PAG-AKYAT NG PANGINOON SA LANGIT (B)
Mayo 20, 2012
Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Ef 1:17-23 / Mc 16:15-20
Luwalhati at kagalakan ang diwa ng araw na ito. Pagpupugay
at mapitagang pagsamba ang kaakibat nito. At bakit hindi? Kapag ang pangako ay
hindi napako sa kawalan o kabulaanan, bagkus naganap at natupad, di ba’t
pagdiriwang ang dapat isalubong dito?
Bihasa tayong lahat na mangako. Bata pa tayo, kapag
inuutusan ng magulang, iisang bagay ang sagot natin tuwina … “Opo, gagawin ko
po.” “Magbunot ka na ng sahig,” ang utos sa atin noong wala pang mga polisher
na de kuryente. “Opo, mamaya-maya po.” Nang tayo ay medyo tumanda, iba namang
pangako, pero pangako pa rin ang malimit nating marinig … mula sa mga politico.
Noong araw, mayroong panggulong kandidato sa pagka pangulo (Racuyal ba yon?)
ang nangakong gagawing plastic ang lahat ng daan sa Pilipinas. Ngayon, iba na
ang pangako ng mga politico … bibigyan daw sila ng lupang matitirikan ng bahay sa Kamaynilaan … basta ba’t dumami ang
mga botante sa lugar nila.
Alam natin kung gaano kahirap ang mangako, lalu na sa mga
bata. Kapag nangako ka sa isang bata, hindi nila nalilimutan iyon, kahit na
magbilang sila ng tulog, at para sa kanila ang 2 araw ay katumbas ng dalawang
taong paghihintay. Ilang pangako ang narinig mo sa magulang mo noong ika’y
batang paslit?
Nais kong ikwento sa inyo ang isa kong karanasan sa
pangakong ito. Noong ako ay humigit-kumulang 4 na taon, pinangakuan ako ng
aking ama na dadalhin sa sirko (circus) noong panahong ang mga sirko ay
dumadayo na dala ang malaking telon o tolda kung saan ginagawa ang mga
pakitang-gilas. Sabik sa sabik ako … hintay na hintay, at tuwang-tuwa sa
pangako.
Hindi naganap ito … hindi natupad. O kita nyo? Hanggang
ngayon, natatandaan ko pa, di ba? Ito ang kasamaan sa pangakong napapako …
pangakong walang tuldok, walang wakas, liban sa isang markang patanong …
“Kailan pa?”
Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem noong Linggo ng Palaspas,
nagdiwang ang tao, nagsaya at nagsayaw pa siguro ng Caracol, habang inilatag
ang lahat nilang balabal at mga palaspas. Ipinagbunyi siya. Itinanghal. Parang
hari. Parang marangal na pinuno, at matapang na general, na magpapakitang-gilas
laban sa mga Romano at lahat ng tagapag-usig ng bayang Israel.
Pero hindi ito ang kanyang pangako. Hindi ito ang kanyang
pakay. Mahirap yata ang nagdidiwang sa hindi mo naman pala piyesta o kaarawan.
Mahirap yata ang nagbubunyi para sa isang bagay na hindi mo naman dapat
ipagbunyi.
Dito nagkamali ang mga Israelita. Maling akala! Akala nila’y
haring military si Jesus. Akala nila’y magtatangan siya ng setro at ng sandata,
para habuling palabas ang mga tampalasang nagpapahirap sa kanila. Sa kanilang
pagkakamali sa una, nadagdagan pa ng isa pang mali …
At narito ang trahedya … Matapos sumigaw ng “hosanna,” ay di
lumipas ang maraming araw at sila naman ay palahaw nang humiyaw ng “ipako sa
krus!”
Ang akala nilang pangako ay biglang napako, biglang naglaho.
Ang inaasahan nilang manlulupig at manliligtas ay pala naman ay isang maamong
korderong hindi makapatay-langaw, sapagka’t ito nga ang kanyang pangako …
kakaiba … walang katulad … walang kapantay … walang katumbas!
Iba pala ang ciudad na kanyang papasukin nang maluwalhati …
hindi ang lungsod ng mga makamundo at makapangyarihan at mayaman … hindi ang
lungsod ng mga nagkakamal ng naaagnas na mga katangian.
Sa araw na ito, isa na namang pagpasok ang pinagninilayan
natin – ang kanyang pagpasok, hindi sa isang ciudad na ang ngalan ay Jerusalem,
kundi isang ciudad na makalangit na kung tawagin ng aklat ng pangako, ang Banal
na Kasulatan, ay makalangit na Jerusalem!
At bakit hindi? Ito ang pahayag ng mga pagbasa ngayon … ang
pag-akyat ni Jesus sa langit, upang maging Hari, hindi ng Israel, kundi ng
bayan ng Diyos, na higit pa sa isang kaharian. Mayroon pa ring nagkamali….
Mayroon pa ring medyo naguluhan at nagtanong: “Panginoon, itatatag na ba
ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Nguni’t ano ang naganap? “Pagkasabi nito,
siya’y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya.”
Mayroon ka bang pangakong hinihintay? Ako rin … pero kakaiba
na itong pangako. Hindi na sirko at ang panonood ng nagliliparang mga sirkero
sa tolda. Hindi na ang pagkakataong sumigaw ng “hosanna” na kapagdaka’y
mapapalitan ng “ipako sa krus.” Hindi na makamundong Jerusalem ang
pinag-uusapan dito, bagkus ang makalangit na Jerusalem, kung saan siya ay
maluluklok, at kung saan siya ay maghahari magpakailanman.
Isang mungkahi lamang mula sa isang hindi isinilang kahapon
… Huwag kayon sanang magpapaniwala sa mga pangako ng mga hunghang. Wag kayo
masyado mapadala sa mga matatamis na pananalita ng mga sinungaling na may hawak
ng mass media. Huwag kayo masyado madaling mapa-anod sa agos ng kalakarang
hindi maka-diyos at sa halip ay makasarili.
Sundan natin Siya na nangako. Tumpak … pero ang pangako niya
ay hindi isa lamang sakong bigas, hindi isang lote na titirikan ng kubo, hindi
mga senior citizen card, para libre sa sine at libreng bulaklak sa araw ng
birthday … mga mabababaw na pangako.
Sundan natin Siya na nangako … “Ako ang Daan, Katotohanan,
at ang Buhay.” At ang kanyang pangako ay hindi napako. Ginawa niya iyon.
Nagdusa. Namatay. At umakyat sa langit!
Siya ang tunay na modelo ng Pangako at Katuparan! Saan ka
pa? E di kay Jesus na!
No comments:
Post a Comment