Unang Linggo ng Adbiyento – Taon B
Nobyembre 30, 2014
MAGBANTAY SA LIWANAG!
Lahat ngayon sa buong Pilipinas ay nagbabantay sa liwanag.
May ilang linggo na ring nagkakabit ng maraming pailaw at pakutitap sa lahat ng
dako ng mga pangunahing lungsod sa buong kapuluan. Hindi masama ang magbantay
sa liwanag. Pati mga taong naninirahan sa mga liblib na lugar ay nabibighani sa
magagarang mga ilawan tuwing darating ang Kapaskuhan.
Pero sapagka’t hindi pa Pasko ngayon, at simula pa lamang ng
panahon ng Adbiyento o Pagdating, na nangangahulugang kailangan natin ang
gawang paghihintay o pagbabantay, dapat marahil natin maunawaan ang tunay na
diwa at kahulugan ng Panahon ng Pagdating.
Isa sa mga mahirap gawin sa ating bansa ang mag-maneho sa
gabi, lalu na sa mga liblib na lugar. Sobrang dilim. At maraming mga hambalang
sa kalye ang hindi mo inaasahang makita. Sa mga nagmamaneho, dapat sila laging
magbantay … sa mga sasakyang nakaparada na walang EWD (early warning device!);
sa mga iba pang sagabal na basta na lamang iniwang nakabalandra sa lansangan,
tulad ng kulahan, tindahan, mga pira-pirasong kahoy na basta na lamang itinapon
sa daan. Kailangang magmatyag. Kailangang magbantay – sa ilaw na kumukutitap, o
sa ilaw na dapat ay naroon pero wala.
Matay nating isipin, ito mismo ang paksa ng mga pagbasa
natin ngayon. Himayin natin nang isa-isa ang mga ito. Sa unang pagbasa, liwanag
ng wastong pagkilala at kabatiran sa sarili ang paksa. Sino sa atin ang tanggap
ang liwanag ng katotohanang tayo ay “tuloy
pa rin sa pagkakasala, at ang ginawa nami’y talagang masama mula pa noong una”
… “kahit anong gawin namin ay duming di
hamak.” Marami ang nabubuhay sa kadiliman, at ang kadilimang ito ay may
kinalaman sa hindi pagtanggap sa tunay nating katatayuan sa harapan ng Diyos.
Sa ikalawang pagbasa naman, mula sa liham sa mga
taga-Corinto, ang liwanag ng biyaya ng Diyos ang siyang malinaw na paksa: “sa mga pagpapala sa pamamagitan ni Kristo
Jesus” … “mga kaloob na espiritwal, habang hinihintay nating mahayag ang ating
Panginoong Hesukristo.”
Pero ang pinakamatindi at pinakamahalaga ay ito … ang
nilalaman ng ebanghelyo … isang EWD o maagang babala tulad ng “early warning
device.” Ito ang tunay na kahulugan ng mga ilaw na darating, sa Pista ng
Dakilang Liwanag sa araw ng Paskong pinakahihintay natin … “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan
ang takdang oras.”
Ewan ko lang sa inyo, pero ito ang pakahulugan ko sa Panahon
ng Adbiyento o Pagdating … ang pagiging mapagmatyag, mapagbantay, mapag-ingat
at mapag-paanyo. Ito ang panahon ng Pagdating at kung may darating ay may
naghahanda at nag-aayos. Tama ang hiling natin sa Aleluya bago binasa ang
ebanghelyo: “Pag-ibig mo’y ipakita,
lingapin kami tuwina, iligtas kami sa dusa.” Halina, Panginoon, halina!
No comments:
Post a Comment