos … Sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa.”

Sa buhay natin, wag ka lamang lumayo ng ilang daang milya, ay magkaka problema ka na. Malayo sa tingin, malayo ka rin sa pagtingin, at lalung malayo sa pagturing. (Out of sight, out of mind!). Hindi madali ang panatiliin ang pakikipag niig kung hanggang Skype o cellphone ka lamang. Sa mundong ibabaw, maraming balakid, maraming hadlang, at maraming nagpapahiwalay sa isa’t isa. Hindi lingid sa atin, na ang panahon ay isang lambong na nagpapahina sa pagmamahalan. Kita natin ito maski sa mga showbiz personalities. Ang mga dating magkakapatid na nagmamahalan, ay nagiging matalik na magkaaway paglipas ng panahon. Mga magkakasama sa tinatawag nilang “industriya” ay di miminsang nagdedemandahan, naggigirian, at nagtutungayaw sa harap ng camera. Mayroon pang nagsusuntukan sa harap ng marami at ng buong bansa!

Kay raming balakid … kay raming hadlang!

Kailangan natin makarinig ng magandang balita tungkol sa pag-ibig na hindi nagmamaliw, pag-ibig na hindi nasasapawan ng bagay na material, at hindi nalulukuban ng labis na pagpapahalaga sa sariling kapakanan.

Narito ang balitang ito! Hatid ni Jesus, na siyang kumatawan sa pag-ibig ng Diyos Ama.

Ang pag-ibig na ito ay hindi isang kathang-isip o isang pakagat lamang sa mass media. Hindi ito isang kuryente na ang pakay ay makapanlinlang ng maraming tao. Hindi ito isang press o praise release na ang gusto ay pabanguhin o pabahuin ang sinuman.

Ito ang pawang katotohanan! Alin? Na ang panawagan sa ating ay mag-ibigan tayo, “sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig!”

Ano raw? Anong pag-ibig? Heto … agape … hindi eros at hindi philia, na parehong nanghihinawa, nagsasawa, at naglalaho. Ang philia, na kaakibat ng pag-ibig ng magkakapatid at mag-iina ay naglalaho. Ilang mga artista at mga pulitiko ang nag-aaway sa ngalan ng katanyagan at kapangyarihan? Ilang mga dati-rati ay ubod ng gwapo at ganda, na ngayong kulubot at matanda na ay laos na, hindi na tanyag, at hindi na kaibig-ibig?

Ilang mga kwento ng mga taong nagmamahalan, ngunit pagdating sa Saudi ay nakakita na ng iba, sapagkat, hindi nga ito makukuha sa pa text text, kundi sa pagiging malapit sa isa’t isa?

Kailangan ko ring makarinig ng magandang balitang ito tungkol sa pag-ibig na hindi nagmamaliw, hindi natatabunan ng bagay na material, at hindi nalulukuban ng alapaap ng kalayuan. Sa mga panahong ito, hindi ko pa rin maubos maisip na pati mga taong pinagmalasakitan mo at pinagbuhusan ng lahat ng kaya mo ay babaligtad at mag-iisip ng masama sa iyo, tulad nang nangyari sa akin kung saan tatlong taon ako nagpagal at nagpakahirap! Madaling maglaho ang eros. Madaling matunaw ang philia, at madaling bumaligtad ang taong walang tunay na maka-Diyos na pag-ibig.

Iisa ang nais kong tumbukin sa mga katagang ito. Mayroong tunay at wagas na pag-ibig. Hindi nagmamaliw. Hindi naglalaho. At higit sa lahat, hindi nawawala dahil lamang sa distansya. Ito ang pag-ibig ng Diyos. “Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang Kanyang anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.”

At sapagkat ito ang tunay, may dapat tayong gawin, ayon kay Jesus. Manatili. Managana. At mamayapa sa Kanya. Manatiling malapit sa Kanyang puso, sa kanyang piling … “Manatili kayo sa aking pag-ibig.” Tanging Siya. Walang nang iba. Wala nang higit pa!

No comments:

Post a Comment