Friday, February 27, 2015

LUWALHATI SA KABILA NG PIGHATI


Ikalawang Linggo ng Kwaresma B

Marso 2, 2015



LUWALHATI SA KABILA NG PIGHATI!



Hindi biro and pinagdaanan ni Abraham. At lalung hindi madali ang karanasan ni Isaac – ang magmistulang isang bisirong tupa na gigilitan na lamang at sukat ng kanyang sariling ama.



Ilagay natin kahit sandali ang sarili sa katatayuan ni Abraham. Binigyan siya ng kaisa-isang anak at tapos ay sisingilin siya ng Diyos, at ang kabayaran o sukli ay ang parehong kaisa-isang anak na si Isaac.



Mahirap rin ang pinagdadaanan natin bilang bayan. 29 na taon pagkatapos ng isang payapang pagbabago na ginawa nating tampulan ng lahat ng pag-asa natin, ay tila kabaligtaran ang nangyari: 1) bumalik ang mga tiwaling politico at mga mambabatas na akala natin ay napatalsik na natin; 2) muling tumambad sa ating harap ang katotohanang niloloko lamang ang taong bayan sa kanilang kunwaring paglilingkod subali’t puro pala mga ahas na naghihintay ng matutuklaw; 3) ang mga malalaking kompanya ay patuloy na kakampi ng mga namumuno, ng mga mambabatas upang mapanatiling ang sitwasyong hawak sa leeg ang mga taong walang kamuang-muang sa tunay na nangyayari, dahil pati mga mamamahayag at kakampi rin ng mga namumuno at naghahawak ng kapangyarihan.



Mahirap ang pinagdadaanan natin sapagka’t magpahanggang ngayon ay lalu pa tayong naging hati-hati at walang pagkakaisa sa maraming bagay.



Sa araw na ito, matindi ang pahatid sa atin ng mga pagbasa. Pighati ang pinagdaanan ni Abraham. Sino sa atin ang handang magsukli sa Diyos ng isang pinakamamahal natin, o isang bagay na hindi natin kayang ipagkaloob?



Nguni’t ito ang diwa ng tunay na kabanalan! Ito ang kahulugan ng tunay na pagtalima o pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang kwento ng isang taong may pananampalataya at dahil rito ay naging handa siyang gawin ang ipinag-uutos ng Diyos na nagkaloob sa kanya ng lahat.



Posible pa ba ito sa buhay natin?



Mabuti na lamang at bago ko isulat ito ay natunghayan ko ang isang kwentong nakapagpatayo ng aking balahibo at nakapagpaiyak rin sa akin. Nang maganap ang 9/11 na atake ng mga terorista sa New York, 52 eroplanong galing Europa ang pinababa muna sa Newfoundland, Canada. Mahigit na sampung libong tao ang bumaba at tinanggap bilang bisita ng Lewisporte, na ang populasyon ay hindi kasing dami ng mga bisitang dumating. Hindi pa nila alam noon kung ano ang nangyari sa Twin Towers sa New York.



Nang nalaman na nila at nang sila ay pabalik na sa America, isang tao ang nagbalak magpakita ng pasasalamat sa mga taga Lewisporte. Nagkolekta siya ng pondo para sa mga scholarship ng mga taga Lewisporte na mga bata. Sa araw na yaon, ay nakakolekta agad siya ng 14,000 na dolyar. At sa araw ng pagsulat ng kwentong ito ay mahigit na sa isa at kalahating milyong dolyar na ang pondo!



Ito ay isang kabutihang parang nagmula sa isang kasamaan … isang kwento ng biyaya na tila naging bunga ng kabaligtaran … isang luwalhati na tila nagmula sa isang pighati.



Ito ay naging posible sapagka’t may naniwala, may taong may taglay  na pananampalataya.



Ang bagay na ito ay hindi kayang gawin ng taong walang pinanghahawakang pananampalataya … Ito  ay isang himalang magaganap lamang kung may handang mag-alay hindi lamang ng pinakamamahal, kundi ng buong pagkataong nagbibigay tiwala sa kakayahan ng Diyos na gumawa ng mabuti kahit mula sa masama.



Maraming masasama ang bumabalot sa mundo kahit saan. Dalawa lamang ang landas na puede nating tahakin: ang landas ng kawalang pag-asa, o landas ng pananampalataya. Piliin sana natin ang pangalawa. Piliin natin ang Diyos at ang pagtitiwala sa kanyang kapangyarihan: “Sa piling ng Poong Mahal, ako’y laging mamumuhay!” “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin?”



