Thursday, February 2, 2012

UPANG MAKABAHAGI SA PAGPAPALA NG MABUTING BALITA


Ikalimang Linggo (Taon B)
Pebrero 5, 2012

Mga Pagbasa: Job 7:1-4.6-7 / 1 Cor 9:16-19.22-23 / Mc 1:29-39

UPANG MAKABAHAGI SA PAGPAPALA NG MABUTING BALITA

Nasa gitna ako ng isang pagbibigay ng seminar workshop sa isang grupo ng mga madre at mga narses na naglilingkod para sa mga taong sinisiphayo ng lipunan – mga pinaka nangangailangan ng tulong ng kapwa, sapagka’t hindi sila matanggap ng lipunan.

Naririnig ko ang kanilang mga panimdim, ang kanilang mga hinaing at mga hinanakit na nagmula pa sa kanilang pagkabata, o sa mga mapapait na karanasan sa buhay. Nakikita ko rin ang kanilang angkin at taal na kakayahang hanguin ang sarili sa kanilang pagkagulapay sa mga matinding karanasang ito.

Habang naghihintay ako upang matapos ang ipinagawa ko sa kanila, nagpasya akong umupo at magnilay sa liturhiya para sa ikalimang Linggo ng taon, sa araw na ito, ika-5 ng Pebrero, ikalima ring Linggo ng ordinaryong panahon.

Nagkatuig na ang mga sinasaad ng pagbasa, lalu na sa unang pagbasa, ay mga hinaing pa rin – ang mga pagtangis na bukambibig ni Job, sa gitna ng lahat ng mga mapapait na karanasang ipinagkaloob sa kaniya ng Poong Maykapal.

Halos makibagay ako at madala rin sa mga panaghoy ni Job: “Pag-asa ko’y lumalabo, at matuling tumatakas. O Diyos, alalahaning ang buhay ko’y napalitan na ng lagim.”

Magulo pa rin ang mundo. Masalimuot pa rin ang mga pinagdadaanan natin. Bukod sa trahedya sa CDO at Iligan, bukod pa rin sa trahedya ng Ondoy at Pepeng, ay may iba pang mga trahedyang gawa mismo ng tao, na patuloy na nagbabanta sa buhay ng marami. Patuloy pa rin ang paglawig ng kasakiman sa lipunan, at lahat ng uri ng panlalamang at pagmamalabis.

Mahaba ang listahan ng ating mga pansarili at pangmaramihang mga suliranin. Kung minsan, nawawalan tayo ng pag-asa, at nanghihinawa tayo sa paggawa ng mabuti.

Nguni’t alam natin na si Job ay hindi nanatili sa ganuong saloobin. Nahango niya ang kanyang sarili sa kapaitan at sa maramdaming mga pagtatanong niya at pagtangis. Tulad ni Pablo, na sa kabila ng pagkabilanggo, sa kabila ng mga sakuna sa karagatan na pinagdaanan niya, at sa kabila rin ng isang mahiwagang sakit na tinawag niyang “tinik sa kalamnan,” ay nakuha pa rin niya na magwika sa wakas: “napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng lalong marami … Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay maligtas ko, kahit sa anong paraan.”

Wala sa atin sinuman ang walang pinagdaanang kapaitan sa buhay. Wala isa man sa atin ang makapagsasabing ganap at walang bahid ang kanyang pagkabata at pagkatao. Lahat tayo ay naglalakbay sa buhay na ito, na parang mga peregrino na nag-aasam makarating sa isang banal na lugar. Lahat ay nakaranas matisod o madapa, o mabalakid sa anumang kaparaanan. Lahat tayo ay nasugatan at nasaktan. Hindi tayo isinilang upang maging anghel, kundi upang maging normal na taong may marupok na pusong natutong magdamdam.

Nguni’t tulad sa kasaysayan ni Job, hindi ito ang wakas na kabanata ng buhay natin. Ang wakas ay nakasalalay sa mga kamay natin upang atin sulatin. Sa kwento ni Job at ni Pablo, malaking bahagi ang ginanapan ng kanilang pananampalataya at pagkilala sa Diyos. Mula sa kanilang pananampalataya nila nasalok ang matinding kakayahang bumangon sa anumang uri ng panghihinawa at panghihina. Mula sa Diyos nila nakuha ang lakas upang muling bumangon at gumanap sa tungkuling ipalaganap ang mabuting balita ng walang hanggang pag-asang mula sa Diyos, na “nagpapagaling,” at malapit sa mga sawing-palad.

Huwag sana tayo manghinawa sa paggawa ng dapat. Huwag sana tayo padala sa agos ng kawalang pag-asa sa lipunan. Huwag tayong mawalan ng lakas tulad ng lakas ni San Pablo, na nagbata ng sari-saring hirap mapalaganap lamang ang magandang balita ng kaligtasan.

Sa gitna ng kawalang pag-asang dulot ng susun-susong mga suliranin at pagsubok, gawin natin ang lahat “alang-alang sa Mabuting Balita, upang makabahagi tayo sa mga pagpapala nito.”

Talamban, Cebu
Pebrero 3, 2012



No comments:

Post a Comment