Ika-29 na Linggo Taon A
Oktubre 19, 2014
CIRO … SAULO … SINO?
Masalimuot ang kasaysayan ng mga Israelita. Masalimuot rin
ang pinagdaanan ng mga taong natanghal bilang hinirang ng Diyos. Kung gayon,
masalimuot rin ang pinagdaanan nating lahat bilang bagong bayang pinili ng
Diyos!
Vamos a ver! … sino sa atin ang isinilang na santito o
santita? Malayo ito sa katotohanan. Baka maldito, puede pa. Lahat tayo ay
isinilang na nagpoprotesta! Umiiyak … Lahat tayo ay nagpumiglas nang lumabas sa
sinapupunan. (Si Juan Bautista nga, sa tiyan pa lang ni Isabel, nag-rally na …
nagpumiglas!)
Pero, masdan nyo ang nangyari! Marami sa aking mga tagabasa
ay mga taong dating maldito pero ngayon ay santito … at hindi lang sa araw ng
Linggo, kundi Lunes hanggang Sabado! A
ver! Sino ba si Saulo? … Maldito na nagsikap usigin ang mga tagasunod ni
Kristo! Sino ba si Ciro? Isang emperador ng Persia, na bagama’t gumawa ng isang
napakabuting pagpapalaya sa mga Israelita sa pagkatapon sa Babilonia, ay isang
walang kupas na politikong ang pakay ay magkaroon siguro ng mga kakampi laban
sa kaniyang mga kaaway!
Tingnan nyo si Saulo! Dati-rati’y ang pangit-pangit niya (sa
ugali!). Dati-rati’y isa siyang masugid at mabangis na tagapagpahirap sa mga
Kristiyano! Pero nang makita niya ang liwanag ay naging ibang tao siya.
Nagpalit siya ng pangalan at tinawag na Pablo!
Ito ngayon ang Pablo na punong-puno ng pasasalamat sa Diyos
dahil sa “mga gawang bunga ng pananampalataya, mga pagpapagal sa udyok ng
pag-ibig, at ang matibay na pag-asa” na ipinamalas ng mga taga Tesalonika!
Sinong may sabing walang kinabukasan ang lahat? Di ba’t di
miminsan na nating nabanggit na lahat ng santo ay may nakalipas, at lahat ng
makasalanan ay may kinabukasan?
Sinong may sabing wala na tayong kinabukasan sa dami ng mga
Cesar na walang ginawa kundi ang magpayaman at manloko sa taong bayan, sa likod
ng kanilang hi-tech na pagnanakaw sa kaban ng bayan? Sino ang may sabing hindi
dapat tayo magkaroon ng anumang pakikitungo sa mga Cesar, at tumalungko na
lamang sa harapan ng altar at hayaan silang magpatuloy sa kanilang maruruming
Gawain?
Sino ang may sabing hindi tayo dapat magbayad ng buwis
sapagka’t ninanakaw lang naman ng mga tampalasan sa gobyerno? Sino ang
nagsasabing ang isang makasalanan ay wala nang pag-asa at wala ka nang dapat
asahan pa?
Si Saulo ay isa sa mga ito. Si Ciro ay posibleng may ibang
gustong marating sa kanyang pagpapalaya sa mga Israelita. Hindi ko sigurado
kung tunay ang kanyang pagmamalasakit sa mga Judio, pero sigurado ako sa isang
bagay … na ang Diyos ay nagsusulat ng deretso, kahit sa pamamagitan ng mga
baluktot na linya o guhit. Alam ko ring sa kabila ng aking pagkamakasalanan, ay
patuloy akong pinagmamamalasakitan ng Diyos, at patuloy na tinatawagan upang
matulad kanino? Kay Ciro at kay Saulo … kay Agustin at kay Domingo … kay
Ignacio at kay Juanito Bosco … kay Lorenzo Ruiz at kay Pedro Calungsod!
At ito pa ang matindi … Alam ko ring tungkulin kong
unti-unting gumawa upang ang mga Cesar sa ating mundo ay mapalitan ng mga tulad
ni Ciro, ni Saulo, at nga libo-libong mga banal.
Wag tayong manghinawa. Wag tayo sanang magsawa. Wag sana
tayo mawalan ng pag-asa. “Ibigay ninyo sa Cesar and sa Cesar, at sa Diyos ang
sa Diyos.”
Pero .. tulad ng ginawa ni Ciro at ni Saulo … inuna nila ang
Diyos!
Sino ngayon ang dakila? Si Ciro? Si Saulo? Si Pablo? Gumaya
tayo sa “Simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at nga Panginoong
Jesucristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan!”
Sino ngayon ang dapat maging dakila? Walang iba kundi tayo!
No comments:
Post a Comment