Tumingala tayo ay tumingin sa Panginoon!

“Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!”



Sino ba tinitingala at pinakikinggan natin?

Friday, February 20, 2015

TAPATAN AT TIPANAN

UNANG LINGGO NG KWARESMA – B
Febrero 22, 2015

TAPATAN AT TIPANAN

May tawag tayo sa isang nakikipagtipan pero walang katapatan – traydor! May salita rin tayo para sa mga taong hindi makipagpasya kung makikipag kasunduan ba o hindi – salawahan! May tawag rin tayo sa taong pabalik-balik at papapalit-palit ng isip matapos makipag tipan – urong-sulong, hilong talilong!

Di biro ang pakikipagtipan ng Diyos sa kanyang bayan … puno ng pangako, lipos ng pag-asa, puspos ng pagbabago at pagmamalasakit.

Medyo mahirap maunawaan ito, lalu na’t napapalibutan tayo ng mga salawahan, mga traydor, at mga urong sulong na hilo na, ay hibang pa. Maraming ganyan sa ating lipunan, lalu na sa mundo ng politica. Kapag halalan, parang maamong kuting na papungas-pungas, pangiti-ngiti. Kapag nahalal na, ay patay tayong taong-bayan, sapagkat ang kapit nila sa posisyon ay hanggang apo sa tuhod, sa asawa, sa kapatid, sa pamangkin, at mga inangkin.

Hindi na tayo dapat maghanap pa sa malayo para makakita ng iba pang halimbawa.

Sa araw na ito, iisang lumulutang na katotohanan ang tumatawag sa ating pansin – ang dakilang katapatan ng Diyos sa tipanan, sa usapan, at sa kasunduan.

May tanda ang lahat ng ito … Sa lumang tipan, ang naging tanda ay ang bahaghari. Sa Bagong Tipan, ang naging dakilang tanda ay walang iba kundi si Jesus, “namatay para sa [atin], dahil sa kasalanan ng lahat.” (ikalawang pagbasa). Ang orihinal na tandang ito ay ang siya ring nasa likod ng mga tanda na nagpapatuloy ng hiwaga ng kaligtasan – ang pitong sakramento, tulad ng binyag, atbp.

Pero ano ba ang puno at dulo ng gawang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo? Ano ang dahilan at siya ay ipinagkaloob bilang dakilang tanda? Bakit siya namatay para sa lahat?

Iisa lamang ang sagot dito. Tayong lahat ay salawahan, traydor, urong sulong, at walang isang salita. Tayong lahat ay makasalanan, at nararapat magbalik-loob sa Diyos. Tayong lahat ay nangangailangan ng kaligtasan.

Ito ngayon ang magandang balitang ating dapat pagyamanin. Tayo ay iniligtas. Tayo ay minahal. Tayo ay pinagmalasakitan, at pinagkalooban ng isang pangako – isang pangakong ginawa niyang kasunduan, tipanan, at batayan ng lahat.

Ang lahat ng ito ay dahil lamang sa iisang katangian ng Diyos. Gusto Niya tayong maligtas, sapagkat ganoon na lamang ang pag-ibig niya sa atin.

Lumang tugtugin na ang katotohanang pinamumugaran ang mundo ng kasamaan, at mga masasama at masisibang tao … napalilibutan tayo ng mapagsamantalang mga tao, sa loob at labas ng gobyerno.

Pero dahil dito, tayo ay nararapat lamang makinig at magpasya – tayo ba ay panig sa kanya, o laban sa kanya?

Marami nang tanda ang nakita natin … bukod sa bahaghari, nakita natin ang kanyang buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay. Nakita natin ang paulit-ulit na pagunita sa mga naganap sa kasaysayan. Nakita natin ang mga paala-ala ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng mga pangyayaring dapat sana ay nagpagising na sa atin.

Huwag sana natin bale walain ang muling paalaala niya ngayon: “Pagsisihan ninyo at talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa mabuting balitang ito.”

Undanao, Samal Island, Davao

Febrero 21, 2015

Wednesday, February 11, 2015

KUBLIHAN AT TANGGULAN NG TANAN

Ika-6 na Linggo Taon B
Pebrero 15, 2015

KUBLIHAN AT TANGGULAN NG TANAN

Lahat tayo marahil ay nakaranas nang maitangi ng kapwa … ang masaisantabi … ang matanggihan, ang hindi matanggap ng iba, at ang ituring na hindi dapat kasama sa isang tipunan … sa maraming dahilan, at iba-bang kaparaanan. Maging noong panahon ni Jesus, at sa lumang tipan, mayroong taong hindi dapat makasalamuha ng karamihan, at ang lahat ng may ketong ay una sa listahan ng mga dapat hindi sumama sa karamihan.

