Unang Linggo ng Kwaresma(B)
Pebrero 26, 2012
Mga Pagbasa: Gen 9:8-15 / 1 Ped 3:18-22 / Mc 1:12-15
Bihasa akong magbigay-lagom sa mga pagbasa sa paggamit ng tatlong kataga, na para sa akin ay kumakatawan sa buod ng mga sinasaad ng naturang pagbasa. At dahil tatlo ang pagbasa, tatlo rin ang aking napiling salita: tipanan, katuparan, kapangyarihan.
Tipanan … Ito ang buod ng unang pagbasa. Isang bagong tipan o kasunduan ang iginuguhit sa isipan ng bayan ng Diyos. Matapos magunaw ang mundo, bunga ng kasalanan, matapos wasakin ng baha ang sandaigdigan, isang bagong pangako ang binitiwan ni Yahweh para sa Kanyang pinakamamahal na bayan: “Kailanma’y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay.” Nguni’t ang pangakong ito ay sinaliwan ng isa pang pangako: “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: palilitawin ko sa mga ulap ang isang bahaghari.”
Katuparan … Ang pangakong binitiwan, tungo sa ikaliligtas ng bayan ng Diyos ay nagkaroon ng katuparan sa katauhan ni Kristo. Sa pamamagitan niya, ang tubig ng dilubyo na pumuksa sa daigdig sa Lumang Tipan, ay napalitan ng tubig ng Binyag, na siyang naging daan tungo sa simulain ng kaligtasang personal nating lahat. Kay Kristo natupad ang kaligtasan. Kay Kristo naganap ang pagsasakatuparan ng pangakong kaligtasan.
Kapangyarihan … Ang disyerto o ilang ay hindi isang lugar para mag-excursion. Hindi ito lugar na katulad ng spa kung saan pawang kagaanan at kabutihan ang iyong mararanasan. Ang ilang ay buntunan ng lahat ng masama … tirahan ng mga halimaw at mababangis na hayop … taguan ng masasamang loob ng lipunan … tapunan ng lahat ng itunuturing na basura ng lipunan … Ito ang sagisag ng lahat ng kapangyarihan ng kadiliman at kasamaan sa lupang ibabaw.
Dito naparoon si Kristo. Duon siya nanatili nang apatnapung araw, “tinutukso ni Satanas” at kung saan naroon ang “maiilap na hayop.” Sinuong ni Jesus ang pugad ng kasamaan at kadiliman. Sinuot ng Panginoon ang tambakan ng lahat ng negatibong elemento ng buhay natin bilang taong makasalanan.
Sa gitna ng kadilimang ito, kapangyarihan ang kanyang ipinamalas.
Nais kong isipin na narito sa tatlong katagang ito ang lagom ng magandang balita sa unang linggong ito ng kwaresma. Ito ang gusto ko sanang ating angkinin at ating pagyamanin. Ito ang gusto kong ating baunin at bitbitin palabas sa simbahang ito. Ito ang dapat nating pagyamanin sa darating na linggo at sa loob ng apatnapung araw ng paghahanda.
Ang bagong tipang pangako ay naganap na sa pagdatal ni Kristong Mananakop. Ang pangako ay nagkatotoo na sa pamamagitan niya at ng kanyang pakikipamayan sa atin. Siya ang katuparan ng pangakong bagong tipan.
Subali’t nais ko pa ring isiping may isa pang dapat tayong gawin … may isa pang dapat nating pagsikapan at isakatuparan. Ito ang kapangyarihang dulot niya, kapangyarihang ipinamalas niya, kapangyarihang siya natin dapat ipagmakaingay at isakatuparan sa buhay natin ngayon.
Ang tubig baha ay tanda ng malaking kaguluhan ayon sa paniniwala ng mga Judio. Ito ang kasukdulan ng kapariwaraan. Ito ang dahilan kung bakit nang dumating ang Diyos sa gitna ng kaguluhang ito, Siya ay nag-ihip ng buhay at ang lahat ay naganap! Siya ang Diyos na nag-ayos sa malaking kaguluhan bago pa man nalikha ang lahat.
Magulo pa rin ang ating pamumuhay magpahangga ngayon … masalimuot at tila walang kawawaan. Kaguluhan ang katagang lumalabas sa bibig natin tuwing matutunghayan natin ang nagaganap sa lipunan: giyera, bangayan, terorismo, walang kaisahan sa gobyerno, panay sisihan at tapunan ng putik sa mukha ng isa’t isa … Kung titingnan natin ang nagaganap, tila masahol pa sa ilang na pinamumugaran na malulupit na halimaw ang lipunan natin.
Kailangan nating humawak at tumangan sa pangakong binitiwan ng Diyos. Kailangan natin muling tumingala sa langit upang makita ang bahagharing kumakatawan sa katuparan ng pangakong ito. Kailangan natin tumingala, hindi na sa bahaghari kundi sa napako sa krus na matayog sa taas ng burol ng Kalbaryo upang magkaroon ng kaayusan ang buhay natin.
Si Kristo ang tugon sa lahat ng inaasam at hinihintay natin. Si Kristo ang sagot sa lahat ng mga katanungan natin, sa gitna ng kaguluhang kinasasadlakan natin.
Di ba’t ito nga ang nilalaman ng tatlong pagbasa?
Siya ang pangako. Sa kanya naganap nang wagas ang tipanan. Siya rin ang katuparan. At higit sa lahat, siya ang pinanghahawakan nating kapangyarihan upang maharap ang lahat ng uri ng kaguluhang ngayon ay ating kinapapalooban. Panalangin natin? “Poon, iyong minamahal ang tapat sa iyong tipan!”
No comments:
Post a Comment