Wednesday, February 15, 2012

BAGONG LANDASIN TAHAKIN; LUMA AY LIMUTIN!


Ika-7 Linggo ng Taon (B)
Pebrero 19, 2012

Mga Pagbasa: Isa 43:18-19.21-22.24-25 / 2 Cor 1:18-22 / Marco 2:1-12


Iisang larawan ang naglalaro sa isipan ko habang sinusulat ko ang pagninilay na ito, (sa harapan ng TV habang nanonood sa pinaka bagong telenovela sa Pilipinas, ang impeachment trial!). Ang larawang ito ay may kinalaman sa “landas,” o “butas” o pamamaraan o daanan.

Una sa lahat, isa munang kumpisal … sa buhay natin ngayon, marami tayong dahilan upang tanggapin ang mapait na katotohanang ang daan ay kumikipot sa maraming antas at aspeto ng buhay natin. Marami tayong halimbawa rito: ang hanging nahahaluan na ng kung ano-anong lason … ang tubig na hindi na tayo ngayon nakatitiyak kung ang kadalisayan ang pag-uusapan; ang palasak na katiwalian sa loob at labas ng pamahalaan, sa bawa’t sulok ng lipunan natin na pinamumugaran ng taong malalayang tulad natin lahat.

Kumikipot ang daan, naglalaho ang lagusan … at tila sa maraming pagkakataon, wala tayong masulingan; wala tayong mapuntahan. Parang ang lahat ng landas ay nababarahan, nahaharangan.

Ito ang katatayuan ng paralitiko sa ebanghelyo. Marami ang nangangailangan kay Jesus. Marami ang umaasa, at lalung marami ang naghihintay. Puno na ang tahanan, wala nang lagusan, at wala nang madaanan patungo sa loob.

Ito ang nagbibigay sa akin ng kalungkutan. Kumikipot, hindi lamang ang lagusan, kundi, pati halos lahat ng iniikutan natin sa buhay, sa mundong ito na nababalot ng sari-saring mga kasakiman at pagpapahirap sa kapwa.

Subali’t sa kabila ng lahat ng ito, ang araw na ito na ginawa ng Panginoon, ay may taglay na magandang balita para sa ating lahat na kung minsan ay pinapanawan na ng pag-asa.

Narito ang buod ng magandang balitang ito: “Ako’y magbubukas ng isang landasin sa gitna ng ilang, maging ang disyerto ay patutubigan.” Mga kataga itong nakapagpapainit ng puso at damdamin, mga pangakong bitaw ni Isaias sa Lumang Tipan, na naging makatotohanan sa Bagong Tipan.

Tuwing tayo ay magtitipon sa araw ng Linggo, ito ang pinakaaabangan natin, ang tunghayan ang mga nagaganap sa kapaligiran sa panahong kasalukuyan upang ito ay masinagan ng liwanag ng ebanghelyo, at magkaroon ng katuturan, pati ang mga bagay na tila walang katuturan, tila walang kahulugan.

Kasama rito ang katotohanang ang mga daanan natin ay kumikipot … katumbas sa daanan ni Juan Bautista na baku-bako at liku-liko.

Subali’t ito bang pagkakaloob ng Diyos ng daan ay isang pananagutan lamang ng Diyos? Siya lamang ba ang dapat gumawa ng paraan upang ang “patubig” na pangako niya para sa ilang ay masaganang dumaloy?

Hindi ito ang aking basa sa mensahe ng ebanghelyo. Totoo na magbubukas ang bubong. Totoo na gagawa siya ng daan. Subali’t ito ay magaganap kung mayroong pagkukusa at pakikipagtulungan ang tao. Mabubuksan lamang ang bubungan kung mayroong magagandang-loob na handang tumulong sa paralitiko, handang magbuhat sa kanya pataas ng bubong, at handa ring gumawa ng lagusan sa kisame. Hindi Diyos lamang ang taya dito. Hindi puedeng Siya lamang ang gagawa ng paraan.

Malinaw na kailangan rin nating magtaya, mamuhunan, at kumilos. Maliwanag na nasa Diyos ang awa, subali’t nasa atin ang gawa.

Pero mayroon pang isang mahalagang bagay tayong pakatandaan. Ang pagkipot ng daanan, ang pagkasira ng kalikasan, ang pagbabago ng klima sa buong mundo ay nababatay sa iisang katotohanan lamang. Walang iba ito kundi ang ating pagkamakasalanan. Ang lahat ay nagmumula, nag-uugat, at nagsasanga-sanga lamang dahil sa kasalanan ng tao.

Hindi lamang isang kwentong nakapagpapagaan ng damdamin ang narinig natin sa mga pagbasa. Kailangan rin nating gumawa. Kailangan natin ang maging tapat, at hindi mga taong nagsasalawahan sa tuwina, at namamangka sa dalawang ilog, na ang sagot ay hindi mo maintindihan kung “oo” o “hindi.” Kailangang matibay at buo ang loob sa paglapit sa Panginoon, tulad ng paralitikong, gumawa ng lahat, at nagsikap nang walang puknat, makatagpo lamang si Jesus, maski na sirain at butasin ang bubong at kisame ng bahay.

Nguni’t ano ang tugon ni Jesus? Hindi lamang kagalingan. Hindi kagya’t pagpapagaling sa paralisis. Ang una niyang ginamot ay ang batayan at ugat ng lahat ng nagpapakipot sa landas ng buhay, sa lahat ng nagbabara sa daraanan ng biyaya ng Diyos. Pinatawad niya muna ang kasalanan ng paralitiko. At matapos nito ay kanyang sinabihan: “tumindig ka, dalhin ang higaan, at lumakad ka.”

Ito ang bagong landasin na kaloob ng Diyos. Ito ang bagong daan, hindi dating daan, na dapat natin bigyang pansin. At para matahak ang bagong landasing ito, kailangan nating iwaksi, isiphayo, at limutin ang lahat ng luma, ang lahat ng masama, ang lahat ng kasangga ng kabutihan at kaganapan ng buhay na dulot ni Kristong Panginoon.

Hala! Tumindig na! Tahakin ang bagong landasin; ang lahat ng luma ay limutin!

No comments:

Post a Comment