Friday, December 5, 2014

PAG-IBIG MO'Y IPAKITA; ILIGTAS KAMI SA DUSA!



Ika-2 Linggo ng Adbiyento – B
Disyembre 7, 2014

PAG-IBIG MO’Y IPAKITA; ILIGTAS KAMI SA DUSA!

Maganda ang pagkagawa ng sineng Exodus. Tamang-tama rin sa pagpasok ng panahon ng Pagdating o Adbiyento, kung kailan tayo ay naghihintay, nagmamatyag, nagbabantay. Noong isang Linggo, ilaw at liwanag ang ating paksa … ang pangangailangan nating magbantay sa liwanag, kung kaya’t sinindihan na natin ang kandila sa korona ng adbiyento.

Ipinakita sa sine na ang Diyos ay naggabay sa mga naganap sa mundo ng kalikasan. Ipinakita rin sa sine na hindi magaganap ang mga naganap na himala sa kalikasan kung ito ay hindi ipinagkaloob ng Diyos ng kalikasan, Diyos ng sangnilikha, at Diyos ng kaligtasan. Huwag na nating pag-awayan kung isang meteor ang naging dahilan ng tsunami na nagbukas sa dagat na Pula. Ang ating tanggapin sa pananampalataya ay ang katotohanang kayang mapangyari ng Diyos ang natural na mga pangyayari sa wastong panahon, sa tamang lugar, at sa ikabubuti ng kanyang bayan.

Sa pamamagitan ni Moises, tulad ng sa pamamagitan ni Isaias, tayo ay binibigyang paalala na naman: “Mahahayag ang kanyang kaningningan at makikita ng lahat.” “Tulad ng isang pastol, yaong kawan niya ay kakalingain.”

Ito rin ang pagunita sa atin ni Pedro: “Sa Panginoon ang isang araw ay sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay isang araw lamang.” Nasa pangangasiwa ng Diyos ang lahat ng bagay sa kanyang nilikha, at lahat ay nakatuon bilang tugon sa panalanging ngayon ay namumutawing muli sa mga labi natin: “Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.”

Muling dusa at pighati ang tila naka-amba na naman sa bayang Pilipinas. Si Hagupit (Ruby) ay handang magwasiwas ng kanyang hagupit sa mga lugar na hinagupit na ni Yolanda noong nakaraang taon.

Nguni’t tulad ng sa kwento ni Moises, tulad ng sinabi ng mga propeta, at tulad ng turo ng Inang Santa Iglesya, na halaw sa turo ng Kasulatan, may hangganan ang lahat. May hantungan ang kapangyarihan ni Rameses. May wakas ang katanyagan, ang kayamanan, at may wakas rin ang pagdurusa, pagdarahop, at pagiging busabos. Ito ang katotohanang ipinakita ng Diyos sa pamumuno ni Moises, na siyang naghatid sa kalayaan sa mga Hebreo na ginawang alipin sa Egipto nang mahabang panahon.

Mabuti at nagkatuig na ngayon ipinalabas ang Exodus – kung kailan ang bayan ng mga sumasampalataya ay naghihintay, at nagbabantay. Naghihintay tayo sa kaganapan ng kaligtasan, sa araw kung kailan wala nang luha, pighati, at dalamhati … kung kailan darating ang pangakong “bagong langit at bagong lupa.”

Pero lahat ng hinihintay ay pinaghahandaan. Lahat ng binabantayan ay pinagsisikapan at pinag-aalayan ng panahon at kakayahan.

Ito ngayon ang diwa ng Adbiyento … ang diwang ipinamalas ni Moises, na hindi lamang nanalangin. Hindi lamang siya nakipagbunong-braso sa Diyos. Hindi lamang siya umangal at nag-reklamo sa Diyos. Ginawa niya ang dapat. Tinupad niya ang habilin at utos sa kanya – at inihatid niya ang kanyang bayan sa labas ng Egipto, at patungo sa tunay nilang bayan.

Dapat nang tumigil at makinig … kay Moises, kay Isaias, kay Pedro at kay Juan Bautista … “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.”

Ok lang kung tayo ay medyo nagrereklamo sa Diyos tulad ni Moises. Ok lang kung tayo ay medyo nagtatampo kung minsan sa kanya. Pero ang higit na mahalaga ay ito … gawin ang tamang paghahanda … sumunod o tumalima sa kanyang mg utos, mahirap man o madali.

Alam kong marami sa atin ay balisa sa paghahanda para kay Ruby. Takot ang marami ngayon. Hindi nila tukoy ang magaganap. Hindi rin natin tukoy o alam kung kailan magaganap ang wakas ng panahon. Pero ang alam natin ay ito … Darating siya upang iligtas tayo nang ganap, at akayin tayo sa langit na tunay nating bayan. Samantala, sa mundong ibabaw na ito, sa lupang bayan nating kahapis-hapis, mayroon pa tayong matinding hiling at makabagbag-damdaming kahilingan: “Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.”

No comments:

Post a Comment