Sunday, September 28, 2014

BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB


Ika-26 na Linggo ng Taon A

Setyembre 26, 2014



BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB



Sabi nila, gago lang daw ang hindi nagbabago ng isip. Bagama’t hangal din ang pabago-bago ng isip, mas hangal ang hindi marunong magbalik-isip, magbalik-tanaw, at magbalik-loob.



Ito ang kagandahan at karangalan ng kawayang Pinoy. Sumasayaw sa hangin; umiindak sa bagyo, lumuluhod sa unos, at para bagang nakikibagay sa daloy ng panahon … pero hindi kailanman nababali. Nagbabago siya ng posisyon, ayon sa hangin … nakikibagay … nakikisama … pero hindi sumusuko at nababali ng hangin.



Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi siya marunong umangal. Sa katunayan, kapag malakas ang hangin, may salitang angkop lamang para sa kawayan, ang alatiit – ang tunog ng kawayang nagkikiskisan at nag-uumpugan dahil sa hangin. Parang umaangal, nag-rereklamo, pero hindi bumibigay. Walang iniwan ito sa reklamo ng mga Judio at reklamo rin natin malimit: “Hindi matuwid at makatarungan ang panuntunan ng Diyos!”



Sino sa inyong nagdaan din sa pagkabata ang hindi umangal sa dami ng utos ng magulang? Sino sa atin ang hindi nagreklamo dahil mas gusto natin maglaro, pero kelangang mag-igib, magsibak ng kahoy, o may bilhin sa tindahan? Sabi nila, ang pinakamaingay na gulong ang nakakatanggap ng mas maraming grasa. Ito ang naging tugon ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Exequiel: “Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot.”



Minsan ring baluktot ang pamantayan ni Pablo. Noong siya ay kilala pa sa pangalang Saul, inusig niya ang Simbahan, at ang mga kristiyano. Pero ngayon, nang makilala niya ang Diyos, panay magagandang pangarap ang kanyang wika: “pag-ibig, pagkakaisa, kagalakan, kababaang-loob” at iba pa.



Nagbago rin siya ng isip. Nagbago rin siya ng saloobin. At ang pagbabagong nagmumula sa kalooban ay nagbubunga sa kilos panlabas.



Dalawang mag-kuya ang kwento sa ebanghelyo. Inutusan ang panganay. Tumanggi ang panganay. Inutusan rin ang bunso. Nangako ang bunsong susunod. Subali’t ang bunso ay hindi kumilos at gumawa. Ang panganay, bagama’t tumanggi ay nagbalik-isip, nagbagong loob, at gumawa nang nararapat.



Sa buhay natin, sagana tayo sa karanasang tulad nito. Marami tayong ayaw, at marami tayong gustong gawin. Malimit tayo tumanggi at magpahindi kahit sa mga nagmamahal at nagmamalasakit sa atin. Malimit rin tayong mag-reklamo at umangal. Subali’t karanasan rin natin na hindi lagi tayong nananatiling nagmamatigas sa ating kalooban. Hindi lagi tayong nananatiling manhid at walang pansin, walang pagtingin, walang konsiderasyon.



Matapos magmuni, matapos mag-gunam-gunam ay may nakikita rin tayong kaliwanagan. At ang isip ay nagbabago. Ang puso ay nagkakaroon ng paghupa at kahinahunan. Ang isipan ay tumatanggap ng kaliwanagan.



Metanoia ang tawag rito ng Banal na Kasulatan – ang pagbabagong-loob. Ngunit ang pagbabagong-loob na ito ay nagaganap lamang kung may pagbabalik-isip, pagbabalik-tanaw, at nauuwi sa pagbabalik loob.



Sino sa dalawang magkapatid ang tumupad sa kalooban ng Diyos? Kelangan pa ba imemorize yan? Pero ito naman ang magandang balita. Huwag natin kalimutan ang bunso na mas mabilis ang bibig kaysa sa kanyang puso at kamay …



Hindi pa huli ang lahat. Para sa kanya at para sa atin. May oras pa para magnilay. May panahon pa para mag-isip-isip. At ito ang dapat nating lahat isipin: “Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay!”




No comments:

Post a Comment