Ika-apat na Linggo ng Kwaresma (B)
Marso 18, 2012
Sinusulat ko ito habang nagbibigay ng mga pagsubok sa isang grupo ng seminarista sa Canlubang – pag-asa ng kinabukasan, pangako ng panibagong buhay, at pahimakas ng isang bagong hinaharap.
Malungkot ako habang ginagawa ko ito. Sa maraming dahilan … at sa pagkabasa ko ng tatlong pagbasa sa ika-apat na Linggo ng kwaresma, magkahalong pagkalungkot at pag-asa ang sumasagi sa aking puso at kaisipan.
Matindi ang sinasaad sa unang pagbasa … May kinalaman ito sa mga pari, mga pinuno ng Juda, at mga mamamayan … lahat as in lahat, sabi nga ng mga kabataan ngayon. Walang sinisino, walang duda. Lahat ay korap; lahat ay makasalanan; lahat ay may pagkukulang.
Larawang masangsang ito ng buhay natin ngayon. Larawang hindi kaaya-aya at mahirap tanggapin … larawan ng mga matataas na taong may tagong dolyar upang makatakas sa paninilip ng batas; larawan ng isang pamahalaang bihasa sa pangongotong at pangingikil, kahit na ang tanging bigkas tuwina ay daan ng pagbabago at matimyas na pangako ng paghahanap ng kapakanang pangkalahatan.
Masangsang at malansa ang naririnig at nakikita natin tuwina. Pagiging bihag at pagkatapon ang naging bunga ng lahat ng ito para sa bayan ng Diyos. At ngayon, tayo man ay bihag ng kasalanan, kasakiman, at pagkamakasarili sa sarili nating lipunan.
Ngunit sa gitna ng matinding pagkalugmok na ito ay namanaag ang liwanag mula sa kadiliman. Patunay ni San Pablo ang siyang narinig natin sa ikalwang pagbasa: “napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.” Sa kabila ng personal at pangsosyal na pagkakasala, ay nananatili ang magandang balita ng dakilang habag at pag-ibig ng Diyos.
Magandang larawan ang nakikita natin sa ebanghelyo. Si Nicodemo ay naparoon kay Kristo sa gabi, sa gitna ng kadiliman, sa isang paraang masasabi nating nakukubli at natatago … tulad ng kalalagayan natin ngayon … balot ng kasakiman, pagkakanya-kanya at lahat ng uri ng kasalanan.
Bahagi tayong lahat nito. Ang lahat ay anak ni Adan at ni Eba, na nabahiran ng kasalanang orihinal.
Lahat tayo ay mga Nicodemong nagkukubli sa dilim, nguni’t naghahanap ng liwanag. Ito ang pag-asang nagkukubli sa dilim. Ito ang bagong bukas na maari nating panghawakan … na sa kabila ng lahat ay may magagawa tayong lahat, bawa’t isa sa atin. At ang simula ng pagbabago ay hindi nanggagaling sa mga institusyon, sa gobyerno, o sa ibang tao. Nagmumula ito sa puso ng bawa’t isa sa atin.
Lugmok ako sa mga araw na ito sa kalungkutan at matinding mga katanungan. May pag-asa pa ba ang bayan natin? May patutunguhan ba kaya ang mga kabataan ngayon? May naghihintay pa bang mga kagubatan at kabundukan upang maghatid ng ginhawa sa mga salat at mga dukha? Mayroon pa kayang mina na pagyayamanin ang bayang pinoy?
Ang sinasaad ng mga pagbasa ay ito: matindi ang kinapapalooban, ngunit matindi rin ang kinabukasan. Madilim ang kapaligiran, nguni’t maliwanag ang kahahantungan.
Lugmok man tayo ngayon sa maraming sala, tampok tayo ngayon sa isang matunog na pag-asa.
At ano ang batayan natin? Pag-ibig sa sanlibutan ng Diyos ay gayon na lamang, kanyang Anak ibinigay, upang mabuhay kailanman ang nananalig na tunay. Lugmok man sa sala; tampok pa rin sa pag-asa!
No comments:
Post a Comment