Ika-28 Linggo Taon A
Oktubre 12, 2014
SAGANA. SALAT. LAHAT
Lahat tayo ay nagdaan sa wala at sa meron. Minsan, sagana;
minsan, salat. Sino sa atin ang laging may isinuksok na madaling dukutin?
Natatandaan ko pa ang aming kapitbahay
at kamag-anak noong wala pang kuryente sa aming bayan sa araw … Lagi silang
nagsusuksok ng pera sa dingding na kawayan. Kapag medyo salat ay ito ang
kanilang hinahanap, lalo na’t malapit na ang pista at dapat maghanda kahit
kaunti.
Pagdating ng pista, lahat ay masaya. Lahat ay parang sagana.
Lahat ay nagdiriwang at nagpapasalamat. Hindi na ako nagtatakang ang larawang
ginamit ng Diyos sa mga pagbasa ngayon ay may kinalaman sa handaan, sa pista,
sa masasarap na pagkain at inumin, atbp.
Sa tatlong pagbasa sa araw na ito, pawang binigyang-pansin
ang salitang LAHAT. Aanyayahan daw ng Panginoon ang “lahat ng bansa,” upang
dumalo sa kanyang piging, sa Bundok ng Sion. Pati si San Pablo ay naki-iisa sa
mga taong nagdaan sa sagana at nagdaan rin sa kasalatan. Pati siya ay nakisama
na rin sa pagpapagunita na “ibibigay niya ang lahat ng ating kailangan sa
pamamagitan ni Kristo Jesus.” Sa talinghaga naman sa ebanghelyo, malinaw ang
paanyaya sa piging kung saan ang lahat ay tinawagan, inanyayahan, bagama’t
hindi nangagsipagdatingan ang mga inanyayahan.
Marami ngayon ang nagdadaan sa wala. Ito ang isa sa mga
bagay na hindi ko matanggap. Noong kami ay lumalaki sa probinsya, wala akong
nakitang nagkakalkal ng basura at nagkakalakal ng basura. Ang lahat ay may
kapirasong lupa na sinasaka, at ang kanilang kinakalakal ay tunay na kalakal,
hindi basurang kinalkal.
Pero sa ating panahon, rin, nakakakita tayo ng taong
nanggigitata sa pagka-sagana … mga politikong tila walang pagka-ubos ang
kanilang pera, at mga pulis na donasyon lang naman daw o diskuento ang kanilang
mga pag-aari. Ang kasalatan at kasaganaan ay magkatabing katotohanan sa lipunan
natin.
Wala akong solusyong nasa isip upang harapin ang problemang
ito. Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin upang ang lahat ay makatikim ng
sapat na kasaganaan sa mundong ibabaw.
Pero mayroon akong isang katiyakan na hindi mapahihindian
ninuman – ang pangako ng Diyos na Diyos ng buhay. Sa pamamagitan ng larawan ng
kasalatan at kasaganaan, at sa pamamagitan ng larawan ng pagkaing sagana at
mayaman, ay inihahatid tayo sa isang pangitain at pangarap ng Diyos para sa iyo
at para sa lahat.
At ito ang totoo ayon sa ating pananampalataya … ayon sa
ating pag-asa … ayon sa pangarap ng Diyos para sa ating lahat. Salat man o
sagana, iisa ang katotohanang nakalaan para sa lahat …
Nais ko sanang banggitin dito ang sinulat ng makatang
Kastila na si Federico Garcia Lorca: "Cuando la vida te presente
razones para llorar, demuestrale que tienes mil y uno razones para reir."
Sa sandaling ang buhay ay nagbibigay ng sanlaksang dahilan para tumangis,
ipamata mo rin sa kanya na meron ka ring isang libo at isang dahilan para
tumawa at magalak.”
Hindi lamang ito isang libo at isang
dahilan para magalak. Ito ay isang pangako. Ito ay isang pangarap na mula mismo
sa Diyos na nag-aanyaya sa atin, hindi lamang sa piging sa daigdig na ito,
kundi sa walang hanggang piging sa langit: “Lagi akong mananahan sa bahay ng
Poong mahal … Doon ako sa temple lalagi at mananahan!”
Sagana? Salat? No hay problema! Lahat
ay tinawagan upang manahan sa kanyang piling – sa langit na tunay nating bayan!
No comments:
Post a Comment