Friday, November 21, 2014

PINUNO, PASIMUNO, PASTOL


Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari
Nobyembre 23, 2014

PINUNO, PASIMUNO, PASTOL

Isang masakit na katotohanan ang makitang ang mga namumuno sa atin ay tulad ng mga mababangis na hayop na mapagsamamtala sa mga tupa. Lalong masakit tanggapin ang kabatirang ang pinakamasahol na sindikato ay ang mismong inaasahan nating magtatanggol sa kapakanan ng mga mahihirap at maliliit na tao, na siyang kinabibilangan ng karamihang mga Pilipino.

Sa halip na pinuno, pasimuno sa katiwalian ang naririnig at nakikita natin halos araw-araw. Sa sobrang limit at dami ng mga imbestigasyon, wala nang naniniwala sa mga usaping wala namang pakay kundi ang isulong ang kani-kanilang mga adhikain. Wala silang iniwan sa palayok na galit sa kaldero sapagka’t madumi raw at maitim ang kanilang puwitan.

Nguni’t sa kabila ng ating pagka dismaya sa namumuno at mga pasimuno, ang kapistahan natin ngayon ay may kinalaman sa isang pinuno … sa isang hari … sa isang pastol 

Pero, sagli’t lang … hindi siya tulad ng ating mga pinuno at pasimunong ngayon ay ating kinamumuhian.

Una, hindi siya galing sa isang dinastiya. Ang kanyang angkan, bagama’t angkan ni David, ay mga pinunong ang inuna ay ang kapakanan ng kanilang kawan. Ang kanyang makamundong Ama ay hindi isang marangyang tao, kundi isang maliit na tao – isang karpintero tulad rin niya. Ang kanyang Ina ay isang dalagitang walang kapangyarihan na nagpuri sa Panginoon “sapagka’t iniangat niya ang mga mabababa at ibinagsak ang mga palalo.”

Ikalawa, ang kanyang pangangalaga at kapangyarihan ay hindi galing sa partido pulitikal, kundi galing mismo sa Diyos na siyang may akda ng gawang pang kaligtasan. Mula sa bibig ni Exequiel ay ating narinig: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa.”

Ikatlo, at ito ang pinakamahalaga, walang makamundong layunin at adhikain ang naghari sa kanyang puso at isipan, liban sa pagwawagi laban sa pinakamatinding kalaban ng sangkatauhan – ang kasalanan at kamatayang dulot ng kasalanan! “”Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao.”

Medyo nakababahala ang mga nagaganap sa ating lipunan. Nakawawala rin ang lahat ng ito ng pag-asa at nakapagpapapanaw ng katiwasayan.

Pero ang pista natin ngayon ni Kristong Hari ay isang patibay ng ating pag-asa. “Darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagka’t si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway.”

Hindi mga pasimuno ang nagtatangan ng ating kinabukasan. Hindi mga pulpolitiko ang may angkin ng ating hinaharap. Nasa Diyos at tanging nasa Diyos ang tagumpay. Hindi man ngayon, kung kailan tayo ay tila nalulukuban ng kasamaan at kadiliman, ay sa panghinaharap, sa araw ng Kanyang muling pagbabalik.

At kung ito man ay makatutulong sa ating pag-asa at pananabik, dapat nating banggitin na siya ay darating hindi lamang bilang pinuno at pastol. Siya ay darating rin upang maghatid ng katarungan, at paghihiwalayin niya ang mga tupa at mga kambing.

Siya ay pastol, pinuno at gatpuno: gabay at patnubay. Ipokus natin ang ating pag-asa sa kanya, at hindi sa mga kawatang nagpapanggap na mga pinuno at tagapaglingkod.  “Pastol ko’y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop!” Mabuhay si Kristong Hari!


No comments:

Post a Comment