Masasabi nating kapag may ketong ang isang tao, wala na siyang kublihan … wala na siyang tanggulan … at lalong wala siyang patutunguhan. Kahit saan magpunta ay dapat may dalang maliit na batingaw at tanda na nagsasabing “ketongin ako … lumayo kayo sa akin.”

Hindi lamang malungkot ito … mapait ring karanasan, na tila wala nang kasagutan o katapusan, liban kung gumaling ang isang tao sa kanyang kapansanan.

Ito ay isang uri ng kamatayan para sa isang humihinga pa at nakakaramdam pa ng sakit o pighati. Buhay pa ay halos ituring nang basura o busabos, na walang karapatang anuman na taglay ng lahat ng malulusog na tao.

Larawan ito ng pinakamasahol na uri ng kamatayang espiritwal – ang kasalanan. Ito ay nagpapahiwatig ng kung ano ang tunay na katatayuan ng isang malayo sa Diyos – ang mabuhay na tila baga patay, ang hindi maituring na may karapatang maki halubilo sa karamihan.

Nguni’t isang magandang balita ang taglay ng ebanghelyo natin at mga pagbasa ngayon. Sa madaling salita, walang itinatangi at itinatakwil ang Diyos na mapagligtas. Walang sinisiphayo ang Panginoon sa kanyang paggawa at pagtupad ng misyon mula sa Ama. Siya ay tagapagligtas. Siya ay tagapagpagaling. Siya ay kublihan, takbuhan at tanggulan ng mga walang kaya, ng mga api, at ng mga tinanggihan ng lipunan.

Ang mga naganap kamakailan sa ating bayan ay isang paghamon at isang palaisipan sa lahat … ang pagkamatay at mabangis na pagpaslang sa 44 na pulis na ipinadala sa Maguindanao kamakailan ay isang matinding dagok sa ating pananampalatayang ang Diyos ay walang itinatangi, walang sinisiphayo at tinatanggihan.

Subali’t ito rin ay isang pagpapaalala sa ating lahat na may pananampalatayang Kristiano na ang katarungan ay hindi laging nakakamit sa mundong ito … na ang kabayaran sa lahat ng katiwalian ay posibleng hindi natin makita sa lupang ibabaw, at ang katarungan ng Diyos ay walang pinipiling panahon, lugar, o kaparaanan. Darating at darating ang kabayaran subali’t batid nating posibleng hindi natin makita ang lahat ng ito ngayon at dito kung saan tayo naroon.

Pero bilang tagasunod ni Kristo, na nagpakita ng pagmamalasakit sa mga maysakit, sa mga ulila, sa mga api, at walang kaya, tungkulin natin bilang Kristiano ay kumilos upang maghari ang kanyang katarungan.

Hindi ko alam kung hanggang saan makararating ang ating pagpupunyagi, at pakikibaka, at pakikipaglabang matiwasay para makamit ng mga inapi ang katarungan. Hindi ko alam kung magigising pa ang isang lipunan at gobyerno na nahirati na sa kasinungalingan at mapanlinlang na pamamalakad.

Pero meron akong katiyakan na hindi kailanmang mapabubulaanan ninuman. Ang Diyos ay mapagligtas. Ang Diyos ay mapagpagaling. Ang Diyos ay mapagpalaya … kahit na ang lahat ng nakikita natin ay ang tila kawalang kaya ng Diyos sa harap ng katiwalian, pagkamakasarili, at katakawan ng mga naghahari sa atin.

Meron pa akong isang katiyakan … Bagama’t tila walang solusyon ang ating mga hinaing, at tila walang nakikinig sa ating mga pagsamo, buhay pa rin ang Diyos. At buhay pa rin ang pinakamahalaga niyang mensahe para sa atin… na ang pinakamasahol na sakit ng tao ay ang kasalanan, liban sa pangkatawang kapansanan. Ang ketong ng kaluluwa ay siyang higit na masahol sa ketong ng balat. At ang pangmatagalang solusyon sa ating mga suliranin bilang tao at bilang bayan ng Diyos ay ang pagpapagaling sa pinakamasahol na ugat ng lahat ng suliranin – ang kasalanan.

