Ika-27 Linggo ng Taon A
Oktubre 5, 2014
AAWITAN KITA; PASASALAMATAN KITA!
Bigla ko tuloy naalala si Armida Siguion Reyna at ang
kanyang kantang “Aawitan Kita.” Sabi kasi ni Isaias ay aawit siya tungkol sa
kanyang kaibigang walang hindi ginawa para sa kanyang ubasan. Pero sa halip na
umawit ay may karapatan siyang magalit. Wala siyang napala sa kanyang
pinaghirapan at inalagaang ubasan.
Sa buhay natin, dumaraan tayo sa pagkakataong naghahanap
tayo kumbaga … ng kaunting konsiderasyon, kaunting atensyon, kaunting consuelo,
ika nga. Masaba ba kayang umasa sa kaunting pagpapasalamat at pagpapahalaga
yaman at pinagbuhusan mo ng buo mong pagkatao at kakayahan ang isang bagay na
mahal na mahal mo?
Gusto nating magbunga ang ating pinaghirapan. Gusto natin
rin na magdulot ng ginhawa ang pinagsikapan at pinagmalasakitan. Sino sa atin
ang hindi naghahanap ng bunga sa ating itinanim na guyabano, o atis, o kahit
man lamang papaya? Sino sa atin ang hindi magtatampo kung ang ating inalagaang
tuta ay iba ang tinatalunan, hinihimod, at pinakikinggan? Huwag kang mag-alala
kaibigan … ang aso ay mas mahusay magmahal sa kanyang amo, kesa sa ating tao …
Pero hindi ito ang paksa ng pagninilay na ito.
Pero yayaman din lamang ang nasa aso ang usapan, heto ang
isang kwento ni Aesopo. May isang asong may malaking buto sa bunganga na
tumawid sa tulay sa ibabaw ng isang maliit na batis. Nang nakita niya ang
kanyang larawan sa batis, pinagnasaan niya ang butong tangan ng isang aso.
Tumahol siya. Gusto niya makuha rin ang buto ng isang aso. Kung kaya’t nahulog
ang buto, at naglaho.
Minsan, tayo ay parang aso ni Aesopo. Hindi na nga nagbigay,
ay ang gusto pa ay kumabig. Puro pakabig. Puro pangsariling kapakanan. Walang
alay, lahat gusto ay bigay sa kanya. Walang kaloob na kusa. Ang gusto ay laging
paloob at papunta sa kanyang pagkatao.
Sa mundong iniikutan natin, napapalibutan tayo ng tinatawag
na narcissism epidemic. Hindi lang puro selfie ang gusto ng tao ngayon … lahat
ay selfish rin at makasarili. Walang kabubusugan tungkol sa mga gustong
simpleng tirahan lamang, na may maliit na swimming pool. Wala naman raw masama
doon, lalu na’t regalo ng mga kaibigan.
Sa mundong iniikutan natin, panay ang katulad ng mga kasama
sa ubasan. Hindi na nga nagbigay ay kumabig pa. Hindi na nga nagsikap ay binugbog
pa ang sugo ng may ari ng ubasan.
Hindi na ang ubasan ang tinutumbok ng ebanghelyo, kundi ang
mga kasama ng may ari ng ubasan. At kung titingnan nating mabuti, hindi lang
ang mga kasama, kundi tayong lahat.
Nakakadismaya kapag ang ubasan o ang punong ating tanim ay
hindi nagbunga, pero higit na nakakalungkot kung ang mga tao tulad natin, sa
halip na gumawa at maghatid ng maraming bunga, ay wala na ngang produkto ay
wala pa ring kusang kaloob bilang kabayaran sa lahat ng ipinagkaloob sa atin.
Tama lamang na ipagmakaingay ang kabutihang tinanggap natin.
Tama lang ang awit ni Siguion Reyna. Pero higit na mainam ang isagawa ang ating
ipinagmamakaingay – ang magbigay ng kaloob bilang sukli sa lahat ng kabutihang
tinanggap natin.
Ano kaya ang puede nating isukli sa dakilang habag at
pag-ibig ng Diyos?
Marasbaras, Tacloban City
Oktubre 3, 2014
No comments:
Post a Comment