Saturday, November 8, 2014

NUKNUKAN NG MGA TIWALI, O TAMPULAN NG MGA NAGWAGI?


Kapistahan ng Pagtatalaga ng Simbahan ng San Juan de Letran
Nobyembre 9, 2014

NUKNUKAN NG MGA TIWALI O TAMPULAN NG MGA NAGWAGI?

Medyo masakit sa tenga ang malamang nagalit ang Panginoon sapagka’t ginawang pugad ng komesyo ang Templo ng Jerusalen. Hindi tayo bihasa makita ang Panginoon na nagpapakita ng galit. Pero sa muling sulyap, ito ang nakikita natin – ang labis na pagmamalasakit ng Panginoon sa karapatan ng Diyos na dapat bigyang-halaga at bigyang-pugay sa kanyang tahanan.

Dalawang magkasalungat ng larawan ang nakapinta sa mga pagbasa ngayon … Ang una ay ang narinig natin sa ebanghelyo … naging nuknukan ng mga tiwali ang templo … naging tipunan ng mga walang pakay kundi ang kumita at makalamang. Ang ikalawa ay ang kabaligtaran … ang larawan ng tubig na nagbibigay panibagong buhay sa tuyot na disyerto at ilang ng Arabah … ang larawan ng kamatayang nagkakaroon ng panibagong buhay dahil sa tubig na ipinakikitang nagmumula sa templo ng Jerusalen.

Ito ang dalawang mukha nating lahat … Minsan tayo ay puno ng galit. May pagkakataong tayo ay tulad ng mga taong walang inisip kundi ang kita, at ang pangkabuhayang mga nasa, at pansariling mga kagustuhan. Subali’t minsan rin naman, tayo ay mga larawan ng mga taong handang magkaloob, handang magbigay, at nagtataglay ng ginintuang puso na nagiging sanhi ng pagpapanibagong-buhay ng kapwa.

Alam ng Diyos kung gaano karaming beses ako naging tulad ng mga hinagupit ng Panginoon sa templo … ganid, sakim, at makasarili! Alam rin ng Diyos kung gaano rin karaming pagkakataon ako naging mapagbigay, mapagkalinga, mapaghanap para sa kapakanan ng iba. Sa aking pagkatao ay nananalaytay ang dugong mabuti at dugong makasalanan, tulad ni Eba at Adan.

Alam rin natin na ang Santa Iglesya ay isang katipunan ng mga banal at makasalanan. Alam natin na ang mananampalataya ay hindi laging nagkakaisa. Malimit na tayo ay pinamamagitan ng hidwaan, ng tampuhan, ng inggitan, at isahan.

Sa araw na ito, pista ng pagtatalaga ng Simbahan ni San Juan de Letran, ang inang simbahan ng lahat ng simbahan sa buong mundo, maganda sanang gunitain kung ano ang dapat para sa atin …

At ano ba ang nararapat? Simple lamang, ayon sa mga pagbasa … ang maging tubig na nagbibigay o naghahatid buhay, ang maging isang pamayanang nagkakaisa sa iisang pananampalataya, iisang binyag, iisang Iglesya, iisang Diyos, at iisang Panginoon!

Bagama’t malayo pa ang ating lakbayin, hindi imposible ang panawagan sa atin ng Diyos – ang maging iisa, ang manatili sa pamamatnubay ng iisang Santa Iglesya, at ang mapanatili ang pagmamalasakit sa kapakanan ng Diyos at kanyang kagustuhan para sa ating lahat.

Tayo na sa ating Inang Iglesya! “Sa bayan ng dakilang Diyos, batis niya’y may tuwang dulot!” Bagama’t kung minsan ito ay nuknukan ng mga tiwali (mga makasalanan), ang tunay na pakay nito ay maging tampulan ng mga nagwagi!

No comments:

Post a Comment