Nais kong isipin na kahit na tila walang hustisyang mararating ang 44 na bayani ng bayan, ay magwawagi pa rin sa huli’t huli ang katarungan ng Diyos, at ang kanyang katangiang ipinagmamakaingay ngayon  ng mga pagbasa … Walang itinatakwil ang Diyos … Wala siyang itinatangi … at lalong wala siyang sinumang tinatanggihan at sinisiphayo. “Diyos ko, ikaw ang kublihan, tagapagtanggol kong tunay!” Kublihan, kasalag … tanggulan ng bayang naaapi at naiiwanan.



Friday, February 6, 2015

SAGAD NA, O SAGANA?


Ika-5 Linggo Taon B
Pebrero 8, 2015

SAGAD NA O SAGANA?

Alam nating hindi madaling pabulaanan si Job. Panay ang kanyang reklamo at hinaing: “Ang buhay ng tao ay sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas,” aniya. Sino sa atin ang makatatanggi rito? Sa bawa’t tingin natin sa balita ay panay kaguluhan, puro patayan, at pawang kasinungalingan at katiwalian ang ating nakikita!

Nguni’t ito ang katotohanan ng buhay ng tao, at katotohanang hinaharap ng mga may paniniwala sa Diyos – isang katotohanang nababalot ng magkasalungat na puwersa ng masama at mabuti.

Ito ang hiwaga ng buhay, ang hiwaga ng paghihirap, ang katanungang binigyang-diin ng batang si Glydel nang bumisita si Papa Francisco sa Pilipinas kamakailan. Isa itong katanungang walang madaling katugunan. Sa katunayan, walang kasagutang madaling hugutin sa aklat, kahit sa Wikipedia, kapag ang paghihirap ng tao ang pinag-uusapan.

Subali’t ito ay hindi isang tanong na pang-agham. Hindi ito isang katanungang makukuha sa malinaw na pormula sa matematika. Walang tahasang sagot. Walang tuwirang paliwanag, liban sa pag-aalay ng isang modelo, ng isang tularan at huwaran na si Jesus … Naghirap, nagpakasakit, pinahirapan, pinatay at muling nabuhay!

Walang anumang dahilan kung bakit dapat siya maghirap, subali’t ito mismo ang tangi nating pinanghahawakang tugon.

Sa mata ng pananampalataya, ito ang tugon ng mga pagbasa ngayon: “Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling!”

Tingnan natin ang kinapapalooban ng ebanghelyo. Galing si Kristo noon sa lugar ng mga pagano.  Doon, siya ay tinanggihan at hindi tinanggap ng mga tao, kung kaya’t hindi siya nakagawa ng maraming himala doon. Subali’t hindi ito naging dahilan upang hindi siya gumanap sa kanyang misyon ng pagpapagaling, pagpapalaya, at pagkakaloob ng kagalingan sa mga nangangailangan.

Lumipat ngayon si Jesus sa Capernaum, kung saan gumawa siya upang tugunan ang hiwaga at problema ng paghihirap. Pinagaling niya ang manugang ni Pedro. Bagama’t galing siya sa lugar ng pagtanggi, gumanap pa rin siya nang nararapat.

May isang larawang hindi natin dapat masa isang tabi sa ebanghelyo. Nagtungo raw si Jesus sa ilang, sa disyerto, kung saan siya nagdasal.

May kinalaman kaya ito sa unti-unti nating pagkaunawa at pagtanggap ng misteryo ng paghihirap? Ang pagsuong sa ilang, sa disyerto, sa oras na nakararanas tayo ng tagtuyot at kawalang kahulugan sa ating buhay?

Paglabas natin sa Misa, pareho pa rin ang buhay natin … ma trapik pa rin … mahal pa rin ang mga bilihin, at ang mahirap at lalo pang maghihirap. Masalimuot pa rin ang usaping pangkapayapaan … magulo pa rin ang ating buhay political, at madaya pa rin at masiba ang mga politico.

Tila walang sagot sa ating mga tanong … Pero ngayon, ayon sa pagbasa, mayroon tayong katugunan na makikita lamang sa mata ng pananampalataya. Wag natin sanang isipin na tayo ay sagad na sa paghihirap … Maniwala tayo … tayo ay sagana sa pag-ibig ng Diyos at sa kanyang pangako ng kaligtasan … kung di man ngayon, ay balang araw … Darating … Ipagkakaloob sa atin. Sapagka’t “inako ni Jesucristo ang sakit ng mga tao upang matubos niya tayo!”