Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay (B)
Mayo 5, 2012
Mga Pagbasa: Gawa 9:26-31 / 1 Jn 3:18-24 / Jn 15:4a-5b
Isa sa mga natutunan ko sa paghahalaman ay ang tinatawag
namin sa Mendez, Cavite na “pagsusuloy.” Noong araw na maganda pa, ika nga, ang
kita sa kape, walang sinumang makaaasang mag-ani nang maraming kape kung hindi
sinusuluyan ang mga puno. Walang iba ito kundi ang pagpuputol sa mga suloy na
kumakain lamang ng tubig at sustansiya ng lupa na hindi naman namumunga sa huli.
Para makapamunga nang marami ang puno, dapat tanggalin ang mga suloy sa
tagiliran ng puno at panatiliin lamang ang mga matatandang sanga upang sila ang
mamulaklak at mamunga.
Isang kabaligtaran mang palaisipan ito, nguni’t ito ang
totoo. Ang tunay na sanga lamang ang siyang nagbibigay ng tapat na bunga. Ang
lahat ng mga palsong mga sanga, na sumisipsip lamang ng tubig at pataba, ay
panay dahon lamang ang alay … walang bunga!
Mahaba-haba na rin ang nilakbay natin sa panahon ng
Pagkabuhay. Sa Linggo ng Pagkabuhay, ang pinagnilayan natin ay walang iba kundi
ang katotohanan ng kanyang muling pagbangon mula sa kamatayan. Sa ikalawang
Linggo, pinagnilayan natin ang pananatili sa piling natin ng Panginoong muling
nabuhay. Sa ikatlong Linggo, ay ginunita naman natin kung paano ang pahayag na
pagkabuhay ay naiparinig at naipa-alam sa balana. Noon namang isang Linggo ay
napagtanto natin kung ano ang bunga ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesus – walang
iba kundi ang kaligtasan ng sangkatauhan!
Sa araw na ito, ikalimang Linggo, ang atin namang hinaharap
ay kung ano ang ibinunga ng kaligtasang ito, at kung paano nagsimula at
nagkatotoo ang kaligtasan – ang bunga ng isang pamayanang nagkakaisa,
nagkakahugpong, at namumunga dahil mismo sa kaisahang ito sa Panginoong muling
nabuhay.
Napakadaling makita ang katotohanang ito sa kalikasan.
Walang kaduda-duda, liban lamang kung ang sinuman sa aking tagabasa ay hindi
nakapagtanim sa tanang buhay nila. Kahit sa simpleng kamote lamang o kangkong
ay madaling mapatunayan ang sinasabi ng Panginoon. Putulin mo ang isang sanga,
at kapagdaka’y malalanta, mamamatay. Tagpasin mo ang isang bahagi ng gumagapang
na kamote o kalabasa ay ito ay hindi magtatagal, di maglalaon ay matutuyot at
malalanta.
Hindi rin mahirap ilipat ang larawang ito sa ating
pakikibahagi sa isang samahan. Kapag ang isang kasapi ay humiwalay o tumiwalag,
mahirap ang panatiliing nakatayo ang anumang ginagawa natin. Nakita natin ito
nang paulit-ulit sa buhay natin. Kay raming mga samahan ang nagsimula nang
maganda at maayos, hanggang sa sagian o dapuan ng inggit o galit. Pag ito ay
hindi nasawata, nanganganak ang mga samahan, nagkakawatak-watak, at ang
nangyayari ay matira ang matibay. Ang dating iisang samahan na iisa ang pakay
at layunin ay nagiging dalawang pareho ang layunin. Ang dating nagkakaisa sa
iisang mithiin ay nagiging magkaribal sa parehong naisin, at nagiging
magkalaban sa iisang larangan o balakin. Di maglalaon ang dalawang samahan ay
namamatay nang dahan-dahan, o parehong naglalaho sa sirkulasyon.
Marami nang liksyon o
aral ang kasaysayan tungkol dito. Pati ang simbahang itinatag ni Kristo ay
naging biktima ng parehong pagkakawatak-watak, at ang lahat ng tumiwalag mula
sa iisang Iglesyang itinatag ng Diyos ay nagkawatak-watak pa rin, at
nahati-hati sa marami pang ibang pulutong o pangkat-pangkat.
Para sa akin, napakalinaw ang aral ng ebanghelyo sa araw na
ito. Kinakailangan nating manatiling nakakabit o nakahugpong sa iisang puno,
kung tayo ay mamumunga nang marami. Hindi tayo puedeng mag-asal na tulad ni Lone
Ranger, na may kanyang sariling mithiin at pakay sa buhay.
Subali’t hind lamang pananatili ang dapat natin gawin. Dapat
din ay makatotohanan ang ating pananatili. Dapat rin na tayo ay naka-hugpong sa
tunay na puno, upang ang bunga natin ay marami at tapat, kaaya-aya at
kapaki-pakinabang.
Madali rin ito makita sa pagtatanim o pag-aalaga ng halaman.
Kung minsan, ang tanim na kamote ay nahahaluan ng ibang binhi. Ang bunga na
galing sa tunay na puno at tunay na binhi ay magaganda, mayayabong at
kaaya-aya. Nguni’t ang galing sa hindi tunay na puno ay lumalabas na bukbukin,
maraming pecas ang bunga, at hindi matamis, o kung minsan ay may halong pait.
Ang kamoteng bukbukin ay hindi nabibili, at walang silbi kundi pakain sa baboy.
Kung minsan, ang tunay na puno ay dapat rin linisin. Dapat
tanggalin ang mga suloy na hindi bahagi ng tunay na puno, at lalong hindi
nagbubunga nang tapat at kaaya-aya. Ito ang dapat suluyin, dapat tabasin, at
dapat putulin. Ayon mismo kay Kristo, “pinuputol niya ang mga sangang hindi
namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga
upang lalong dumami ang bunga.”
Sa panahon natin, hirap ang hindi bahagi ng isang malaking
kompanya. Hirap ang anumang komersyo na hindi kaugat ng malalaki o dambuhalang
mga multinationals. Sa buhay natin bilang kristiyano, hindi tayo maaring
nag-sosolo, nag-iisa at walang koneksyon kaninuman. Higit sa lahat, kailangan
nating manatili kay Kristo, siyang tunay na puno, kung gusto nating gumawa ng
tapat na bunga.
No comments:
Post a Comment