Ikalawang Linggo ng Kwaresma (B)
Marso 4, 2012
Matindi ang pinagdaanan ni Abraham. Hindi lamang siya binulabog ng Diyos at hinilang palabas ng Ur, ang sarili niyang bayan. Ngayon, matapos siyang lumisan sa bayang sinilangan, higit pang pagsubok ang ibinigay sa kanya. Umakyat daw siya dapat sa Moria, akay-akay ang tanging anak na si Isaac, na nakatadhanang iaalay niya bilang isang susunuging sakripisyo sa tuktok ng bundok.
Umakyat! … Ito ang larawan ng buhay natin saanman at kailanman … laging pasaka, ayon sa mga Bisaya, laging paahon ayon sa mga Tagalog … laging puno ng pagsubok at isang landasing hindi nawawalan ng balakid at hilahil. Subali’t ayon sa kwento mula sa Genesis, isang bendisyon, isang mataginting na pagpapala ang tinanggap ni Abraham: “Yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita!”
Nguni’t matanong natin … ano ba ang batayan ng ganoong saganang pagpapala? Hayaan natin ang pagbasa mismo ang sumagot … iisa ang dahilan … “sapagka’t ikaw ay tumalima sa akin!”
Noong ako ay batang pari, ayaw kong mapunta sa seminaryo. Sa aming pakiwari noon at ngayon, walang masyadong “buhay” sa seminaryo … walang kulay kumbaga, walang gimik … walang excitement. Pero duon ako napunta matapos ma-ordinahan. Matapos ang tatlong taon, nakatikim ako ng apat na taon sa isang malaking eskwela. Makulay at puno ng iba-ibang gawain sa eskwela. Dito ko sinimulan ang isang grupo ng mountaineers, at maraming bundok ang aming naakyat, kasama ang bigong pagsisikap na marating ang tuktok ng Apo, kung kailan kami ay hinarang ng isang grupong armado, at ako ay kasama sa nabihag ng ilang araw.
Nang ako ay ipadala sa Roma upang mag-aral muli, mabigat ang katawan kong umalis. Masaya ako duon at ayaw ko sanang iwanan ang aking ginagawa. Nguni’t bago ko matapos nang lubusan ang pag-aaral na magdudulot sana ng dagdag na tatlong letra sa aking ngalan, pinauwi naman ako at binigyan ng isang bagong gawain … Saan? Balik seminaryo – bagay na ayaw ko nang gawin pa. Ngunit sa kabila ng aking pagsusumamo, nangyari ang ayaw ko. Sumunod ako … tumalima, mabigat man at katawan at kalooban.
Nguni’t matapos ang sampung taon, nang ako ay muling dapat lumipat, mabigat na naman ang kalooban at katawan. Napamahal na ako sa ginagawa ko, ang hirap na naman akong sumunod. Hindi maipagkakailang ang aking pagsunod at nagbunga ng sari-saring pagpapala. Nagbunga nang marami ang aking pananatili sa lugar na sa simula ay ayaw ko. May bendisyong naghihintay sa sinumang handang sumunod at tumalima.
Ang ebanghelyo ay mayroon ring dulot na diwa ng pag-akyat. Sa pagkakataong ito, tatlong disipulo ang isinama ni Jesus sa bundok ng Tabor, kung saan siya nagbagong-anyo at naging busilak sa harapan ng mga disipulo.
Maraming angking aral ang pangyayaring ito. Isa sa mga aral na ito ang katotohanang “hindi tayo nag-iisa.” Oo, mahirap ang buhay saanman at kailanman. Tanging ang mga nagbubulaan lamang sa sarili ang makatatanggi rito. Ang buhay ay parang isang walang hanggang pag-akyat sa isang bundok. Isa itong walang katapusang pakikibaka at pakikisalamuha sa mga usaping walang tahasang sagot at walang tiyak na katugunan.
Ngayon pa man, binabagabag na tayo ng kawalang kaisahan. Ngayon pa man, hati-hati tayo sa maraming usapin sa lipunan. Nagbabangay-bangay tayo sa maraming isyu, at tila walang sinuman ang kayang bigyang malinaw na tugon ang mga ito. Tulad halimbawa ng giyera sa pagitan ng mga nagsusulong ng pagmimina sa bayan natin. Sabi nila, ito raw ang tugon sa kahirapan. Ngunit sabi naman ng kabila, na kinabibilangan ko, tugon ito sa kahirapan ngayon at dito lamang, pansamantala lamang ika nga. Bukas at makalawa, ay mas masahol na kahirapan ang darating sa atin … kung kailan ubos na ang bundok, at wasak na ang kalikasan, at ubos na pati ang miminahin. Ano ba kayang malinaw na kasagutan ang matutunghayan natin?
Sa pagkakataong ito, mas gusto na natin ang manatili sa isang panaginip … ang mamihasa sa pagtigil sa sarili nating comfort zone o magandang kalalagayan. Ayaw na natin umalis kung maalwan ang katawan, tulad ng tatlong disipulo na nagmungkahing gumawa na lamang doon ng tatlong tolda.
Nguni’t hindi iyon ang utos ni Jesus. Umakyat nga sila at nagbagong anyo pa siya. Nguni’t hindi nila tadhanang manatili sa lugar na nalalambungan ng alapaap ng pahapyaw at di nagtatagal na panagimpan. May gawaing naghihintay sa kanila. Kailangan nilang bumaba mula sa bundok at magpagal upang maganap ang kabuuan ng balakin ng Diyos.
Kailangan rin nating bumaba sa matatayog nating mga pangarap. Kailangan natin ng tapang at kabatiran na “kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin?” Kailangan natin ng tapang na nagmumula sa kaalamang ang sinumang tumalima sa Diyos ay pagkakalooban Niya ng pagpapala, tulad nang pinagpala Niya si Abraham, na handang ipagkaloob pati bugtong na anak bilang isang susunuging alay.
Umakyat tayo sa piling ng Diyos. Maghanda rin tayong magbago kasama Niya. Nguni’t huwag kalimutang bumalik sa pinagmulan, at manaog sa katotohanan. Matapos umakyat at magbago, ay dapat rin tayong bumalik at magpanibago … dito sa lupang bayang kahapis-hapis, upang makamit natin ang tunay na buhay sa langit na tunay nating tadhana at tahanan!
No comments:
Post a Comment