Thursday, March 8, 2012

ANG DAAN, ANG DUNONG, AT ANG DAPAT

Ikatlong Linggo ng Kwaresma (B)
Marso 11, 2012

Mga Pagbasa: Exodo 20:1-17 / 1 Cor 1:22-25 / Jn 2:13-25

Puro utos, panay utos! … iyan ang panlalait na malimit marinig sa ayaw sumunod, antemano. Para sa maraming tao ngayon, panahon ng postmodernismo, (whew! Nakakain ba yan?), marami ang allergic ika nga, sa mga kautusan. Kasama rito sa kanilang isinusuka ang mg utos (daw) ng Diyos, at mg utos din ng Simbahan. Todos utos …walang paltos (may tugma ba?)

Aminin natin … mahirap ang sumunod sa utos. Di ba nuong mga bata kayo, ganyan rin kayo? Nagbibingi-bingihan kapag tinatawag ng magulang, o kaya’y nagtutulug-tulugan? Mabilis ang pulas kapag labas at “gud tym,” sabi nga nila sa jejemon. Mabagal ang kilos kapag trabaho at katungkulan ang pinag-uusapan. Maging nuong nasa seminaryo pa kami, mayroong tuwing umaga ay may sipon o may sinat. Pero pagdating ng merienda sa hapon ay magaling na at malakas pa sa kalabaw … kasi, may laro pagkatapos nito!

Mahirap ang mag-aral; mahirap ang magbunot ng sahig (may gumagawa pa ba nito?) … at lalung mahirap ang may listahan ng bawal (lalu na sa pagkain!).

Pero aminin rin natin. Kailangan natin ng daan; kailangan natin ng pamamaraan … kailangan natin ng patakaran at panuntunan … kung gusto nating makarating sa landas ng dunong at wastong kaalaman, na naghahatid sa higit pang mahalagang kahihinatnan!

Tanda! Ito ang salitang dapat tandaan natin kung sampung utos ang pag-uusapan. Mga tanda itong nagtuturo sa dapat. Mayroong bang dapat? Tumpak! Kahit naman saan ka pumunta, mayroong dapat at mayroong hindi nararapat. Mayroong tama at mayroong mali. Bagama’t itinapon na ito sa labas ng bintana ng postmodernismo, hindi maipagkakailang kailangan pa rin natin ng panuntunan, alintuntunin, at tamang pamamalakad. Kung walang batas ay walang kaayusan. At kung walang kaayusan ay walang patutunguhan.

Tanda? Oo … ang sampung utos ay hindi natatapos sa utos. Ang lahat ay tumutuon at patungkol sa mga hanay ng pagpapahalagang Diyos mismo ang nagpapahalaga, una sa lahat: buhay, dangal ng tao, magandang pangalan ng kapwa, katarungan, pangangalaga sa pag-aari ng sarili at ng iba … at marami pa.

Tanda? Oo … ang utos ay hindi lamang utos. Ang lahat ng ito ay nakatuon sa pinakamahalagang katotohanan na ang pinakamalaking DAPAT ng ating buhay ay ang pagkakaroon ng isang KAUGNAYAN sa Diyos na maylikha sa atin. Siya ang puno at dulo ng ating pagiging tao. Siya ang dahilan … Siya ang Daan, Katotohanan, at Buhay. Ayon kay San Pablo, “si Kristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos.”

Huwag na tayong magmaktol ay may batas. Masiyahan tayo at ang batas ng Diyos ay walang butas … walang palusot, walang kasinungalingan, walang takas, kahit na puede nating gawin ang gusto natin … kaya nga lang ay mayroon laging kahihinatnan, may hantungan, may kabayaran.

Huwag na tayong magtaka at kumuha si Jesus ng lapnis ( o lubid, sa aming salita sa Mendez, Cavite) at ginamit niya bilang pang hagupit sa mga tampalasan sa templo. Hindi nila iginalang ang bahay ng Diyos. Hindi sila tumalima sa daan ng pagpapahalaga sa banal na lugar. Hindi nila ginawa ang dapat. Kung kaya’t nararapat lang na ipagtanggol ng Anak ng Diyos ang bahay ng kanyang Ama.

Magulo ang buhay natin ngayon. Sala-salabat ang mga kalye. May mga kuliglig na “keep right” at mga traysikel na “keep left.” Naglipana ang mga sinungaling sa gobyerno. Nagkalat ang mga mapagsamantala sa kamangmangan ng balana, lalu na ng mga dukha, na walang ibang pagkukunan ng kabatiran o kaalaman liban sa isinusulsol ng mass media (na kaakibat tuwina at kakampi ng mga may poder at may pera!). Magulo rin ang buhay pangsarili. Kay raming inosenteng buhay ang pinapatay … Mula pa sa sinapupunan, “patay kang bata ka,” ika nga! Walang kinikilalang daan … walang tinitingalang dapat, at wala ring pinanghahawakang dunong.

Ang lahat ng ito: dapat, daan at dunong ay galing walang iba kundi sa kanyang Panginoon ng Buhay, Panginoon ng katotohanan, at Panginoong naghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Ito ang tunay na DUNONG mula sa itaas. Sundan natin ito!

No comments:

Post a Comment