Ika-5 Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 25, 2012
Mga Pagbasa: Jeremias 31:31-34 / Hebreo 5:7-9 / Juan 12:20-33
Isa sa mahirap gawin ang maghintay, lalu na sa panahon natin. Mahirap maghintay ng jeep sa ulan. Mahirap maghintay ng taxi na ayaw ka naman pala isakay, kasi namimili ng isasakay. Mahirap magpasya sa maraming bagay na hindi mo tukoy ang kahihinatnan at patutunguhan.
Matagal ring naghintay ang bayan ng Israel. Pangakong matunog magmula pa sa panahon ni Abraham, ang bayang bubuuin ng higit pa sa dami ng tala sa langit, diumano. Paulit-ulit na kasunduan ang naganap. Paulit-ulit ring naparam ang kasunduan – napawalang silbi dahil sa kasalanan ng tao. Paulit-ulit tayo tinuruan ng Diyos. Nagkabaha … hindi natuto. Napatapon sa Babilonia at sa Persia … Hindi pa rin natuto. Binigyan ng hari tulad ng mga kapit-bayan … hindi pa rin natuto. Ang tao ay sadyang likas na matigas ang ulo at ang kukote.
Ngayon, isa na namang pangako … isa na namang pagsisikap mula sa Diyos upang mapanuto ang tao … Sa pamamagitan ni Jeremias, namutawing muli sa labi ng Diyos ang Kanyang dakilang habag: “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda.”
Masaya? Maganda? Di ba? Bago na namang pag-asa. Bago na namang simula. Bago na namang pagtutuunan ng lahat ng ating hangad at pangarap sa buhay! Subali’t sandali lamang … Tingnan natin muli ang saad sa mga pagbasa …
Hindi mumurahin ang pangako ng Diyos. Mahal … mabigat ang halaga … Pinagbayaran ng lubus-lubusan … Kapalit ng ating katubusan ay pighati at kahirapan. Sabi ng sulat sa mga Hebreo: “Noong is Jesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan.” Natakot rin siya … nag-atubili … nagdalawang-isip rin bago harapin ang malaking kabayaran ng ating katubusan.
Maganda ang takbo ng buhay kung walang bayarin, walang pasanin, walang utang na dapat harapin at tubusin. Masarap kung puro sahod lamang at pakabig ang takbo ng buhay natin. Nguni’t hindi yata ito ang aral na napupulot natin ngayon sa mga pagbasa. Masarap man at magaling ang sumahod na lamang at tumanggap nang walang kapuhu-puhunan at kapurit mang pagtitiis, ay hindi ito sumasalamin sa buhay natin bilang tagasunod ni Kristong Panginoon. Malayo ito sa katotohanan. Ang bagong tipan na binanggit na pangako ni Jeremias, ay hindi isang titulo sa lupang hindi mo pinagpawisan, hindi mo binuwisan at binayaran ng tagaktak na sipag, tiyaga, at luha.
Tanyag na tanyag na si Jesus noong dumating siya sa Jerusalem. Sino ba naman ang hindi hahanapin at dudumugin lalo na’t may dala kang libreng Glutathione o libreng CCT (conditional cash transfer)? Sino ba naman ang hindi magiging usapan ng bayan kung kaya mong magpagaling sa mga pilay, at magpabalik ng paningin sa mga bulag? Talo pa ni Jesus si Serafin Cuevas o si Enrile, o sige na nga … isama mo na rin si Kris A! Hinanap siya ng tao … ipinagtanong. At ang napagtanungan nila ay tila may dalang GPS … si Felipe, na sana’y makakita ng mga dapat makita at dapat hanapin (Di ba, siya naka-diskubre kung sinong binatilyo ay may baong tinapay na hindi niya kayang ubusin?) Ang nagtanong ay mga banyaga … mga Griyego na wala naman dapat kinalaman sa mga Judio.
Subali’t ang hiling, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus,” ay nagbunsod kay Jesus upang harapin ang isang napipintong mabigat na katotohanan, isang katotohanang nagtutuon sa kung gaano kalaki ang halaga na dapat pagbayaran niya para lamang matupad ang pangako ng bagong tipan.
“Dumating na ang oras,” aniya, upang parangalan ang Anak ng Tao.”
Hindi ito libreng Glutathione o libreng gatas o anuman. Hindi ito parang Pasko na walang anumang suliranin. Hindi ito tulad ng pangako ng mga pulitikong pulpol na ang pangako ay naglalaho ilang buwan matapos maging “honorable.”
Walang dapat ikubli rito. Walang dapat ipagkaila. Hindi madali. Hindi parang pork barrel na nakukuha lamang sa pirma at botong naaayon sa kagustuhan ni Sir. May halaga ito … malaki … matindi … mahirap!
“Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Nguni’t kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami.”
Ano raw? Simple lang kapatid, kapuso, at kapamilya … pighating lubos ni Kristo; siyang nagdulot ng luwalhati at katubusan sa tanan. Lahat as in lahat, sabi nga ng mga bata ngayon. Wala nang kapuso… wala nang kapamilya … wala nang kapatid … lahat, tanan, all of us, sabi ni Kris A … we all, sabi ng mga barok mag-ingles … pighating lubos; hatid ay luwalhati at tubos!
No comments:
Post a Comment