Tuesday, February 21, 2012

PAKITANG-TAO, PAGGAWA, PAGSISISI






Miercoles ng Abo

Pebrero 22, 2012

Mga Pagbasa: Joel 2:12-18 / 2 Cor 5:20 – 6:2 / Mt 6:1-6, 16-18

Nasa kwaresma na naman muli tayo. Apatnapung araw na paghahanda para sa mga Mahal na Araw, na ang tugatog at hantungan ay ang minimithi ng ating pananampalataya – ang muling pagkabuhay ni Jesus! Para tayong paakyat sa Jerusalem, tulad ni Jesus, na unti-unti nating maririnig na paakyat sa banal na lungsod, kung saan siya pahihirapan, at makakaranas ng sukdulan ng pag-uusig mula sa mga kaaway ng katotohanan.

Subali’t bago tayo mag-asam na tumingala sa itaas, at mag-asam na makarating sa tuktok ng bundok, mayroon tayong dapat munang gawin – ang tunghayan ang katotohanang tayo magpahangga ngayon, ay nasasadlak pa sa lupang ibabaw, sa lupang bayang kahapis-hapis, sa mundong iniikutan natin, na nababalot ng sari-saring mga suliranin.

Ano ba ang natutunghayan natin dito sa kapatagan, sa ibaba, sa kalagayan natin bilang taong pawang hindi naka-abot sa luwalhati ng Diyos? Hayaan natin magwika ang mga pagbasa …

Ayon kay Joel, mababaw tayo … mapagkunwari … Mungkahi niya sa atin ay simple: “Warakin ang puso, hindi ang kasuotan!” Ano naman ang sabi ni Jesus? Huwag aniya masiyahan sa paimbabaw na mga pakitang-tao … ang pananatili sa mga pa-ekek na pagtunog ng mga trompeta at ang pagtindig sa mga luwasan at pampublikong lugar upang makita ng madla at mapalakpakan.

Malinaw ang tinutumbok ng Panginoon … paggawa, pagsisisi, hindi pakitang-tao!

Liksiyong malinaw ang sagisag ng abo. Mula sa apoy, tinupok at tinusta … abong natira sa pagsusunog ng mga palaspas … walang kwenta, walang silbi, walang anumang gamit.

Ito ang larawan natin, walang kwenta kumpara sa Diyos, walang silbi kung susuriin, walang anumang gamit, liban sa paalalahanan tayo ng isang mataginting na aral: “Alalahanin mo tao, na ikaw ay abo, at sa abo ka muling magbabalik!”

Matayog ang ating pangarap. Nag-aasam tayong lahat na makarating sa langit, kapiling ng Diyos. Nag-aasam tayong lahat na pumailanlang sa luwalhati kasama ang Diyos. Ako man ay nag-aasam. Ako man ay nangangarap. Subali’t bilang isang trekker noong araw, na marami na ring bundok na naakyat, walang pagtungo sa tuktok, kung hindi nagmumula sa paanan ng bundok. Bilang isang malimit na manlalakbay, walang eroplanong pumapailanlang kung hindi nagmumula sa paliparan sa kapatagan.

Tayo na’t umakyat sa bundok ng Panginoon! Magsimula tayo sa tila kawalan, tila walang kabuluhan … sa abo! Alalahanin mo tao na ikaw ay abo, at sa abo muling magbabalik!

No comments:

Post a Comment